Ang kanser sa suso ang nangungunang uri ng kanser sa buong mundo. Padami ng padami ang natutuklasang kaso nito kaya’t marami ang nababahala.
Roma, Disyembre 20, 2016 – Ang mga selula ng kanser (cancer cells) ay di-pangkaraniwan. Mas mabilis na tumutubo at nahahati ang mga ito kaysa malusog na mga selula. Maaaring maging tumor ang ibang mga selula ng kanser. Ang lahat ng mga tumor ay lumalaki, ngunit may tumor na mas mabilis na tumubo kaysa iba. Maaaring kumalat ang mga selula sa ibang mga bahagi ng katawan sa pamamagitan ng dugo at sistemang limpatika. Ang tawag dito ay metastasis.
Maaaring matuklasan ang kanser sa suso sa pamamagitan ng mammogram, kapag nakakapa ang isang babae ng bukol, o sa pamamagitan ng pagsusuri ng isang doktor. Upang matuklasan ang kanser sa suso, mahalagang:
- Suriin buwan-buwan ang sariling mga suso.
- Magpasuri sa iyong doktor taun-taon, kung ikaw ay lampas 40. Ang mga pagsusuri ay mas madalang para sa mga naka-babata.
Ang mga suso ng isang babae ay maaaring maging mas matigas at mabukol bago mag-menopause. Mas kakaunti ang estrogen ng isang babae pagkatapos ng menopause, kung kaya’t ang mga suso nito ay mas malambot at hindi masyadong mabukol. Ang matigas at mabukol na himaymay ay maaaring magtago ng maliit na bukol na mahirap makapa. Sa pamamagitan ng buwan-buwang pagsusuri ng iyong mga suso, magiging pamilyar ka sa iyong himaymay ng suso at makakapansin ng mga pagbabago. Ang maliit na mga bukol ay maaari ring matuklasan sa pamamagitan ng mammogram o habang nagpapasuri sa iyong doktor. Ang ibang mga bukol ay sobrang liit na tanging mammogram lamang ang makatutuklas.
Kapag nakatuklas ng bukol, ang mammogram o ultrasound ay isinasagawa. Madalas na ginagawa ang biopsy upang malaman kung ang bukol ay kanser. Kung ito ay positibo, inaalam naman ang uri nito. Ang biopsy ay isang pamamaraan upang tanggalin ang maliit na mga piraso ng himaymay. Ang mga muwestra ay pinasusuri sa doktor. Kapag natuklasan ang kanser sa pamamagitan ng biopsy, maaaring magpagawa ng mas marami pang mga pagsusuri upang malaman kung ang kanser ay kumalat na sa ibang mga bahagi ng iyong katawan.
Mga Uri ng Lunas
Base sa resulta ng iyong biopsy at uri ng kanser, ikaw at ang iyong doktor ay magpapasiya kung ano ang pinaka-mainam na lunas. Kabilang dito ang siruhiya (surgery) upang tanggalin ang kanser hangga’t maaari. Kapag tinanggal ang buong suso, ang tawag dito ay mastectomy. Kapag bahagi lamang ng suso ang tinanggal, ang tawag dito ay lumpectomy. Sa parehong paraan, ang mga lymphatic nodes sa ilalim ng kili-kili ay sinusuri kung may kanser. Maaari ka ring makipag-usap sa iyong doktor ukol sa reconstruction surgery kung saan ang espesyalista ay bubuo ng kahawig ng tunay na suso.
Maaari pa ring mangailangan ng iba pang mga lunas. Ang pagkakaroon ng mastectomy o lumpectomy ay hindi garantiya na nawala na ang kanser sa suso sa buong katawan sapagka’t ang sobrang liit na mga cancer cells na mahirap mahanap ay maaaring manatili sa katawan. Kaya’t 4 hanggang 6 na linggo matapos isagawa ang lumpectomy, kadalasang sinusundan ito ng teraping radyasyon (radiation therapy) upang gamutin ang buong suso.
Maaaring mangailangan ng lunas upang maasinta ang mga selula ng kanser na naiwan sa katawan. Ito ay maaaring gawin bago ang operasyon upang paliitin ang tumor, o pagkatapos upang patayin ang mga selula ng kanser na maaaring kumalat na o nanatili pa sa katawan. Ang hormone therapy ay gamot na iniinom upang manlaban sa estrogen na nasa katawan. Ang pangkaraniwang masamang epekto ay mga tanda ng pagmemenopause.
Ang chemotherapy ay gamot na binibigay sa pamamagitan ng paggamit ng tubong IV (sa ugat) o bilang isang tableta. Pinapatay ng gamot na ito ang mga selula ng kanser. Ang pangkaraniwang mga masamang epekto ay ang panghihina, paglagas ng buhok at pagkahilo. Ang mga masamang epekto na ito ay madalas na panandalian lamang.
Mangyaring makipag-usap sa iyong doktor o nars kung mayroon kang mga tanong o mga pag-aalala.
Napag-alaman mula sa website na www.iobenessereblog.it na ilan sa mga kwalipikadong institusyon sa Italya para sa prevention at treatment ng breast cancer ay ang sumusunod:
- Centro interdipartimentale di Senologia del Policlinico Gemelli di Roma Tel: 06-30156328 (7);
- Struttura complessa di senologia della Fondazione IRCCS dell’ Istituto Nazionale dei tumori di Milano Tel: 02-23902659;
- Divisione di senologia dell’ Istituto Oncologico Europeo di Milano Tel: 02-574891111;
- Divisione di senologia dell’ Istituto Nazionale dei tumori Fondazione G. Pascale di Napoli Tel: 081-5903111; (v) Servizio di Senologia presso la Asl 2 Umbria di Perugia Tel: 075-5412670;
- Dipartimento di oncologia sperimentale A.R.N.A.S. dell’ Ospedale civico Benefratelli di Palermo Tel: 091-666344.
- Samantala sa website naman ng Foreign Women Cancer Care, ay matatagpuan ang mga gabay sa tagalog upang maiwasan ang iba’t ibang uri women cancer.
Gabay Kalusugan
Loralaine R. – FNA-Rome