in

Kolesterol

Madalas na nababanggit ito sa usap-usapan, pero alam ba natin kung ano ito?

Ang kolesterol ay isang matabang sustansya na kailangan ng ating katawan upang gumana. Ito ay ginagawa sa atay at matatagpuan sa mga pagkaing galing sa mga hayop gaya ng karne at itlog, mga produktong gatas, mantikilya at mantika.

Nakakasama sa ating katawan kapag masyadong maraming kolesterol sa dugo at mataas din ang panganib sa sakit sa puso. Mas mataas ang panganib sa mataas na kolesterol ng dugo kapag gumagawa ang katawan ng masyadong maraming kolesterol; kapag kumakain ng mga pagkain na may mataas na nakababad (saturated) na taba at kolesterol; kapag may diyabetis o mababang antas ng tiroydeo (thyroid) na tinatawag na hypothyroidism, o kaya’y sakit sa bato.

Ang bawat tao ay mayroong tatlong (3) pangunahing uri ng taba sa dugo. Kabilang dito ang tinatawag na High Density Lipoproteins (HDL) kung saan dinadala ng “mabuting” kolesterol na ito ang mga sobrang kolesterol sa inyong dugo pabalik sa inyong atay upang mailabas ito ng inyong katawan. Nandiyan naman ang “masamang” kolesterol o ang Low Density Lipoproteins (LDL). Ang ganitong kolesterol sa inyong dugo ay dumarami sa inyong mga ugat o daluyan ng dugo. Maaari itong magdulot ng paninikip ng mga ugat, na nagpapahirap sa pagdaloy ng dugo. Ang pangatlong uri ay ang triglycerides. Maaaring pataasin ng pagkain ng masyadong maraming karboidrato (carbohydrates) ang antas ng inyong triglyceride. Paano isinusuri o sinusukat ang kolesterol? Ang mga taba sa dugo ay sinusukat sa pamamagitan ng isang pagsusuri ng dugo upang malalaman ang kabuuang antas ng kolesterol (total cholesterol level).

Ang malusog na antas ay yung mas mababa sa 200. Kung ang inyong kabuuang kolesterol ay mas mataas dito, susuriin ng inyong doktor ang inyong HDL, LDL at triglycerides. Ang antas ng HDL o “mabuting” kolesterol ay mas mainam, tulad ng antas na 60 at mas mataas. Kailangang kausapin ang inyong doktor tungkol sa mga lunas kung ang inyong antas ay mas mababa sa 40. Ang antas ng LDL o “masamang” kolesterol naman ay sinasabing mas mabuti kapag mas mababa ang bilang. Ang malusog na antas nito ay kapag mas mababa sa 100. Maaaring naisin ng inyong doktor na magkaroon kayo ng LDL na mas mababa sa 70 kung kayo ay nagkaroon ng problema sa puso kamakailan lamang. Importanteng kausapin ang inyong doktor tungkol sa lunas naman kung ang inyong antas ay 130 at pataas. Ang antas ng triglyceride sa inyong dugo naman ay masasabing malusog kapag ito ay mas mababa sa 150. Kung ito ay pumalo ng 200 at pataas, kailangang kausapin ang inyong doctor tungkol sa lunas para dito.

 Ano ba ang mga paraan para mapababa ang antas ng kolesterol sa inyong dugo? Eto ang ilang simpleng mga hakbang:

Makipagkita sa inyong doctor at palaging ipasuri ang inyong kolesterol. Kausapin ang inyong doktor, nars o eksperto sa nutrisyon at diyeta (dietitian) tungkol sa plano para sa diyeta at ehersisyo. Maaari namang kailanganin ng gamot kung ang diyeta at ehersisyo ay hindi sapat. Mainam rin ang kumain ng maraming pagkaing mahibla (fiber), kagaya ng mga butil, mga butong gulay at sariwang prutas at gulay at limitahan ang mga pagkaing naglalaman ng maraming kolesterol at saturated at polyunsaturated na taba kagaya ng karne ng baka, baboy, keso, buong gatas o mantika.

Inirerekomenda naman ang pagkain ng mga pagkaing kaunti ang taba tulad ng pitso ng manok na walang balat, isda o gatas na non-fat. Piliin din a n g mga pagkaing mataas sa monosaturated na taba, kagaya ng langis ng olibo (olive oil) na marami rito sa Italya, o canola at yung gawa sa mani. Mas mainam rin kung mag-steam, ihaw o litsunin ang mga pagkain sa halip na i-prito ang mga ito. ni Loralaine R. /FNA-Rome

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pangulo at Grace Lee, hiwalay na?

Beauty contest repeater, bagong title holder ng Bb. Pilipinas 2012