Simula noong nakaraang December 16 ay sinimulan sa Italya ang pagbabakuna sa mga bata mula 5 hanggang 11 taong gulang. Sa bagong decreto festività, ang regulasyon ng Super Green Pass para sa mga menor de edad, partikular sa mga mas bata sa 12 anyos ay hindi nagbabago.
Tulad ng mga adults na sumasailalim sa unang cycle o booster dose, ang mga batang nasa edad mula 5 hanggang 11, pagkatapos ng unang dosis ng anti-Covid vaccine, ay makakatanggap din ng Green pass. Sa kabila nito, ang mga batang wala pang 12 taong gulang ay hindi kasama sa obligasyon na ipakita ang Green pass para sa access sa lahat ng mga pasilidad kung saan ito mandatory para sa mga batang higit sa 12 taong gulang. Samakatwid, kahit mayroong Green pass ang mga bata mula 5 hanggang 11 taong gulang, ay hindi mandatory para sa kanila ang ipakita ito sa mga lugar kung saan ito mandatory. Samantala, ang pagpapakita ng Green pass ay mandatory sa mga batang 12 anyos pataas.
Ito ay nangangahulugan na ang mga under 12 ay maaaring magpunta sa stadium, cinema at theme park kasama ang mga magulang at sila (ang mga under 12) ay hindi mangangailangan ng Super Green Pass.
Bukod pa dito, ang mga batang may edad mula 5 hanggang 11 na babalik sa Italy mula sa paglalakbay sa ibang bansa ay hindi kailangang mag-quarantine kung ang mga miyembro ng pamilya ay nabakunahan o naka-recover mula sa Covid.
Ang mga over 12 naman ay kailangang sundin ang general rules ukol sa mandatory Super Green pass sa pagsakay ng mga public transportation at pagpunta sa mga hotels.
Isang paalala na ang mga mas bata sa 6 na taong gulang ay exempted din sa pagsusuot ng mask.
Gayunpaman, ang pagkakaroon ng Green pass ay hindi kakailanganin ng mga bata; under o over 12, sa pagpasok sa eskwela. Ito ay mandatory lamang para sa mga university students.
Sa pagbabakuna sa mga bata mula 5 hanggang 11 taong gulang ay ginagamit ang pediatric dose ng bakunang Pfizer o ang ikatlong bahagi ng dosis para sa mga matatanda. Ang distansya sa una at pangalawang dosis ay 21 araw o 3 linggo. (PGA)