Sa kabila ng paalala mula sa Ministry of Foreign Affairs na ipagpaliban muna ang pagbibiyahe sa ibang bansa kung ito ay hindi mahalaga dahil sa patuloy na paglala ng pandemya sa Italya at Europa, ay hindi mapigil ang pagnanais ng mga Pilipino na makapiling ang mga mahal sa buhay sa pagsapit ng kapaskuhan. Ito ay itinuturing na isang mahalagang bagay.
Ito ay dahil ang pag.uwi sa sariling bansa sa panahon ng kapaskuhan ay isang bihirang pagkakataon upang makapiling ang pamilya. At ang kawalan ng restriksyon sa international flights at ang bumubuting sitwasyon ng covid19 sa Pilipinas, ay tila kasabwat ng pagkakaton upang magbakasyon muna at makapiling ang mga mahal sa buhay.
Ngunit ipinapayo na silipin muna ang permit to stay sa mga magbabakasyon sa Pilipinas.
Ang mga Pilipino, katulad ng mga mamamayang dayugan sa Italya, na mayroong balidong permesso di soggiorno ay maaaring magbiyahe ngayong Pasko papunta sa Pilipinas o sa kanilang country of origin. Bukod dito, ay maaari ring magbiyahe ng walang hihinging entry visa sa lahat ng mga Schengen countries tulad ng Belgium, France, Germany, Luxembourg, Netherlands, Portugal, Spain, Austria, Greece, Denmark, Finland, Sweden, Iceland, Norway, Slovenia, Estonia, Latvia, Lithuania, Poland, Czech Republic, Slovakia, Hungary, Malta, Switzerland.
Samantala, kung ang napili naman ay non-Schengen country ay kailangang beripikahin ang international agreement nito sa Pilipinas upang malaman kung nangangailangan ng entry visa.
At dahil Europa ang sentro ng pandemya sa kasalukuyan, ipinapayong alamin muna ang sitwasyon sa schengen country na napili dahil sa mga ipinatutupad na restriksyon sanhi ng coronavirus.
Tandaan na dapat ay dala ang original na permesso di soggiorno dahil ito ay ang pangunahing dokumento na kinakailangan sa pagbalik sa Italya.
Samantala, ang mga nasa renewal naman ang permesso di soggiorno ay may pahintulot lumabas at bumalik ng Italya, ng walang stop over sa anumang schengen country. Kailangang dala ang original na pasaporte, expired na permesso di soggiorno at resibo ng renewal nito.
Sa sinumang naghihintay ng first releasing ng permesso di soggiorno para sa ricongiungimento familiare o per lavoro o Decreto flussi ay kailangang dala ang balidong entry visa na ginamit sa unang pagpasok sa Italya.
Samantala, sa mga naghihintay ng resulta ng Emersione o huling Regularization, batay sa artikulo 103, D.L. 34/2020 ay hindi maaaring lumabas ng bansa at kailangang hintayin ang releasing ng permesso di soggiorno dahil ang resibo ng aplikasyon nito ay hindi balido dokumento sa paglabas ng bansa.
Basahin din:
- Iwasan muna ang biyahe sa ibang bansa kung hindi ito mahagala – Farnesina
- Uuwi ng Pilipinas? Narito ang Gabay para sa mga Returning Filipinos