in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA KANSER SA BALAT

Ang balat ang pinakamalaking organo ng sistemang integumentaryong binubuo ng maraming patong ng mga tisyung nagbabantay sa mga nakapailalim ng mga masel at mga organo. Nagkakaiba-iba ang mga kulay ng balat sa maraming mga populasyon ng tao, at maaaring tuyo at malangis ang kaurian ng balat.

 

Bilang nagsisilbing tulay pang-ugnayan sa kapaligiran, may pinakamahalagang tungkulin ang balat sa pagsanggalang ng katawan  laban sa mga mikrobyong nagdudulot ng mga karamdaman. Ang iba pang mga pangunahing tungkulin nito ay ang pagbibigay-init at regulasyon ng temperature pagdama, paglikha o sintesi ng bitamina D, at pangangalaga ng mga folate ng bitamina B.

Ang kanser sa balat ang pinaka-pangkaraniwang uri ng kanser ng tao. Mahigit na isang milyon na bagong kaso nito ang naitatala bawat taon. Ito ang abnormal na pagtubo ng selyula sa balat at karaniwang nangyayari sa balat na nakalantad sa araw tulad ng anit, mukha, labi, tainga, leeg, dibdib, braso, kamay, at binti. Gayunman, maaari din itong maranasan sa parte ng balat na hindi nalalantad sa araw tulad ng palad, ilalim ng kuko sa kamay at paa, at sa maseselang bahagi.

Ang kanser sa balat ay tumutukoy sa tatlong iba’t-ibang kondisyon. Ito ay nakatala mula sa hindi masyadong malala hanggang sa pinaka-delikado:

Ang Basal-cell carcinoma (BCC) ang karaniwang uri ng kanser sa balat. Ito ay karaniwang mabagal o hindi kumakalat sa ibang parte ng katawan, hindi masakit ngunit maaaring magdulot ng pinsala kapag lumaki at sumalakay sa mga kalapit na tisyu. Ito ay madalas mangyari sa mga parte ng katawan na parating nakalantad sa araw tulad ng leeg at mukha. Ito ay maaaring lumitaw bilang maperlas o makintab na umbok sa balat, o patag na sugat na maaaring kakulay ng balat o kulay kape.

Ang Squamous-cell carcinoma (SCC) ay karaniwang nararanasan sa bahagi na madalas malantad sa araw tulad ng mukha, tainga at kamay. Ang mga taong may maitim na balat ay maaaring magkaroon ng squamous-cell carcinoma sa mga parte ng katawan na hindi karaniwang nakalantad sa araw tulad ng binti at paa. Ito ay maaaring lumitaw bilang matigas, irregular at mapulang bukol sa balat, o patag na sugat na parang may kaliskis sa ibabaw. Ito ay karaniwang lumilitaw sa mga matatandang pasyente. Dahil ang matagal na pagkalantad sa araw ay isang mahalagang kadahilanan na nag-aambag sa pagbuo ng ganitong uri ng kanser sa balat.

Ang Melanoma ay maaaring lumitaw sa kahit anong parte ng katawan. Ito ay maaaring umusbong sa normal na balat o mula sa isang nunal na nagkaroon ng kanser at mabilis ang paglago nito. Madalas na nagkakaroon ng melanoma sa ulo o leeg ng apektadong lalaking pasyente. Sa babaeng pasyente, ang ganitong klase ng kanser ay maaaring umusbong sa mas mababang parte ng binti. Sa bawat kasarian, ang melanoma ay maaaring makaapekto sa kahit anong kulay ng balat. Ang mga taong may maitim na balat ay maaaring magkaroon ng melanoma sa palad o sakong o ilalim ng mga kuko. Ang melanoma ay maaaring lumitaw bilang malaking kulay kape na batik o pantal sa balat; nunal na nag-iiba ng kulay, kapal, laki at pakiramdam o nagdurugo; maliit na sugat na may irregular na gilid na maaaring may parte na kulay pula, puti, asul o itim; at maitim na sugat sa palad, sakong, dulo ng daliri o mucous membranes lining ng bibig, vagina at anus.

Sanhi at panganib

Ang kanser sa balat ay sanhi ng pagkakamali o mutations sa DNA ng selyula ng balat. Ang mutations ay nagdudulot sa selyula na lumaki at maging selyula ng kanser. Ang mga nagpapataas ng panganib sa pagkakaroon ng kanser sa balat ay: i) paglantad sa araw – ang ultraviolet (UV) radiation mula sa araw ay maaaring magdulot ng kanser sa balat; ii) lugar kung saan nakatira – may mga lugar sa mundo na nakakatanggap ng mas mataas na antas ng UV radiation mula sa araw; iii) edad – ang kanser sa balat ay karaniwang nangyayari pagkatapos ng edad 50 ngunit ang nakakapinsalang epekto ng araw ay nagsisimula sa batang edad; iv) paglantad sa UV – maaring magkaroon ng kanser sa balat dahil sa paglantad sa UV radiation tulad ng nakukuha sa tanning booths; at v) therapeutic radiation – tulad ng binibigay bilang lunas sa ibang uri ng kanser.

Pagsusuri

 Maaaring isagawa ng doktor ang mga sumusunod upang masuri kung ang pasyente ay mayroong kanser sa balat: i) eksamen sa balat. Maaaring tignan ng doktor ang balat upang malaman kung may mga pagbabago sa balat na maaaring hudyat ng kanser sa balat; ii) pagkuha ng specimen ng kaduda-dudang balat para sa biopsy ng balat. Ang biopsy ay makakatulong upang matukoy kung ang pasyente ay mayroong kanser sa balat; at iii) pagtukoy sa lubha ng kanser sa balat. Maaaring magsagawa ang doktor ng karagdagang mga eksaminasyon upang malaman kung gaano na kalala ang kanser sa balat. Makakatulong ito upang matukoy ang pinakaepektibong paraan ng lunas para sa naturang kanser.

Lunas

Ang lunas para sa kanser sa balat at pre-cancerous na sugat na actinic keratosis ay maaaring iba-iba at depende sa laki, klase, lalim at lokasyon ng sugat. Ang maliit na kanser sa balat na limitado sa taas ng balat ay maaaring hindi mangailangan ng ibayong gamutan maliban sa unang biopsy upang tanggalin ang buong pagtubo. Ang mga sumusunod ay iba pang posibleng paraan sa paggamot sa kanser: i) freezing o pagpapayelo. Maaaring sugpuin ng doktor ang actinic keratosis at ibang maliliit at maagang kanser sa balat sa pamamagitan ng pagyeyelo gamit ang likidong nitrogen (cryosurgery). Ang patay na tisyu ay natatanggal kapag nalulusaw; ii) excisional surgery. Ang paraan na ito ay maaari sa kahit anong klase ng kanser sa balat. Tinatanggal ng doktor ang tisyu na mayroong kanser at parte ng nakapalibot na malusog na balat; iii) laser therapy. Maaaring gumamit ang doktor ng mabisang liwanag ng ilaw upang puksain ang mga lumalaking tisyu na mayroong kanser. Ginagamit ito para sa mga mababaw na kanser sa balat; iv) mohs surgery. Ginagamit ang Mohs surgery sa mga malalaki, pabalik-balik, at mahirap gamutin na uri ng kanser sa balat. Maaaring tanggalin ng doktor ang parte ng balat at eksaminin ito sa ilalim ng mikroskopyo. Ang paraang ito ay nakakatulong sa pagtanggal ng selyulang may kanser ng hindi kailangan ang pagtanggal sa sobrang bahagi ng malusog na balat na nakapaligid dito; v) curettage at electrodessication. Ang simpleng paraan na ito ay maaaring gamitin sa maliit o patag na basal-cell na kanser o squamous-cell na kanser; vi) radiation therapy. Ito ay maaaring irekomenda ng doktor kapag ang operasyon ay hindi tinuturing alternatibo; vii) photodynamic therapy (PDT). Ang paraan na ito ay pumupuksa sa mga selyula ng kanser na gumagamot ng kombinasyon ng ilaw na laser at medikasyon; at viii) biological therapy. Nag-uudyok ito sa sistemang imyuno na sugpuin ang selyulang may kanser.

Ang posibleng komplikasyon sa mga paraang panggamutan na ito ay cellulitis, abscess sa balat o pagkalat ng kanser sa ibang parte ng katawan.

Pag-iwas

Iwasan ang paglantad sa sikat ng araw sa kalagitnaan ng araw. Ang sikat ng araw ay pinakamatindi sa pagitan ng alas-10 ng umaga at alas-4 ng hapon. Ugaliin ang paglagay ng sunscreen lotion bago lumabas ng bahay. Magsuot ng damit na maaaring magbigay ng proteksiyon tulad ng may mahabang manggas, pantalon, mahabang palda, malapad na sombrero at sunglasses. Iwasan ang pagpunta sa mga tanning salons. Maging maingat sa paggamit ng mga medikasyon na sensitibo sa araw. Regular na siyasatin ang balat at iulat ang anumang pagbabago sa doktor tulad ng pagtubo ng umbok sa balat, pagbabago sa nunal at mga marka sa balat.

Ang kanser sa balat ay dapat alisin sa lalong madaling panahon sa pamamagitan ng operasyon. Ang paulit-ulit na singaw ay maaaring ito ay kanser sa balat. Kung kailangang magtrabaho sa sikat ng araw ang taong nagkaroon na ng ganitong kanser  ay kailangan niyang gumamit ng espesyal na kremang pamahid gaya ng zinc oxide ointment. (ni: Loralaine R. – FNA Rome)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Cecile Kyenge, ang Ministro ng Integrasyon

CFG sa medical mission