in

MGA DAPAT MALAMAN SA KAHALAGAHAN NG PAGPAPASUSO

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

Ang salitang suso o dede ay  tumutukoy sa pangharap na rehiyon ng pang-itaas na bahagi ng katawan. Mayroong glandulang mamarya ang mga suso ng katawan ng mga babaeng mamalya, naglalabas ng gatas na nagsisilbing pagkain ng mga sanggol sa pamamagitan ng laktasyon.

Ang unang gatas, na tinatawag na colostrum (medyo kulay dilaw), ay kakaunti lang pero iyon ang tamang dami para sa bagong sanggol. (Ilang kutsarita lang ang kayang lamnin ng kanilang sikmura). Mayroon itong antibodies – mga sangkap na galing sa katawan ng nanay na magpoprotekta sa sanggol mula sa impeksiyon. Ito ay mahalaga para sa sanggol kumpara sa anumang gamot.

Ang gatas ng ina ay mahalaga at pinakamahusay na uri ng gatas  kaya’t nararapat lamang na ito ay ibigay sa sanggol mula pagkasilang hanggang anim(6) na buwan na walang halong pagkain, tubig o maging bitamina man. Ito’y matipid, palaging presko, mainit-init at agad na maiinom. Taglay ang  lahat ng nutrisyon o sustansya na kailangan sa pagkahubog ng utak at iba’t ibang sistema ng katawan ng sanggol.

Tumutulong na protektahan ang mga sanggol laban sa pagtatae, pulmonya, at iba pang mga sakit.  Nagbibigay ng matagalang proteksiyon laban sa diyabetis, at mga kanser sa kalaunang bahagi ng buhay ng sanggol. Mababawasan ang pagkakataon na magkaroon ng sakit sa tenga, sipon at allergies at makakatulong laban sa SIDS (Sudden Infant Death Syndrome). Ang gatas galing sa suso ng ina ay madaling tunawin sa sikmura ng sanggol kumpara sa gatas galing sa lata. Kaya ang mga napasusong sanggol ay hindi gaanong tinitibi o nagtatae kumpara sa mga sanggol na nabigyan ng gatas galing sa lata. Ang mga napasusong sanggol ay hindi rin gaanong nagkakaproblema sa pagsasalita at ang mga ipin ay diretso.

Ang pagpapsuso ay nakakatulong sa mga nanay para magpapayat ng mabilis, makakatulong sa matres lumiit para bumalik sa dating sukat bago ng pagbubuntis, at tumutulong pahintuhin ang pagdudugo pagkatapos ng panganganak. Tumutulong umiwas sa pagbubuntis sa ilang buwan matapos manganak. Nagpoprotekta laban sa mga kanser at nakakabawas din ng panganib na magkaroon ng osteoporosis (pagbabaluktot ng gulugod) at pagkabali ng balakang sa darating na araw.

Ang pagpapasuso ay ang natural na paraan upang pakainin ang iyong sanggol. Nilalagay ang sanggol na ligtas at mainit-init katabi ang nanay. Mas pinaglalapit ang nanay at sanggol na magkaroon ng matibay at mapagmahal na relasyon. Magpasuso ng matagal para sapat na mabigyang-kasiyahan ang iyong sanggol. Habang mas madalas ang pagpapasuso ng iyong sanggol, maging mas marami ang iyong gatas. Madalas na pasusuhin ang iyong sanggol, nang hindi kukulang bawa’t dalawang oras sa parehong araw at gabi sa mga unang ilang linggo. Gamitin ang magkabilang suso sa bawa’t pagpapasuso. Malalaman mo kung sapat ang nakakain ng iyong sanggol kapag mayroon siyang hindi kukulang sa 5 basang lampin bawa’t araw, hindi kukulang sa 2 pagdumi bawa’t araw at ang iyong suso ay lumalambot pagkatapos ng pagpapasuso. Dapat ipagpatuloy ang pagpapasuso hanggang dalawang(2) taon o higit pa kasabay ng pagbibigay ng mga pagkaing may sangkap na masustansya at bitamina. Ang mga botelya at mga pacifier ay nakakabawas sa dami ng gatas na magagawa mo. Mahirap din itong linisin kaya kumakapit ang mikrobyo na sanhi ng pagtatae.

Ang mga sanggol na hindi napasuso ay may 10-15% ma-ospital bago dumating ang kanilang unang kaarawan, at mas mataas ang panganib ng pagkataba, tipong 1 at tipong 2 na diyabetis, kanser sa dugo (leukemia) at ang SIDS. Ang mga ina na hindi nagpasuso ay mataas ang panganib na magkaroon ng kanser sa suso, sa matres, tipong 2 na diyabetis, atake sa puso at metabolic syndrome (tanda ng mga sakit sa katawan).

 Sa napakadalang na mga kaso na kulang ang nagagawang gatas ng nanay o kaya mahiwalay ang nanay sa sanggol, puwedeng hilingin sa ibang nanay na pasusuhin ang sanggol. Kailangang mag-HIV test siya para malaman kung ligtas gawin dahil naipapasa ang HIV sa pagpapasuso. Puwede rin na gumawa ng timpla mula sa gatas ng hayop.

Ang inang nagpapasuso ay mas madalas mauhaw. Kaya uminom ng maraming tubig, juice at gatas araw-araw. Limitahan ang mga inumin na may caffeine tulad ng kape, tsaa at mga soda na may caffeine. Kumain ng sapat at masustansyang pagkain. Bawal ang droga, alak at tabako. Kung kailangang uminom ng gamot, tanungin muna ang iyong doctor. Magpahinga ng madalas.

Pananakit, pamamaga, pagbabara o impeksiyon sa suso. Minsan nababarahan ng gatas ang duct (mga maliit na tubo sa loob ng suso na dinadaluyan ng gatas). Nagiging maga, mapula, mainit, matigas at masakit ang suso habang nagpapasuso. Di kalaunan magkaroon ng lagnat at puwedeng magsimula ang impeksiyon ng baradong daluyan.

Makakatulong ang mainit-init na basang damit o mainit na tubig pampaligo. Painit-initan ang suso ng 15-20 minuto, ng di bababa sa 4 na beses bawa’t araw. O kaya maglagay ng may kalamigang damit o dahon ng repolyo sa suso para maibsan ang pamamaga. Magpahinga at damihan ang iniinom. Magpasuso ng di bababa sa tuwing 2 oras. Ligtas sa sanggol ang pagsuso kahit may impeksiyon sa suso at ito ang pinakamainam na paraan na mapalabas ang impeksiyon. Tiyakin na maganda ang posisyon sa pagpapasuso. Unahin muna ang namamagang suso at hayaan ang sanggol na ubusin ang laman nito.

Sa bawa’t pagdaloy ng patak ng gatas na nagmumula sa ina, katumbas nito’y pintig ng puso na nagbibigay buhay sa isang sanggol” ani ni Kristine Mae Ledda (kmledda.blogspot.it) – ni:Loralaine R. – FNA Rome

Sources: www.wikipedia.org, www.hmhb-hawaii.org, www.care1st.com, www.fil.hesperian.org

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Daniel Padilla at Yeng Constantino live in Milan

ANO ANG BENEPISYO NA MAKUKUHA SA LIFE SUPPORT TRAINING?