Naglathala ang ASSINDATCOLF, ang asosasyon ng mga employers sa domestic job sa Italya, ng FAQs na naglilinaw ukol sa pagpapatupad ng Green pass sa sektor simula Oct 15, 2021.
Narito ang mga katanungang binigyang linaw
Ano ang dapat gawin kung ang domestic worker ay walang Green Pass?
Simula October 15, 2021, kung ang domestic worker ay wala o hindi makapag-prisinta ng balidong Green pass, ay hindi maaaring tanggapin sa trabaho at ang pagliban na ito ay ituturing na ‘assenza ingiustificata’ o hindi makatwiran at hindi rin tatanggap ng sahod sa panahong hindi nakapag-trabaho dahil walang balidong Green pass.
Gaano katagal ang ‘assenza ingiustificata’?
Ang hindi makatwirang pagliban sa trabaho dahil sa kawalan ng Green pass ay magtatagal hanggang sa makapag-prisinta ng balidong Green pass ang worker. Gayunpaman, ayon sa inaprubahang batas, ito ay hindi lalampas sa December 31, 2021, ang petsa ng pagtatapos ng State of Emergency ng Italya.
Bukod sa colf, caregivers at babysitters, mayroon pa bang iba na dapat magkaroon ng Green pass sa domestic sector?
Bagaman pinakakilala ang trabaho ng mga colf, caregivers at babysitters sa domestic sector ay mayroon pa ring ibang manggagawa na nasasakop ng batas sa Green pass tulad ng mayordoma, cook, dog sitter, driver, gardener at iba pa.
Maaari bang kumuha ang pamilya ng substitute sa panahong hindi makakapagtrabaho ang domestic worker dahil sa kawalan ng Green pass?
Sa panahong hindi makakapag-trabaho ang domestic worker, ang pamilya ay maaaring kumuha ng isang substitute.
Makakatanggap ba ng sahod ang dalawang workers?
Hindi, ang pamilya ay hindi kailangang bigyan ng suweldo ang domestic worker mula sa unang araw ng pagliban sa trabaho at kahit ang mga kontribusyon sa Inps at Cassacolf ay hindi dapat bayaran ng employer sa buong panahon ng pagliban.
Sino ang magkokonrol sa Green Pass ng mga domestic workers?
Ang employer o isang miyembro ng pamilya ang dapat mag-check sa Green pass bago payagan ang worker na pumasok sa bahay. Kung wala siya nito o hindi makapagpakita ng balidong Green pass ay hindi siya maaaring tanggapin sa serbisyo ng employer.
Paano gagawin ng employer ang pagsusuri sa Green Pass?
Ang paraan kung paano gagawin ng employer ang pagkokontrol sa Green pass ng domestic worker ay hindi pa nabibigyang linaw hanggang sa kasalukuyan. Kailangang maghintay ng karagdagang probisyon ukol dito.
Sino ang magbabayad sa swab test ng domestic worker?
Ang swab test ng domestic worker para magkaroon ng Green pass ay hindi sagutin ng employer at dapat bayaran ng domestic worker mismo.
Maaari bang matanggal sa trabaho ang domestic worker na walang bakuna o walang Green pass?
Ang dahilan para sa pagtanggal sa trabaho ay hindi maaaring ang kawalaan ng Green Pass dahil ayon sa inaprubahang batas ay nananatili ang karapatang mapanatili ang trabaho bagaman hindi pinapapasok o absent sa trabaho. Gayunpaman, dapat tandaan na ang pagkawala ng tiwala sa pagitan ng employer-worker ay maaaring maging dahilan ng pagtatanggal sa trabaho sa domestic job, sa kundisyong susundin ang araw ng abiso.
Ano ang dapat gawin kung bakunado ang domestic worker ngunit walang Green Pass o ang bakunang natanggap ay isa sa hindi kinikilala sa Italya?
Ayon kay Undersecretary for Health, Andrea Costa, isang Circular mula sa Ministry of Health ang inaasahang magbibigay linaw sa aspektong ito.
Basahin din:
- Green pass, mandatory din sa mga colf at caregivers
- Anu-ano ang mga pagbabago sa bagong dekreto sa Green pass?
- No Green pass, No work, No pay