in

Italian citizenship by marriage, sino at paano mag-aplay?

Batay sa artikulo 5, talata L ng Batas 91/92, ang asawa – dayuhan man o stateless person – ng isang italian citizen, ay maaaring magkaroon ng Italian citizenship kung matutugunan ang mga kundisyong hinihingi ng batas. 

Narito ang detalye kung sino ang maaaring mag-aplay ng Italian citizenship by marriage, paano gawin ang aplikasyon, ang mga dokumento na dapat ilakip at ang panahong kinakailangan nito. 

Sino ang maaaring mag-aplay ng Italian citizenship by marriage 

Ang isang dayuhan ay may karapatang mag-aplay ng Italian citizenship kung kasal sa isang mamamayang italyano at nagtataglay ng mga sumusunod na requirements: 

  • Dalawang taong sunud-sunod na pagiging residente sa Italya kasama ang asawa, matapos ang araw ng kasal;
  • Tatlong taon kung naninirahan sa labas ng Italya, matapos ang araw ng kasal.

Sa kasong mayroong anak na menor de edad, ang panahon ay nababawasan ng kalahati.

  • 1 taon kung naninirahan sa Italya, 
  • 1 taon at kalahati kung naninirahan sa labas ng Italya. 

Paalala 1: Ang requirement ng pagiging kasal ay kailangan sa panahon ng pagbibigay ng Italian citizenship.

Paalala 2: Maaaring magsumite ng aplikasyon ang dayuhang mamamayan kahit ang asawa nito ay nagkaroon ng Italian citizenship makalipas ang kasal. Sa kasong ito, ang taon ng required residency ay magsisimula sa petsang ito. 

Paalala 3: Ang requirement ng continuous residency ay nangangahulugan na walang anumang kanselasyon bilang residente o walang anumang patlang sa panahon ng residency. Samakatwid, kahit lumabas ng bansang Italya sa maikling panahon (hal. Pagta-trabaho sa ibang bansa) ay hindi tinanggal bilang residente sa Italya.

Halaga ng aplikasyon 

Ang aplikasyon ng citizenship ay napapailalim sa pagbabayad ng isang kontribusyon na nagkakahalaga ng € 250,00, na dapat bayaran sa Poste Italiane sa account number na 809020 sa Ministero dell’Interno DLCI-Cittadinanza.

Bukod dito ay kakailanganin ang isang marca da bollo na nagkakahalaga ng € 16,00 na dapat ilakip sa aplikasyon. 

Sa kasong rejected o negatibo ang resulta ng aplikasyon, ang kontribusyon ay hindi ibabalik sa aplikante.

Mga dokumento na dapat ilakip 

Sa pagsusumite ng aplikasyon, ang mga sumusunod na dokumento ay kailangang ilakip: 

  • BIRTH CERTIFICATE: kung saan nasasaad ang lahat ng pagkakakilanlan, pati ng mga magulang.

Sa kasong ang aplikante ay isang babae at ginagamit ang surname ng napangasawa na hindi nasasaad sa birth certificate ay kakailangan rin ang original na Certification buhat sa Embahada ukol sa magkaibang apelyido.

  • POLICE CLEARANCE: Ang aplikante ay dapat magsumite ng Police o NBI Clearance buhat sa Pilipinas. Ito ay balido lamang ng anim na buwan mula ng inisyu ito. Makalipas ang panahong nabanggit ay kakailanganing muli ang panibagong mga dokumento at gawin ang buong proseso ng legalization nito.

Ang dalawang nabanggit ay kailangang may apostille, may translation at authenticated.

Basahin din: Paano ang legalization ng mga dokumento mula sa Pilipinas? Ano ang tinatawag na Apostille?

  • Balidong Permesso di soggiorno;
  • Copia ng Atto di Matrimonio na inisyu sa Italya. 
  • Pinagbayarang € 250,00
  • Marca da bollo € 16,00 

PAALALA: Ang italian citizenship by marriage ay walang salary requirement.

Karagdagang dokumento bilang suporta sa aplikasyon

Bilang suporta sa aplikasyon ng citizenship by marriage ay maaaring ilakip ang mga sumusunod na dokumento na maaaring gawin ang Autocertificazione:

  • Stato di Famiglia, na magpapatunay ng pagkakaroon ng mga anak o ampon ng mag-asawa;
  • Petsa ng primo ingresso o first entry sa Italya;
  • Periodo storico di residenza o historical residency, na magpapatunay sa residency ng 2 o 3 taon, kung saan nasasaad ang petsa ng iscrizione anagrafica o anumang paglipat sa ibang Comune o Rehiyon. Ang mga impormasyon ay maaaring makuha sa Anagrafe kung saan residente. 
  • Petsa ng pagiging Italian citizen ng asawa, kung hinid Italian citizen by birth. 

Sertipiko ng kaalaman sa wikang Italyano

Ang angkop na kaalaman sa wikang italyano sa pag-aaplay ng Italian citizenship, ay ang antas B1 ng Quadro Comune Europeo di Riferimento per Le Lingue o QCER.

Hindi kasama sa obligasyong patunayan ang kaalaman sa wikang italyano ng mga sumusunod:

  1. Dayuhang mamamayan na nagtataglay ng diploma/kwalipikasyon na inisyu ng isang pampubliko o pribadong institusyong pang-edukasyon na kinikilala ng Ministriy of Foreign Affairs;
  2. Dayuhang mamamayan na nagtataglay ng diploma/kwalipikasyon na inisyu ng isang pampubliko o pribadong institusyong pang-edukasyon na kinikilala ng Ministriy of Education (MIUR);
  3. Dayuhang mamamayan na nagtataglay ng diploma/kwalipikasyon na inisyu ng mga institusyong pang-edukasyon na kinikilala ng MAECI (Mga Italian school sa ibang bansa);
  4. Mga mamamayan na mayroong EC long term residence permit o permesso CE per lungo soggiornanti;
  5. Mga mamamayan na mayroong ‘lumang’ permesso CE per lungo soggiornanti na inisyu mula Disyembre 9, 2010;
  6. Mga mamamayan na pumirma sa Accordo di Integrazione na tinukoy sa Artikulo 4-bis ng Testo Unico per Immigrazione. Basahin din: Sertipiko ng kaalaman sa wikang Italyano, kailangan din ba sa aplikasyon ng Italian citizenship by marriage?

Paano isusumite ang aplikasyon 

Sa pamamagitan ng serbisyo noline ng Ministry of Interior, Dipartimento per le Libertà Civili e l’Immigrazione, sa pamamagitan ng link na ito: https://portaleserviziapp.dlci.interno.it/AliCittadinanza/ali/home.htm

Simula Setyembre 2020 ay kinakailangan ang SPID o ang iisang digital identity na access sa PA. 

Basahin din: Narito ang Gabay sa bagong website ng italian citizenship. 

Ang aplikasyon ay ipapadala sa Prefetture na kinasasakupan, batay sa kasalukuyan address ng aplikante. 

Matapos ang access at registration sa website, gamit ang SPID: 

  • Fill-up ang form (Modulo A);
  • Alamin ang estado ng aplikasyon;
  • Matanggap sa Area Personale ang anumang komunikasyon ng Prefettura at Ministry of Interior, tulad ng appointment para sa pagsusumite ng mga dokumento, anumang dokumento na dapat ilakip, anumang abiso (reject o tanggap ang aplikasyon).

Makakabuti na palaging i-monitor ang email address kung saan maaaring matanggap ang anumang abiso ukol sa komunikasyon sa website. 

Nangangailangan ba ng higit na impormasyon ukol sa aplikasyon sa Italian citizenship? Mag-register sa Migreat para sa libreng legal advice mula kay Atty. Federica Merlo! 

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Regularization 2020, mabagal ang proseso. 0.71% pa lamang ang aprubado!

Mga Rehiyon ng Italya, magbabago ng kulay simula March 8