GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
First impression last. Kaya naman bukod sa pagkakaroon ng maaliwalas na mukha, magandang mga ngiti, ang pagkakaroon ng mabangong hininga ang pangunahin nating bigyan ng pansin.
Ayon sa Academy of General Dentistry, kahit noong unang panahon ang mga ancient Greek ay sinasabing nagmumumog ng wine, aniseed at myrr huwag lamang magkaroon ng halitosis. Maging mga Italyano ay nagmumumog ng pinaghalong sage, cinnamon, juniper seeds, roots of cypress at rosemary leaves para magkaroon ng mabangong hininga.
Ang halitosis ay ang medikong termino para sa mabahong hininga. Nakakahiyang kondisyon ito para sa mga apektado at maaaring magdulot ng pagkabalisa para sa iba. Ito ay maaaring resulta ng kakulangan sa kalinisan sa bibig o senyales ng ibang problema sa kalusugan. Posibleng dulot ito ng sirang ngipin, problema sa gilagid o dumudugong gums, may sipon at nalilipasan ng gutom. Ang halitosis ay maaring palalain ng ilang mga pagkain o hindi mabuting asal pagdating sa pansariling kalusugan.
Iba-iba ang antas ng mabahong amoy ng hininga. Marami ang hindi batid na sila ay may mabahong hininga. Ang amoy ay depende sa pinagmulan o mas nakakailalim na sanhi. Mga karaniwang sintomas ng halitosis ay mabahong hininga, pangit na panlasa o pagbabago sa panlasa, tuyong bibig, at coating sa dila.
Maraming sanhi ang halitosis. i) Kawalan ng ‘dental hygiene’; ii) permentasyon ng mga tinga sa bibig; iii) problemang dental gaya ng tooth decay o gum disease; iv) impeksiyon sa ilong o lalamunan; v) Ang pagdami ng bacteria sa loob ng bibig. Ang mga mikrobyo ay maaring nakakubli sa pagitan ng mga ngipin o tumakip sa dila. Kapag napabayaan at hindi naalis ang bacteria, ito ay dadami at maglalabas ng toxins at mabahong amoy; vi) tonsilolith o mga bato sa tonsils na dulot ng binubuo ng calcium; vii) hindi maayos na diyeta tulad ng diyetang mababa sa Carbohydrates at maaari namang ang ketosis (isang kondisyon na nagtutunaw ng taba sa katawan) ang maaaring magdulot ng mabahong hininga; viii) constipation; ix)ang masamang bisyo o paninigarilyo o pagnguya ng tabako ay maaring mag-iwan ng di-kanais-nais na lasa at amoy sa bibig; x) Pagkaing may matapang na amoy tulad ng bawang, sibuyas at malansang isda ay maaring maging sanhi ng mabahong hininga na maaring manatili kahit matapos magsepilyo; xi) Minsan ang mga problema sa tiyan tulad ng Gastroesophageal reflux disease (GERD) o ulcer ay nagdudulot ng mabahong hininga kapag dumighal o maglabas ng gas; xii) di-makontrol na diabetes; xiii) liver o lung disease; xiv) stress at masamang bacteria sa colon.
Pagsusuri
Kadalasan malalaman ng doktor kung ano ang problema mo sa amoy ng bibig mo. Halimbawa sa kidney disease ay amoy isda ang hininga ng pasyente. Kapag may liver failure ay amoy bulok na itlog naman. Sa mga taong may diabetes, kadalasan ay amoy prutas dahil sa mga kemikal na ketones.
Isang kumpletong medikal at dental na kasaysayan ay maaring kailanganin sa pagsusuri ng halitosis. Ang pasyente ay maaring tanungin tungkol sa problema sa mabahong hininga, diyeta, paggamit ng tabako, medikasyon na iniinom, medikal na kondisyon, at kasaysayan ng kalusugan ng pamilya. Maaaring suriin ng dentista ang bibig ng pasyente at magsagawa ng x-ray at periodontal charting upang matukoy kung ang mabahong amoy ay dahil sa sakit sa gilagid. Maari ring gamitin ang volatile sulfur compounds sa hininga.
Ang medical na lunas para sa mabahong hininga ay depende sa sanhi nito. May mga ilang sakit na nagpapatuyo ng bibig tulad ng depresyon, high blood pressure, anemia, diabetes at AIDS. Ang ‘morning breath’ naman ay dulot ng pagbaba ng produksiyon ng laway sa pagtulog. Para sa mga pasyenteng may tuyong bibig (xerostomia), maaring irekomenda ng dentista ang espesyal na toothpaste at mouthwash.
Maaring maiwasan ang halitosis sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan: i) pangalagaan ang kalusugan ng bibig sa pamamagitan ng pagsisipilyo ng dalawang beses sa isang araw gamit ang fluoride toothpaste; ii) ugaliin magsepilyo pagkatapos kumain at huwag kalimutan sipilyuhin ang dila. Gumamit ng kutsara o inverted spoon pagkatapos magsepilyo para linisin ang dila. Kadkarin ang dila hanggang sa ngala-ngala o kung saan aabot. May mga tao na mataas ang acidity level sa dila na nagiging sanhi ng mabilis na pagkabulok ng laway; iii) palitan ang sepilyo tuwing dalawa o tatlong buwan; iv) gumamit araw-araw ng dental floss at mouthwash; v) ang dentures o pustiso ay dapat tanggalin sa gabi at linisin mabuti bago ibalik sa bibig; vi) bumisita sa dentist dalawang beses sa isang taon; vii) tumigil sa paggamit ng produktong tobako; viii) panatiliing basa ang bibig sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig at pagnguya sa gum na walang asukal o matigas na kendi para sa produksiyon ng laway; ix) iwasan ang ilang mga pagkaing na maaring magdulot ng mabahong hininga tulad ng bawang at sibuyas; x) panatilihing regular ang pagdumi. Dapat mailabas ang dumi sa katawan. Linisin ang loob ng katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng fresh lemon o kalamansi at tubig. Sumailalim sa detoxification process o colon cleansing; xi) makipag-usap palagi para hindi mapapanis ang laway.
Karagdagang impormasyon
Ang Vitamin C ay nakakatulong magpalusog ng gilagid.
Uminom ng Acidophilus (good bacteria) araw-araw. Ito ay tumutulong balansehin ang microflora sa inyong colon na naglalayong mabawasan ang odor-generating fermentation.
Ang digestive enzyme at Hydrochloric acid ay tumutulong na tunawin ang mabibigat na protina at nakababawas ng protein breakdown ng bacteria, isang proseso na naglalabas ng di-kanais-nais na amoy.
Ang Chlorophyll tablets o liquid ay maaring pansamantalang magdulot ng kulay berdeng dila. Subalit tumutulong din itong maisaayos ang inyong hininga. Ang Chlorophyll ay natural na deodorizer at isang aktibong sangkap ng mga popular na breath mints. Ang Alfala, kasama ng wheat grass, na may taglay na Chlorophyll, ang naglilinis sa bloodstream at colon.
Ang pagnguya ng parsley (prezzemolo) matapos kumain ay mabisang gamut sa bad breath.
Tandaan na ang bad breath ay maaring senyales ng iba pang suliraning pangkalusugan. Komunsulta sa inyong doctor para sa malawakang check-up kung ang sariling paggamot ay walang bisa sa inyong kalagayan. Katulad ng anumang bahagi ng ating katawan, dapat din nating pagtuunan ang ating oral health. Bukod sa pag-iwas sa sakit, makakatulong ang malinis na ngipin at mabangong hininga sa pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili.
Loralaine R. – FNA-Rome
Sources: www.health.wikipilipinas.org , www.buhayofw.com
Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 3]