in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA EBOLA VIRUS

 May isa na namang nakakatakot na sakit na dati nang kumitil ng maraming buhay sa kontinente ng Africa. Ito ang Ebola Virus. Ito ay unang nakita noong 1976 sa dalawang magkakasabay na paglaganap sa Nzara, Sudan at Yambuku, Democratic Republic of Congo. Kinalaunan ay sa nayon na malapit sa ilog ng Ebola, kung saan nakuha ang pangalan ng sakit na ito.  

 

Apektado sa kasalukuyan ang mga bansa ng West Africa tulad ng Guinea, Liberia at Sierra Leone. Ang EVD outbreaks ay karaniwang lumalaganap sa liblib na lugar, na madalas ay malalapit sa tropical rainforests. Ang virus ay nasasalin sa mga tao sa pamamagitan ng close contact sa dugo, secretions, organs o iba pang likido ng katawan ng infected na hayop at kumakalat sa populasyon ng tao sa pamamagitan ng paghahawahan o human-to-human transmission. Ang Fruit Bats (Pteropodidae) o paniki, chimpanzees, gorillas, unggoy, mga usa at porcupines sa gubat ang kinukonsiderang pinanggalingan ng Ebola Virus.

Sa ngayon lumalaki ang bilang ng taong nahawa ng sakit na ito kabilang na ang mga medical practitioner sa lugar na apektado ng sakit na ito. Umaabot na sa 1,975 na ang nagpositibo sa virus, habang 1,069 sa mga ito ay nasawi na simula nang madiskubre ito noong buwan ng Marso.

Naglabas ang US Centers for Disease Control and Prevention ng pinakamataas nitong “level alert 1”. Ang level-1 ay ang pinakamataas sa scale na 1-6 at itinataas nito ang bilang ng mga manggagawa na kakailanganin, mga kagamitan, teknolohiya at pondo para rito. Ngayon na lamang ulit itinaas sa level-1 response mula noong 2009 na inilabas para naman sa outbreak ng AH1N1 Flu.

Ebola Virus Disease (EVD),kilala sa dating pangalan na Ebola Hemorrhagic Fever. Ito ay isang malubha at karaniwang nagdudulot ng kamatayan sa tao. Ang paglaganap ng EVD ay 90% nagreresulta ng kamatayan sa mga biktimang kinakapitan nito. Ang ibig sabihin sa sampu na magkakasakit nito, isa lang ang maaaring ligtas.

Ang EVD ay nakukuha sa pamamagitan ng ‘direct contact’, paghipo o paghawak sa maysakit na positibo sa Ebola; dugo o iba pang ‘body fluids’ mula sa maysakit tulad ng pinagsukahan, laway, sipon, dumi, ihi at semilya; mga kontaminadong gamit ng maysakit tulad ng karayom, sapin ng kama at kumot, pinggan baso at kubyertos. Ito ay hindi nakukuha sa hangin, pag-ubo o pagbahing.

Maaaring higit na maaapektuhan ang mga naninirahan o nagsisilakbay sa mga apektadong bansa, ang mga kasambahay o pamilya ng maysakit, ang mga nag-aalaga ng maysakit sa bahay o ospital, kasama na ang mga doktor, nars, laboratory workers at iba pa.

Ang sinumang mahawa ay magkakaroon ng sintomas pagkalipas ng2-21 araw. Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng Ebola Virus ay lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan at lalamunan, mapupulang mata, pagtatae, pagsusuka, pagsakit ng tiyan, labis na panghihina, pagdurugo sa labas at loob ng katawan, at pagkasira ng bato at atay.

Ang malubhang nakapitan ng sakit na ito ay kinakailangan ng masidhing pangangalaga. Walang ispesipikong gamutan o bakuna ang makakalunas sa sakit na ito. Mas mabuting dalhin sa ospital agad ang maysakit kung may hinala na siya ay may Ebola. Malaking tulong ang oral at intravenous fluids, maging ang pagsalin ng dugo. Kailangan maibukod ang maysakit upang hindi ito makahawa. May mga paraan upang maiwasan ang sakit: huwag hihipo o hahawak sa pasyente ng hindi gumagamit ng guantis at iba pang uri ng rekomendadong pananggalang tulad ng gown, face mask at eye protector, ugaliing maghugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at sabon, iwasang hipuin ang anumang parte ng mukha gamit ang marumi o di pa nahuhugasang mga kamay at daliri. Ipinapayo naman ng DFA sa ating mga OFWs at iba pang mga kababayan sa labas ng bansa na panatiliing maging malusog, iwasang maging “overworked”, matulog at magpahinga na maayos, palaging magdala ng panyo at ugaliing maghugas ng kamay.

Nagpahayag ang World Health Organization (WHO) na walang Ebola vaccine bago ang 2015. Dumating sa Liberia ang experimental Ebola drug (ZMAPP) na ginagamit ng dalawang Liberian doctors na tinamaan ng sakit. Bagama’t inaprubahan na ng WHO ang paggamit ng experimental drug, hindi pa rin sigurado kung mabisa ito.

For me, this is not the answer, it’s just a matter of trial. We need to continue our contact tracing, our surveillance system, we need to continue the health promotion, we need to continue the mechanism that will break transmission so that we eradicate this disease. By giving this drug, it is not the answer”, pahayag ni Nyenswah Tolbert, Assistant Health Minister, Sierra Leone. Katunayan, ilang araw pa lamang ang nakakaraan nasawi rin ang Spanish priest na si Miguel Pajares na tinamaan ng Ebola at pinainom ng ‘ZMAPP’.

Nagpahayag din ang ‘Istituto Nazionale di Mallattie Infettive’ (INMI) ng Ospedale Spallanzani sa Roma ng ilang pangunahing impormasyon tungkol sa Ebola Virus. Sa Italya ang panganib ay ‘mababa’. Inirerekomenda ang pagpapatingin sa ospital sa mga unang sintomas ng sakit. Ugaliing maghugas ng kamay ng madalas. Lutuing maigi ang mga pagkain lalo na ang karne. At hugasang mabuti at piliin ang prutas na buo o walang kagat ng mga paniki.

Ang INMI ay sanggunian ng Italya sa mga tuntunin ng paghahanda at pagtugon sa mga nakakahawang sakit. Panatag si Giuseppe Ippolito, pang-agham Director ng Istituto, at handang tumugon sa anumang emerhensiya, upang mapaunlakan ang anumang mga pasyente sa pagsasagawa ng anumang diagnosis.

Mahigpit nang binabantayan, partikular ang mga hayop na manggagaling sa Ebola-hit countries. Bukod sa mga taong may sakit kasi ay mas madaling makuha ang Ebola virus sa pamamagitan ng tinatawag na ‘zoonotic disease transmitted to humans by direct contact with infected live or dead animals’, lalo na kung ang manggagawa ay walang gamit at proteksiyon sa kanilang katawan habang nagtratrabaho.

Makakatulong ang malawakang pagpapalaganap ng tamang impormasyon upang maiwasan ang sakit na ito. Maging ang pagsasanay sa mga health workers kung paano pangalagaan ang pasyente at kanilang sarili laban sa sakit na ito. Maging sa mga paaralan ay dapat binibigyan ito ng malaking pansin. Mahirap isnabin ang Ebola. Ito ay isang seryosong banta para sa ating lahat.

Umaasa ang Centers for Disease Control and Prevention na mapupuksa ang sakit ngunit aabutin umano ito ng maraming buwan at hindi magiging madali.

 

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

ni: Loralaine R. FNA-Rome

Sources: www.gov.ph, www.philstar.com, www.untv.com, www.brigada.ph,

www.pinoyparazzi.com, www.apocalisselaica.net

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

MILAN PCG LAUNCHES FILIPINO FILM FESTIVAL

Assegno per famiglie numerose, ibibigay ng Inps simula Enero 2013