in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA ALLERGIC RHINITIS

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

Padating na ang spring o primavera, isang masayang panahon kung saan nagsisipaglabasan na ang mga ibon, bubuyog at namumulaklak ang kapaligiran. Ngunit kasabay naman nito ang tinatawag na allergic rhinitis. Ito yung panahon na nadidiskubre ng marami na mayroon silang sintomas ng allergy na nararanasan ng milon-milyong tao sa iba’t-ibang parte ng mundo. Ito ay dahil sa mataas ang level ng allergens (o sanhi ng allergy) nitong mga panahon.
Ang ilan sa mga pangkaraniwang allergens ay ang pollen ng iba’t-ibang halaman gaya ng mimosa at damo, alikabok sa bahay, balahibo ng aso at pusa, atbp. Sa taong hindi allergic o sensitibo sa mga ito, walang epekto ang mararanasan kung sila ay makakasinghot nito. Ngunit kapag ang isang taong allergic sa isa o higit pa sa mga allergens ang nakasinghot nito, tiyak at labis ang epekto sa kanila at bigla-biglang naglalabas ng kemikal na histamine ang mga katawan nila para labanan ito.
Ang ilan sa mga karaniwang sintomas ay ang pamamaga at pamumula ng ilong, labis na sipon, pagbara at pangangati ng ilong, masakit na ulo at lalamunan, at labis na pagbahing.
Maari naman itong bigyang lunas sa pamamagitan ng mga gamot tulad ng antihistamines (na siyang kumakalaban sa histamines upang hindi magkaroon ng allergy symptoms), decongestant (na siyang nag-aalis ng sipon na bumabara sa ilong) at nasal steroid (na karaniwang mga spray na pumipigil sa pamamaga ng ilong na ginagamit pag mas malubha na ang allergy). Paalala: Ang mga antihistamines ay may epektong nakakaantok, kaya iwasan ang pag-inum nito lalo na kung kayo ay magmamaneho. Importante pa ring kunsultahin ang inyong doctor bago gumamit nito.
Maaari namang iwasan ang mga sintomas nito kung susundin ang iba pang mga tagubilin ng mga eksperto. Ayon sa kanila, importanteng simulan ang masusing paglinis ng bahay (pulizie primaverile) para matanggal ng husto ang mga molds (muffa) sa mga kasuluksulukan ng mga bahay. Ang mga allergic ay inaabisuhan ding umiwas sa paglabas ng bahay ng madalas lalo pa kung mataas ang bilang ng pollens. Kung hindi naman maiiwasan ito, abiso ng mga duktor na uminom ng angkop na gamot mga 30 minuto bago lumabas.  Makakatulong din kung palagiang panatilihing nakasara ang mga pintuan at serranda upang hindi makapasok ang mga allergens at iwasan ang paggamit ng bentilador na maaring humigop ng hangin papaloob ng tirahan. Makakatulong din ang madalas o lingguhang paglaba ng mga kumot at sapin ng kama sa mainit na tubig at kung kinakailangan ay patuyuin ito sa loob ng bahay upang di kapitan ng pollen o iba pang allergens.
Dagdag pa nila, makakatulong din daw sa paglunas ang pagligo at paghugas ng buhok at balat paguwi galing sa lakaran upang matanggal ang anumang allergens na kumapit sa buhok at balat bago matulog. Kung kayo ay may alagang aso o pusa, iwasang sila ay pumasok sa inyong mga kuwarto sapagka’t medaling kapitan ng mga pollens ang mga balahibo nito. Kung kayo naman ay bibiyahe lulan ng kotse, iwasang buksan ang bintana at kung gumamit man ng aircon ay siguraduhing hindi nakadirekta sa inyo ang air vents nito. Kung kinakailangan namang pumunta ng giardino o parco, siguraduhing gumamit ng mask.   
Importanteng magpasuri sa doctor kung ikaw ay nakakaranas ng mga sintomas nito. Ito ay upang matiyak na wasto at sapat ang lunas na maibibigay sapagka’t maaring maging delikado ang paginom ng gamot na hindi wasto. Minsan naman may mga gamot na hindi wasto para sa iyo at wala kang makukuhang lunas.

FNA-Rome

Ang aming inilathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doctor o espesyalista na maaring magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.

Sa mga nais tumulong at sumuporta sa mga programa ng FNA, o nais magpa-schedule ng medical outreach pakitawagan lamang si Gng. Julia Garzon-Ferrer, FNA Secretary, sa numerong 3270885838 o si Gng. Ganymede Soliven, FNA Community Relations and Information Officer, sa numerong 3883629949. Maraming salamat po!
We would like to insert an acknowledgement to Sta. Maria Goretti Filipino Community for donating a Blood Pressure apparatus to FNA.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pagbabago para sa mga employers ng colf at care givers, bukas na!

EMBASSY/POLO OUTREACH OFWS AVAILED SERVICES