Mas pinalawak ang paggamit ng Green pass sa Italya simula September 1. Sakop din ng bagong regulasyon ang mga staff ng paaralan at mga unibersidad. Ito ay idinagdag sa ipinatutupad ng regulasyon simula August 6, kung saan ginawang mandatory ang Green pass sa pagpasok sa mga restaurants, cinema, theaters, museums at marami pang iba.
Basahin din:
- Green Pass, mandatory sa Italya simula sa August 6. Narito ang FAQs.
- Green Pass, narito ang nilalaman ng bagong decreto
Staff ng mga paaralan
Simula September 1, ang lahat ng mga staff ng mga paaralan ay dapat na mayroon at kinakailangang ipakita ang Green pass. Ang sinumang hindi susunod sa regulasyon ay hindi makakapasok sa mga pasilidad ng paaralan at ituturing na “hindi makatwiran ang pagliban”. Sa ikalimang araw ay masususpinde sa trabaho at hindi tatanggap ng suweldo. Ang empleyado ay kailangang mapalitan ng substitute o supplenti. Dahil dito, nasasaad sa decreto , ang paglalaan ng 358M euros. Sakop ng nabanggit na bagong regulasyon ang lahat ng mga paaralan – statale, paritarie e non paritarie, kasama ang mga centroi provinciali per l’istruzione degli adulti.
Mga mag-aaral
Hindi mandatory ang pagkakaroon ng Green pass para sa mga mag-aaral. Ang klase ay magiging regular sa mga paaralan at mandatory ang pagsusuot ng mask sa loob ng mga klase, maliban sa mga mas bata sa 6 na taong gulang. Inirerekomenda ang social distancing ng kahit 1 metrong distansya. Bawal ang pagpasok kung ang body temperature ay higit sa 37.5°.
Basahin din:
- Green Pass, kailangan ba sa pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral?
- Green Pass, ang regulasyon para sa mga menor de edad
Unibersidad
Parehong regulasyon sa mga staff ng mga unibersidad. Mandatory ang Green pass simula Sept 1, 2021. Assenza ingiustificata sa sinumang walang Green pass. Isususpinde at hindi makakatanggap ng sahod makalipas ang limang araw ng pagliban sa trabaho.
Samantala para sa mga mag-aaral sa unibersidad ay kailangang ipakita ang Green pass upang makapasok sa klase. Magkakaroon ng din ng random control tulad ng nasasaad sa isang note ng Ministry of Education and Research.
Exemption
Ang pagkakaroon ng Green pass ay hindi mandatory sa mga staff ng paaralan at unibersidad at mga mag-aaral na mayroong angkop na medical certificate na hindi maaaring mabakunahan kontra Covid19. (PGA)