Ang bagong Pag-IBIG Fund at ang mga benepisyo bilang mandatory members
Ang Pag-IBIG Fund Ovearseas Program (POP) ay isang uri ng pag-iimpok at housing loan program ng Home Development Mutual Fund (HDMF), mas lalong kilala bilang Pag-IBIG Fund, na naglalayong magbigay sa mga overseas Filipino workers (ofws) at mga imigrante ng pagkakataong makapag-impok para sa kanilang kinabukasan at ng pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan.
Simula noong Enero 1, 2010, ay ginawang mandatory ang membership sa nasabing programa upang mapabilang ang mga OFWs sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9679 o ang tinatawag na Pag-IBIG Fund Law.
Benepisyo ng mga miyembro
SAVINGS
Sa ilalim ng Pag-IBIG Fund Savings Program, ang miyembro ay maghuhulog ng buwanang kontribusyon sa pinakamababang halaga na PhP 100.00. Ang paghuhulog ay maaaring gawing quarterly, semi-annually or yearly. Kung nanaisin, maaaring itaas ang buwanang kontribusyon upang mas mataas ang inyong ipon. Ang mga kontribusyon ninyong ito ay naiipon at kikita ng dibidendo taun-taon.
Makalipas ang 20 taong paghuhulog, maaari nang makuha o ma-withdraw ang lahat ng naipon kasama ang kabuuang tubo nito. Makukuha ang ipon nang TAX-FREE kaya’t buong-buong babalik ang mga naihulog.
Kung mauunang mag-60 taong gulang bago sumapit ang pang-20 taon membership term, makukuha ng mas maaga ang inyong kabuuang hulog at hindi na kailangang maghintay pa ng 20 taon.
OPTIONAL EARLY WITHDRAWAL
Kung maagang maghulog o nag-a-advance ng hulog at mabuo ang katumbas ng pang 20-taon, maaari nang makuha ang kabuuang ipon sa loob lamang ng 15 taon. Matapos makuha ang ipon, maaaring ituloy ang paghuhulog.
MEMBERSHIP PORTABILITY
Dahil portable ang membership sa Pag-IBIG Fund, dala ang kabuuang hulog umuwi man ng Pilipinas o manirahan sa ibang bansa. Ituloy lamang ang paghuhulog gamit ang inyong Pag-IBIG number.
Kung miyembro na ng Pag-IBIG Fund bilang local member noong nagta-trabaho pa sa PIlipinas bago magtungong abroad, idurugtong ang overseas membership ditto sa local membership nyo sa Pilipinas. Kung mabuo na ang kabuuang 20-year membership o 240 contributions, maaari nyo na ring ma-withdraw ang pinagsamang kontribusyon sa Pilipinas at abroad, kasama ang lahat nang kinita nito.
HOUSING LOAN
Matapos mabuo ang katumbas na dalawang taong kontribusyon na maaaring gawin ng LUMPSUM para sa mga bago pa lang na miyembro, maaari ng mag-avail ng housing loan para sa mga sumusunod na proyekto:
– Pagbili ng residential lot na hindi hihigt sa 1,000 sqm
– Pagbili ng house & lot, condominium o townhouse
– Pagpapagawa ng bahay
– Pagpapasa-ayos ng bahay o renovation
– Re-financing ng isa pang naunang housing loan.
Hanggang 3 milyong piso ang maaaring mautang na maaaring bayaran sa loob ng 5-30 taon.