Ang salitang kulebra ay galing mula sa salitang Latin na ‘cingulum’ na ang kahulugan ay sinturunan. Ito ay isang pangkaraniwang sakit na nanggagaling sa isang virus (Varicella-Zoster Virus) at ito rin ang virus na nagdudulot ng chickenpox o bulutong-tubig sa mga bata. Ang mga tao na dating nagkaroon ng bulutong-tubig ay pwedeng magkaroon ng herpes zoster o kulebra o shingles kung tawagin sa Ingles. Ang virus ng bulutong-tubig ay nananatili sa isang natutulog na estado sa ilang mga selula ng mga ugat o nerbiyo sa katawan sa loob ng maraming mga buwan hanggang sa maraming mga taon at pagkatapos ito ay mapukaw ay nagiging sanhi ng mga kulebra o shingles.
Ang impeksiyon na ito ay dahil sa isang pansamantalang pagbaba ng resistensya ng katawan, na nagpapahintulot sa virus upang simulan ang pagdami nito at upang magpalipat-lipat sa mga hibla ng nerbiyo patungo sa balat. Ang katotohanan na ang sakit na ito ay nangyayari sa mga matatanda (edad 50 pataas) ay dahil na ang tugon ng immune na sistema ay pinapaniwalaan na mahina sa mga matatanda. Ayon sa mga survey, 50% na mga taong umabot na sa edad 85 ay nagkaroon ng kulebra. Ang trauma o posibleng stress ay maaari ring magbigay ng kontribusyon sa isang pag-atake ng kulebra.
Kabilang sa mga indibidwal na may mahinang sistemang immune ay ang mga may kanser, halimbawa lukemya, lymphoma, ang mga taong sumasailalim sa chemotherapy o radiation therapy para sa kanser, pati na ang mga pasyente na may mga transplant organ at yung mga umiinom ng mga gamot upang salagin ang pagtanggi sa transplant at mga pasyente na may sakit na may epekto sa immune system halimbawa AIDS.
Ang unang sintomas ng kulebra o shingles ay ang nasusunog na sakit o pangingilabot at matinding pagkasensitibo sa isang parte ng balat. Ito ay maaaring tumagal mula 1 hanggang 3 araw bago makakita ng pulang pantal. Isang grupo ng mga paltos o blisters ay mamumuo sa pulang ilalim na mukhang bulutong-tubig. Ang mga paltos ay karaniwang tumatagal mula 2 hanggang 3 linggo, habang mag-ipon sila ng nana at magbalat sa ibabaw at magsisimulang mawala. Kapag tumigas na ang mga butlig ay hindi na nakakahawa ang pasyente. Ngunit habang nag-uumpisa pa lamang ang kulebra ay pwede itong makahawa sa ibang tao kaya mas mabuti kung lumayo muna sa iba.
Ang kulebra o shingles ay karaniwang umaapekto lamang sa isang bahagi ng katawan. Karamihan sa mga karaniwang kulebra ay lumilitaw sa gitnang parte ng katawan, kabilang na sa mga puwit at ari ng lalaki o babae, tagiliran, balakang, sa leeg, o sa malapit sa mata. Kung ang mga paltos ay sumasakop sa rehiyon ng mga mata, permanenteng pinsala sa mata ang maaaring magresulta. Ang iyong doktor ay magsasangguni sa iyo kaagad sa isang espesyalista sa mata kapag mangyari ang naturang komplikasyon.
Ang isang pangmatagalang masakit na komplikasyon ng kulebra o shingles ay tinatawag na ‘post-herpetic neuralgia’ (PHN), na nangangahulugan ng patuloy na pananakit ng mga ugat o nerbiyo matapos mawala o maghilom ang pantal o rash. Iba pang komplikasyon ng kulebra ay impeksiyon ng mga paltos sa pamamagitan ng bakterya. Ito ay maaaring maging sanhi ng pagkaantala sa paghilom ng balat. Antibiyotikong paggamot ang kinakailangan. Maaari ring magresulta ng pagkakapilat kung ang mga paltos ay naimpeksiyon o kung ang pasyente ay gumamit ng hindi angkop na remedyo sa sakit.
Ang kulebra o shingles ay hindi masyadong nakakahawa kaysa sa bulutong-tubig. Ang mga taong may kulebra ay maaaring kumalat ang virus kung ang mga paltos ay sira, at kung siya ay malapit sa taong madaling kapitan tulad ng isang tao na kailanman ay hindi pa nagkaroon ng bulutong-tubig. At ang mga taong nasa panganib ay ang mga sanggol at ang sinumang may mga sakit tulad ng kanser.
Ito ay maaari ring may kaakibat na sintomas tulad ng sakit ng ulo, lagnat, pakiramdam na nasusuka, at pananakit ng kalamnan. Ang layunin ng paggamot sa kulebra o shingles ay ang sugpuin ang mga epekto ng virus at pati na rin ang pagbawas sa sakit na nararamdaman. Maraming mga medikasyon ang pwedeng inumin ngunit kailangan muna ng payo ng iyong doctor bago ito simulan. Maraming klase rin ng shingles ang nagagamot lamang sa bahay. Para sa ibang mga sitwasyon, ang mga taong mahina ang resistensya at malubha ang mga sintomas ay kailangang dalhin sa hospital.
Ang paggamot ay binubuo ng mga pamatay-sakit tulad ng Paracetamol, Ibuprofen, o Mefenamic acid. Ang antiviral na gamot na acyclovir (Zovirax) o valacyclovir (Valtrex) o famciclovir (Famvir) ay maaaring ibigay lalo na sa mga pasyente na aaapektuhan sa mata o may matinding pagkasakit. Ito ay tumutulong upang paikliin ang haba ng araw ng pagkakasakit ng kulebra o shingles. Binabawasan din nito ang paglubha ng sintomas at maaaring magpapigil ng PHN. Pinakaepektibo kung ito ay sinimulang inumin sa loob ng 72 oras na nagsimulang lumabas ang mga pantal. Ang acyclovir ay paminsan-minsan na maging sanhi ng sakit ng ulo, pagkasira ng tiyan at pagkalula. Kung mas maaga itong inumin, mas mahusay ang epekto. Ang PHN ay maaaring tratuhin ng mga pamatay-sakit at mataas na dosis ng tranquilizers sa gabi.
Para sa ibang may mas grabeng sakit na nararamdaman, maaaring kailanganin ang pagbibigay ng ‘Opioid pain medication’. Para naman mabawasan ang pangangati, pwedeng uminom ng Diphenhydramine (Benadryl).
Ang pag-aalaga sa pantal sa balat ay pwedeng gawin na lamang sa bahay. Mayroong ‘topical calamine lotion’ ang maigi sa pagbawas sa pangangati. Ang mga krema na naglalaman ng ‘Capsaicin’ mula sa pepper extract, ay isang epektibong pamatay-sakit gamit na ng maraming sekulo. Ang mga malalamig na compress ay nakakagaan ng pakiramdam at nakakatulong sa pagtuyo ng mga paltos. Cool compress lamang. NO ice packs! Dahil ang sobrang malamig ay nakakapagdulot ng mas higit pang sakit. Ang dapat tandaan unang-una pa rin ay ang pagiging malinis sa katawan, huwag kamutin ang apektadong balat, at ilayo sa dumi ang mga pantal upang hindi na matabuyan pa ng ibang impeksyon.
Bawal mag-swimming kapag may kulebra. Dahil ito ay naglalagay sa tsansang makakuha ng virus na maaaring magdulot ng bulutong-tubig ang ibang tao. At ang iyong pantal ay maaari ring magka-impeksyon. Maaari ring linisin ang pantal o butlig sa pamamagitan ng solusyon na gawa sa isang litrong tubig at 1 kutsaritang asin. Ibuhos ito sa parte ng butlig, pagkatapos ay dampi-dampian lamang ang mga butlig para matuyo. At huwag makihiram ng tuwalya.
Palakasin ang iyong katawan. Magpahinga at matulog ng sapat. Uminom din ng isang Mulitivitamin tablet bawat araw. At ang magandang balita! May bakuna nang naimbento para mabawasan ang tsansang magkaroon ng kulebra o shingles. Binibigay ito sa mga taong edad 60 pataas. Ang tawag dito ay Varicella–zoster vaccine. Tandaan lamang na bawal magpabakuna ang mga kasalukuyang may sakit, mahina ang katawan at may kulebra. Ang bakuna ay bilang pag-iiwas o prevention lamang.
ni Loralaine R – FNA-ROME
Sources: www.globale-dermatologie.com,
www.philstar.com, www.buhayofw.com