Sa panahon ngayon, ang isang tao ay maaring magkaroon ng iba’t-ibang uri ng sakit o karamdaman. Isa na rito ang kinatatakutan na neurodegenerative na sakit na Alzheimer’s o mas kilalang Senile Dementia. Madalas nagkakaroon nito ang mga matatanda na may edad 65 taong gulang pataas.
Pebrero 17, 2017 – Sa paglipas ng panahon, mapapansing magiging mahirap para sa kanila ang isagawa ang kanilang pang-araw-araw na gawain at pag-iingat sa kanilang mga sarili. Ito ay dulot ng unti-unting pagkamatay ng mga indibidwal na neurons na humahantong sa paghina sa kontrol ng paggalaw, memorya at katalasan. Wala pang natutuklasang gamot para sa itinatayang humigit-kumulang na 26 milyong tao sa buong mundo na may sakit nito. Subalit maraming maaaring gawin upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga taong may kalagayang ito at ng mga kamag-anak na nag-aalaga sa kanila.
Ang Alzheimer’s disease ay hindi nakakahawa o namamana. Ito ay isang progresibong sakit sa utak na nakamamatay. Ito’y sumisira sa mga selula sa utak na siyang dahilan ng pagkawala ng memorya; panlalabo ng pag-iisip; pagkakaroon ng problema sa pagsasalita ng malinaw; hirap sa pagtanda o pagalala ng mga kamakailang kaganapan; hirap sa pag-aaral ng mga bagong bagay; at pag-iiba-iba ng pag-uugali na nakakaapekto sa mga pang-araw-araw na gawain at paghahanapbuhay.
Ang pangalang Alzheimer’s ay hango sa pangalan ng isang Aleman na doktor at mananaliksik na si Alois Alzheimer. Una niyang nilalarawan ang mga sintomas ng sakit na ito noong 1906 nang napansin niya ang mga pagbabago sa tisyu ng utak ng isang babae na namatay ng isang hindi pangkaraniwang sakit sa pag-iisip. Sa kanyang pagsusuri, nadiskubre niya ang mga abnormal clumps at bundle ng mga fibers. Ang mga clumps ay tinatawag na ngayong ‘amyloid plaques’ at ang mga tangles ay tinatawag na ‘neurofibrillary tangles’. Ngayon, ang mga plaques at tangles sa utak ay isinasaalang-alang na palatandaan ng sakit na Alzheimer’s.
Ang utak ay matatagpuan sa ulo na malapit sa pangunahing pandamang aparato gaya ng paningin, pandinig, balanse, panlasa at pang-amoy. Ang utak sa isang bertebrado ang pinaka-masalimuot (complex) na organo sa katawan Sa isang tipikal na utak ng tao, ang cerebral cortex ay tinatantiyang naglalaman ng 15-33 bilyong mga neuron. Ang bawat neuron ay pinagdudugtong ng mga synapse sa iba pang libo-libong mga neuron. Ang mga neuron na ito ay nakikipag-communicate sa bawat isa sa pamamagitan ng mahabang mga protoplasmikong mga hibla na tinatawag na mga akson (axon) na nagdadala ng mga tren ng mga pulsong signal na tinatawag na mga aksiyon potensiyal sa mga malalayong bahagi ng utak o katawan na umaasinta sa mga spesipikong tagatanggap na mga selula. Ginagawang magkaroon ng katalinuhan ang utak ng tao sa napakalaking bilang ng mga interkoneksiyon na ito.
Mabagal at paunti-unti ang paglaganap ng Alzheimer’s disease. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga sintomas ng sakit na ito: i) Pagiging makalimutin. Madalas winawalang bahala ang sintomas na ito at iniisip na bahagi lamang ng pagtanda. Lingid sa kaalaman ng marami, ito ay isang sintomas na ng sakit o ang unang bahagi ng Alzheimer’s. Madalas ang mga sariwang ala-ala ang unang nawawala. Halimbawa nito ay ang pagkalimot sa mga simpleng gawain tulad ng pagtanggal sa pagkakasaksak ng plantsa at pagsarado ng gripo; ii) nagkakaroon din ng kaunting pagbabago sa personalidad katulad ng pag-iwas sa pakikihalubilo sa mga tao at pagkawalang pakialam sa paligid; iii) Habang lumalala, humihina ang kakayahang mag-isip, kasabay ng pagbabago ng ugali. Nagiging mayayamutin at palaaway; iv) Sa huling bahagi ng karamdaman, tuluyan nang nagiging makalimutin. Hindi na niya naaalala ang panahon at oras, ang pook na kaniyang tirahan, at ang pangalan ng mga kamag-anak o kaibigan. Nawawala na rin ang kanilang control sa pag-ihi at pagdumi.
Ang Alzheimer’s Association ay naglista ng sampung senyales na makakatulong sa pagtukoy kung ang isang tao ay nagtataglay nito: Ang mga senyales na ito ay: i) pagkawala ng memorya; ii) kahirapan sa paggawa ng mga pamilyar na gawain; iii) problema sa pagbuo ng pangungusap; iv) pagkaturete sa oras at lugar; v) kahinaan sa pagdedesisyon; vi) kahirapan sa abstraktong pag-iisip; vii) pagkalimot sa pagkakaayos ng mga bagay; viii) pagbabago ng ugali; ix) pagbabago ng personalidad; at, x) pagkawala ng inisyatibo.
Mga mahalagang pagsusuri na dapat isagawa para malaman kung ang isang tao ay mayroong sakit na Alzheimer’s: eksaming pisikal at neurological exam, pagsusuri ng dugo hinggil sa thyroid disorders o vitamin deficiencies (kakulangan sa bitamina ng katawan), mental status testing (pagsusulit sa kaisipan sa pamamagitan ng panulat at pagsagawa ng tasks), neuropsychological testing, brain imaging gaya ng: CT scan (computerized tomography), MRI (magnetic resonance imaging), at, PET (positron emission tomography).
Natuklasan kamakailan ng mga mananaliksik sa Amerika na ang paglalakad ng anim hanggang siyam (6-9) na milya sa loob ng isang linggo ay masasabing lunas sa humihinang memorya. Sinabi ni Kirk Erickson ng Department of Psychology ng University of Pittsburgh na batay sa kaniyang pag-aaral, ang paglalakad ay nakapagpapanumalik sa orihinal na laki ng lumiit o nangurong na utak at nakababawas ng kalahati sa panganib na magkaroon ng mahinang ala-ala o lubusang pagkawala nito. Ang mga paggalaw, ehersisyo o mga aktibidades na pisikal ay napatunayang nagpapatubo ng selula ng utak.
Mahalaga ang impormasyon na ito upang ipaalam sa lahat ang karaniwang sintomas ng Alzheimer’s upang mapaghandaan ang mga dapat gawin. Mahalaga din higit sa lahat ang impormasyon na ito upang maipabatid na ang mga may sakit na Alzheimer’s ay hindi dapat pabayaan bagkus sila ay nangangailangan ng higit na pang-unawa,pagkalinga at pagmamahal mula sa kanilang mga kaibigan, taga-pag-alaga at sa kanilang pamilya. (ni: Loralaine R. – FNA Rome)
Sources: http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Alzheimer’sdisease
http://www.scribd.com/doc/26494600
http://www.news-medical.net/health/Human-Brain-Pathology
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Utak
http://tl.wikipedia.org/wiki/Utak
Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaari pang magbigay ng iba pang tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan. FNA-Rome