Gabay Kalusugan mula sa mga Physical Therapist sa Italya
Ang “Body Mechanics” ay ang paraan kung paano tayo gumalaw sa ating pang araw-araw na gawain. Ang pagkakaroon ng tamang body mechanics ay maaaring makatulong upang maiwasan ang mga problema sa ating katawan lalo na ang pagkakaroon ng sakit at pinsala sa ating likod.
Ang mga prinsipyo ng tamang body mechanics ay posture, base of support/center of gravity at group of muscles.
Narito ang ilang gabay na dapat nating gawin habang isinasaalang-alang ang tatlong prinsipyong nabanggit:
1. Posture
- Kapag nakaupo ng matagal, maglagay ng nakarolyong tuwalya sa mababang parte ng likuran upang magbigay suporta sa lumbar spine.
- Tumayo ng tuwid kung saan panatilihing nasa parehong linya ang mga tenga, mga balikat, mga hita at mga sakong.
- Sa pagwawalis, iwasan ang nakayuko sa halip ay panatilihing tuwid ang likod, ilagay ang isang paa sa harapan habang bahagyang nakatupi ang tuhod.
- Sa pamamalantsa ng matagal, magandang maglagay ng patungan ng paa katulad ng makapal na libro at doon ipatong ang isang paa. Pagkalipas ng ilang sandali, pagpalitin ang posisyon ng mga paa.
- Sa pagpapalit ng bedsheets, paglalagay ng labahin sa washing machine, at sa paglilinis ng bathtub pinakamagandang gawin ito ng hindi nakayuko sa halip ay nakaluhod at tuwid ang likod.
- Kapag matutulog ng nakahiga, maglagay ng maliit na unan sa mga paa na magbibigay ng suporta para maiwasan ang pressure sa spine.
- Kung matutulog ng nakatagilid, baluktutin ang mga tuhod at maglagay ng unan sa gitna ng mga hita para mapanatiling tuwid ang likuran.
2. Base of Support / Center of Gravity
- Palawakin ang ‘base of support’ sa pamamagitan ng pagbuka ng mga paa, kung maaari ay kapantay ng balikat.
- Iposisyon ang isang paa ng konti sa harap upang mapanatili ang balanse.
- Panatilihin pantay ang bigat ng katawan sa bawat paa kapag nakatayo.
3. Group of muscles – gamitin ang malalaking grupo ng mga muscles sa mga balikat, mga hita at likod habang ginagawa ang trabaho para mabawasan ang mga injuries.
- Sa pagkuha ng kahon mula sa sahig, mag-squat pababa at gamitin ang mga paa para tumayo. Huwag yumuko na nakatuwid ang mga tuhod para abutin ang kahon. Buhatin ang kahon at ilapit ito sa dibdib. Iwasang magbuhat habang nakatuwid ang mga braso.
- Kapag magdadala ng grocery bags mainam na ilagay ito sa braso o forearm kesa bitbitin ito sa mga kamay. Kung magbubuhat gamit ang mga kamay, mas maganda kung timbang ang bigat sa magkabilang kamay kaysa ilagay lahat ang bigat sa iisang kamay.
- Itulak o hilahin ang mga bagay para magtrabaho ang mga core muscles kesa buhatin ito sa pamamagitan ng mga braso.
Isa ang Physiotherapy o fisioterapia para makatulong sa ating posture at body mechanics. Kumonsulta sa mga physiotherapist para sa dagdag kaalaman, training at pagtanggal ng sakit ng katawan dulot ng maling posture.
nina: Maria Cecilia Tibon
Judy Baltazar
Renil Capuno
Giovanne Macuha
Rodilyn Ancheta
Ronaldo Tejada