in

Mga dapat malaman sa pag-aaplay ng assegno sociale o social allowance

Ang assegno sociale o social allowance ay isang tulong pinansyal na hindi katulad ng old age pension na batay sa naging kontribusyon sa Inps. Narito ang mga dapat malaman sa pag-aaplay nito. 

 

Ang assegno sociale o social allowance ay isang tulong pinansyal na hindi isinasaalang-alang ang naging kontribusyon at maaaring i-aplay ng sumusunod:

  • Mga mamamayang may edad 65 anyos at 7 buwan (para sa taong 2017)
  • Mamamayang Italyano, Europeans at non-Europeans na mayroong carta di soggiorno.
  • Regular at tuluy-tuloy na naninirahan sa Italya ng hindi bababa sa 10 taon (requirement na sinimulan noong Enero 2009)
  • Wala o ang sahod o kita ay mas mababa sa halagang itinakda ng batas 

Paano mag-aplay ng social allowance

Kung nagtataglay ng mga requirements na hinihingi ng batas, ang aplikasyon ay maaaring ipadala sa Inps online sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:

  • Website ng Inps (www.inps.it) – Gamit ang personal pincode. 
  • Telepono – Tumawag sa toll free number 803164 mula sa landline o 06/164164 para sa mga mobile phone batay sa rate ng sariling service provider;
  • Patronati – o mga authorized office na nagbibigay ng online services

Sa aplikasyon ay dapat ilakip ang mga sumusunod:

  • Kopya ng personal document
  • self-certification ng residence certificate at family composition;
  • tax return o dichiarazione dei reditti (730 o Modello Unico)
  • Dichiarazione di responsabilità kung nagkaroon ng admission sa public hospital
  • ISEE 

Kailan matatanggap ang assegno sociale?

Ang assegno sociale ay nagsisimula sa unang araw ng sumunod na buwan matapos itong maaprubahan. Isumite ang aplikasyon at tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na requirements at lakip ang mga dokumentasyon na hinihingi ng batas.

Sa pagkakataong tanggihan ang aplikasyon, ay maaaring mag-file ng complaint o apila sa Provincial Committee ng INPS sa loob ng 90 araw pagkaraang matanggap ang komunikasyon kung saan nasasaad ang pagtanggi dito.

Paano kinakalkula ang taunang kita para makapag-aplay ng social allowance

Upang matanggap ang benepisyo, ang kita o sahod ng aplikante ay dapat na mas mababa sa halagang itinalaga ng batas. Ito ay nagbabago kung ang aplikante ay may asawa o wala.

Kung ang aplikante ay single o hindi kasal, ang halagang matatanggap ay katumbas ng halaga ng assegno sociale o 5824,91 euros para sa taong 2017.

Kung ang aplikante naman ay may asawa, ito ay nadodoble o katumbas ng halagang 11.649,82 euro.

Ngunit kung ang sahod ay lampas sa dalawang halagang nabanggit, ang aplikasyon ay tatanggihan. Kung ang sahod naman ay mas mababa kumpara sa mga nabanggit na limitasyon, ay ibibigay ang benepisyo sa mas mababang halaga.

Halimbawa: 

Kung si Pedro ay sumasahod sa isang taon ng 3000 euros, ay (5824,91 – 3,000) 2825 ang taunang halaga ng assegno sociale nito at (2825/13) 217,30 naman ang buwanang halaga ng assegno sociale. 

Samantala, kung si Tomas ay kumikita naman ng 3000 at ang kanyang asawa ay kumikita ng 5000 sa isang taon, ang halaga ng benepisyo ay (11649,82 – 8000) 3650 at buwanang matatanggap ang halagang 280,75.     

Bukod dito, ayon sa laleggepertutti, mula 2001, ang mga beneficiaries ng social allowance ay may karapatang makatanggap ng karagdagang 12,91 kada buwan, kung bukod sa edad na higit sa 65 ay:

  • mayroong kita na mas mababa sa 5.992.87 euros, kung hindi kasal
  • mayroong kita na mas mababa sa 12.517,44, kung may-asawa

 Mula 2002 naman, ang mga pensyunado mula 70 anyos ay may karapatan sa isang pagtaas ng karagdagang halaga hanggang 190,26 euros, kung: 

  • mayroong kita hanggang 8298,29 euros, kung hindi kasal
  • mayroong kita hanggang 14.123,20 kung may-asawa

Bukod sa edad, ito ay matatanggap lamang batay sa taon ng kontribusyon sa Inps: sa bawat limang taon ng kontribusyon ay nababawasan ng isang taon ang requirement na edad para sa increase. 

Halimbawa: 

Si Pedro ay mayroong limang taong kontribusyon sa Inps, sya ay may karapatan sa increase sa pagsapit ng edad na 69.

Kung si Tomas naman ay mayroong 10 taon ng kontribusyon sa Inps, ay may karapatan sa increase sa pagsapit sa edad na 68. 

 

Gayunpaman, sa mga kwalipikado at mag-aaplay ng assegno sociale ay ipinapayo ang sumangguni sa tanggapan ng Inps o sa pinagkakatiwalaang patronato.

PGA

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Filipino Community Catania, may tanggapan na!

Laban lang