in

Hypertension, Alta Presyon o High Blood: Silent Killer

Ang hypertension o mataas na presyon ng dugo o kadalasang tinatawag ng mga Pinoy na alta presyon o high blood ay isang malubhang sakit na pumipinsala sa marami nating kababayan. Ito ay kadalasang na karamdaman ng middle-aged Filipino, katulad ng diabetes. Ayon sa mga eksperto sa Pilipinas, higit sa walong milyong Pilipino ang may sakit nito.

Dahil sa alta presyon nagsisimula ang heart disease o sakit sa puso, ito ay isa sa mga pangunahing problemang pangkalusugan kasalukuyang hinaharap ng marami. Isa at kalahating bilyon naman ang may sakit nito sa buong mundo kaya’t ito ay tinatawag na global health problem.

Ang alta presyon ay tinaguriang silent killer dahil maraming tao ang mayroon nito subali’t hindi nila alam. (Alam niyo ba na isa pang tinatawag na silent killer ay ang asin?). Paglipas ng panahon, ang mga taong hindi nagagamot para rito ay maaring lubhang magkasakit o magkakumplikasyon tulad ng sakit sa bato, atake sa puso, pagkabulag o di kaya ay namamatay.

Sinuman ay maaring magkaroon ng mataas na presyon ng dugo. Marahil nababalitaan niyo na ring pabata nang pabata na ang mga nabibiktima nito. Ngunit may mga taong sadyang mas maaring magkaroon ng alta presyon. Kabilang rito ang mga taong may edad na higit sa 55 at mga taong may kasaysayan ng sakit na ito sa pamilya (family history). Mas malaki naman ang pagkakataon na magkasakit nito kung: sobra ang timbang (overweight), madalas na pagkain ng maaalat na pagkain, hindi nag-e-ehersisyo ng regular, naninigarilyo at malakas na paginom ng alak.  Karaniwan ding nagkaka-alta presyon ang mga babaeng nagbubuntis.

Kung di kayo tiyak kung may sakit na kayo nito, tandaan na ang tanging paraan upang makatiyak ay ang pagpapakuha ng inyong presyon ng dugo sa inyong doktor o sa iba pang propesyonal. Base sa inyong presyon at iba pang nararamdaman, kanilang maitatakda kung kayo ay mangangailangan ng regular na gamot para rito.

Tandaan din na importanteng susi sa ating kalusugan ang makontrol ang mataas na presyon ng dugo. Magagawa ito sa pamamagitan ng regular na pagkuha o pag-monitor ng presyon, regular na pag-inom ng gamot kung ito ay naireseta at naitakda ng doktor, madalas na pag-ehersisyo, sapat na pamamahinga, pagiwas sa paggamit ng maraming asin o maalat na pagkain (tulad ng patis, prosciutto, tuyo, atbp), pagbawas ng timbang (kung overweight) o pag-maintain ng ideal weight, pagtigil ng paninigarilyo, paglimita sa iniinom na alkohol at madalas na pagsangguni sa doktor.

 

Loralaine J. Ragunjan – FNA

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Grupong Kultural sa Cagliari, Tampok sa Festa dei Popoli

“Cultural revolution” o “Sagabal sa hinaharap”