in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA HIV INFECTION/AIDS

Ang kalusugan ay itinuturing na kayamanan hindi lang ng isang Pilipino kundi ng buong lipunan. Kung ang isang tao ay malusog, ang mga taong nakapaligid at may malapit na kaugnayan sa kaniya ay magkakaroon ng kompyansa na makipag-usap, makipag-ugnayan at magkaroon ng personal na relasyon sa kaniya at may sapat na kompyansa para mabuhay ng masaya, ng may dignidad at ng may pagtanggap sa lipunang kaniyang ginagalawan.

Kadalasan, ang ganitong senaryo ay hindi tinatamasa ng isang taong may malalang sakit, lalong-lalo na ang mga biktima ng AIDS na itinuturing na nakakahiyang sakit o stigmatized disease. Karamihan kasi ng mga nagkakaroon ng HIV/AIDS ay nakakaranas ng pagtanggi sa kanilang totoong kalagayan, pagkagalit sa sarili at sa mundo, at depresyon. Marahil ito ay dahil na rin sa ang HIV/AIDS ay hindi nagagamot at karamihan sa mga taong nagtataglay nito ay nakakaranas ng pagtanggi at pag-iwas ng mga dating kaibigan at ng ibang tao, diskriminasyon sa paaralan, trabaho at iba pang social contexts, at pagbabansag na sila ay mga bakla o kaya ay drug addict.

Ayon sa Center for Disease Control and Prevention, ang AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay isang nakamamatay na sakit na bunga o dulot ng virus na tinatawag na HIV (Human Immunodeficiency Virus). Ang virus ay umaatake sa sistema ng panlaban sa sakit ng tao – ang lymphocytes oT-helper cells. Ito ay isang uri ng white blood cell (leukocytes) na siyang pangunahing depensa ng katawan laban sa mga sakit. Sinisira nito ang mga bacteria at virus at iba pang microorganisms na pumapasok sa katawan ng tao. Ang normal values ng T-helper cells ay nasa 1000 cubic millimeters (20% – 40% of total leukocyte count). Kapag mas mababa sa 200 ang bilang, ang depensa ng katawan ay humihina, madaling_kumapit ang iba’t ibang impeksiyon at kanser, at itinuturing nang indikasyon na ang biktima ay may AIDS.

Ilan sa mga katangian ng taong may sakit na AIDS maliban sa mababang bilang ng mga T-helper cells ay ang pagiging positibo sa pagsusuri hinggil sa HIV, ang pagkakaroon ng ilang natatanging karamdamang kagaya ng ‘Kaposi’s Sarcoma’ (isang agresibong kanser na tumutubo sa balat o sa bibig), Pneumocystis carinii pneumonia (PCP), Tuberculosis, at iba pang sakit na dulot ng mga fungi.

Maaaring magkaroon ng AIDS ang kahit sinumang tao. Noong taon 2010, tinatayang 34 milyon na tao sa buong mundo ang namumuhay na may HIV virus, 1.8 milyon ang namatay dahil sa AIDS, at 271 Filipino OFWs ang naitala na may HIV/AIDS. Naalarma ang UN upang gumawa ng mga hakbangin para mapigilan ang pagkalat ng HIV/AIDS at inilagay na layunin ng bawat kasaping bansa na masugpo ang AIDS hanggang taong 2015 at ang pagkatatag ng UNAIDS bilang pangunahing kamay ng UN sa pagpigil ng paglaganap at pagmomonitor ng mga kaso ng HIV/AIDS sa buong mundo.

Palatandaan: Kabilang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng HIV at AIDS: i) ang pamamaga ng mga kulani (lymph nodes) na tumatagal ng may mga tatlong buwan, ii) pag-ubo at pagkakaroon ng lagnat na tumatagal ng may higit sa isang buwan, iii) pagiging madaling mapagod kahit wala namang ginagawa, iv) ang pagbaba ng timbang, pangangayayat, v) mga sugat o sakit sa balat na hindi gumagaling, at vi) ang pagtatae. Maaaring tumagal ang impeksiyon simula 5-10 taon bago maging ganap na AIDS ang sakit. Sa kadalasan, walang nakikitang mga palatandaan ang isang taong may impeksiyon sa HIV.

Paghawa: Naisasalin ang HIV sa ibang tao sa pamamagitan ng: i) pakikipagtalik na walang proteksiyon sa isang taong may HIV o AIDS, ii) sa pagsasalin ng nakontaminahang dugo, iii) sa paghiram ng heringgilyang ginamit ng taong may HIV/AIDS, iv) paggamit ng mga hindi malinis na karayom ginamit sa pagpapatattoo o body piercing, at v) ng isang inang may HIV o AIDS sa isang sanggol sa kapanahunan ng pagdadalantao, panganganak at pagpapasuso.

Ang sinumang napatunayang positibo sa HIV ay maaaring maisalin o mahawaan ang iba kaya’t hindi siya maaaring magbigay ng kaniyang dugo, plasma, organ, at semilya. Ang isang taong may impeksiyon sa HIV ay nararapat lamang na balaan ang sinuman na kaniyang makakatalik tungkol sa kaniyang pagiging positibo sa HIV. Ipinapayo na gumamit ng proteksiyon gaya ng paggamit ng kondom. Gayunman, may panganib na mahawa sa impeksiyon kahit na gumamit ng kondom kapag nabutas iyon.

HINDI nakukuha ang HIV mula sa paghahalikan, laway, yakapan, pag-ubo, luha, pawis, pagbahing, pakikipagkamayan, paghihiraman ng damit, pakikisalo sa pagkain, paghiram ng kubyertos, kagat ng lamok o paggamit ng kubeta.

Pag-iwas at pag-iingat:

A – abstinensiya (pagpipigil at pagtanggi)

Bbe faithful (isa lang ang katalik)

Ccorrect condom use

D – droga iwasan o “don’t take drugs

Eearly diagnosis and treatment (maagang pagpapatingin at pagpapagamot sa doktor o pagamutan)

Lunas at paggamot: Sa kasalukuyan, wala pang natutuklasang lunas para sa HIV, subalit maraming pag-aaral ang isinasagawa para sa mga gamot na magagamit laban sa HIV/AIDS, na maaari ring ganap na lunas o bakuna laban sa HIV.  Tanging sa pagsusuri ng dugo lamang malalaman kung may sakit na HIV ang isang tao at ito ay lihim o kumpedensyal na isinasagawa. Ang pagsubok ng HIV ay binubuo ng inisyal na screening sa isang ELISA (enzyme-linked immunosorbent assay) upang matukoy ang antibody sa HIV. Inuulit-ulit ito at sa final screening ay ginagamit ang Western blot para sa pagkompirma na positibo ang isang tao.

Mahalaga ang regular na Vaginal PAP smear upang masubaybayan ang impeksiyon sa HIV dahil mataas ang panganib na magkakanser sa cervix ang may HIV. Ang Anal PAP smear ay kailangan din upang malaman kung may posibilidad ng kanser ang lalaki at babae nahawa sa HIV.

Ang Antiretroviral therapy (ARV), gaya ng mga Protease Inhibitors ay sumusugpo sa paglala ng HIV virus sa katawan. Ang kumbinasyon ng iba’t ibang antiretroviral agents na sinasabing may mataas at aktibong ARV (HAART) ay sinasabing epektibo sa pagpapababa ng bilang ng HIV particles sa pagdaloy ng dugo na sinusukat sa tinatawag na viral load. Maaari itong makatulong sa sistema ng panlaban sa sakit ng tao at mapataas ang bilang ng T-helper cells.

Ang HAART ay koleksiyon ng iba’t ibang uri ng gamot, na may di-inaasahang epekto  sa katawan. Ilan sa mga ito ang pagkahilo, sakit ng ulo, panlalambot, at pag-iimbak ng taba sa likod at sa tiyan. Kapag ginamit ng matagalan, ang gamot na ito ay nakapagpapataas ng panganib ng atake sa puso dahil pinalalaki nito ang antas ng lipids at glucose.

Ang HIV ay may dalawang (2) strain o uri: ang HIV-2 ang siyang kadalasang natatagpuang strain sa mga biktima ng HIV sa Africa kung saan matatagpuan ang 70% ng mga taong may HIV/AIDS sa buong mundo. Samantalang HIV-1 strain naman ang kadalasang matatagpuan sa mga HIV/AIDS victim sa Amerika. Isa sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring gamot sa HIV/AIDS ay dahil sa ang mismong birus ay nagpapalit-palit ng anyo at kadalasang nagtatago sa mga parte ng katawan na hindi naaabot ng mga gamot na ARV gaya ng utak at spinal cord. Dahil dito, ang pinakamabisa pa rin na dapat gawin ng isang taong ayaw magkaroon ng HIV/AIDS ay iwasan ang mga gawaing may mataas ng pagsalin ng HIV sa kapwa tao. (FNA-Rome)

Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaari pang magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.

Sa mga nais magpasuri ng kanilang dugo para sa HIV, magpresenta lamang sa mga sumusunod na ospital dito sa Roma, hangga’t maaari ay sa umaga, magdala ng documento d’identità na balido o tessera sanitaria.

1) Ospedale San Giovanni, Via di San Giovanni Laterano,155 – tel. 0677055328

2) Ospedale Nuovo Regina Margherita, Via Morosini,30 – tel. 0658446648

3) Policlinico Umberto I°, Viale Regina Margherita,330 – tel. 0649970313

4) Ospedale Spallanzani, Via Portuense, 292 – tel. 06551701

5) I.D.I. Istituto Dermopatico Dell’Immacolata, Via Monti di Creta, 104 – tel. 0666464552

6) Ospedale San Pietro, Via Cassia, 600 – tel.  0633260625

7) Ospedale Sandro Pertini, Via Monti Tiburtini, 498 – tel. 0641431

Sources:

http://www.scribd.com/doc/43461628/mga-dapat-malaman-sa-sakit-na-hiv-infections-at-aids

http://www.kalusugan.ph

http://tl.wikipedia.org/wiki/aids

http://www.gmanetwork.com

http://www.unaids.org

http://www.stopaids.it

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Maaari bang ‘tagliando’ lamang ng permit to stay ang dala sa pagbabakasyon sa Pilipinas?

Pistoia, nasa ika-5 taon na ng Flores di Mayo