in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA PAGSUSURI NG DUGO

Ang mga pagsusuri ng duo o blood analysis ay makapagbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa pangkabuuan ng kalusugan. Narito ang mga uri ng pagsusuri ng dugo. 

Ang mga pagsusuri ng dugo ay makapagbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa pangkabuuan ng kalusugan at ang sakit na HIV. Mayroong pagsusuri na isinasagawa tuwina bilang pangunang kasangkapan sa pag-alam ng kalagayan. Mayroon namang isinasagawa kapag may partikular na pangamba sa kalagayan ng iba’t ibang bahagi ng katawan.

Para sa bawat pagsusuri, ang mga laboratoryo ay may iba’t ibang hanay (range) o tinatawag na ‘normal’. Ang mga resulta ng pagsusuri na nasa labas ng normal na hanay ay maaaring mangahulugang may kinababahalaang kalagayan. Siguraduhing mapag-usapan ang resulta ng pagsusuri at alamin sa manggagamot kung ano ang kahulugan nito para sa iyong kalusugan.

Ang mga uri ng pagsusuri ng dugo: 

Kumpleto o hustong pagbilang ng dugo (CBC). Ang hustong pagbilang ng dugo ang pinaka-pangkaraniwang pagsuri sa dugo doon sa mayroong HIV/AIDS. Ito ay sumusukat at sumusuri sa iba’t ibang uri ng cells na bumubuo sa dugo, kasama na ang cells ng pulang dugo, cells ng puting dugo at platelets.

Cell ng Pulang Dugo. Ang cells ng pulang dugo ang naghahatid ng Oxygen mula sa baga tungo sa mga cells ng buong katawan. Mayroong 3 pagsusuring isinasagawa na sumusukat sa cells ng pulang dugo:

  1. Bilang ng cell ng pulang dugo (RBC) – sumusukat sa bilang ng lahat ng cells ng pulang dugo;
  2. Hemoglobin (Hgb) – sumusukat sa protina na nasa cells ng pulang dugo na naghahatid ng Oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan;
  3. Hematocrit (Hct) – sumusukat sa bahagi o porsyento ng lugar na inuokupa, o dami ng cells ng pulang dugo.

Kapag mababa ang bilang ng cells ng pulang dugo, ito ay nagpapahiwatig na may anemia. Ito ay maaaring dahilan sa labis na pagkawala ng dugo o kakulangan sa paggawa ng dugo. Para sa mga mayroong HIV/AIDS, ang anemia ay maaaring dahilan na rin ng impeksiyong HIV o ng gamot na laban sa HIV gaya ng AZT (Retrovir).

Cell ng Puting Dugo. Ang cells ng puting dugo (Leukocytes) ang humahadlang at lumalaban sa mga impeksiyon sa katawan. Ang 2 pagsusuring isinasagawa na sumusukat sa cells ng puting dugo ay:

i) Bilang ng cell ng putting dugo (WBC) – sumusukat sa bilang ng lahat ng cells ng puting dugo;

ii) Ang “Differential” – sumusukat sa bilang o porsyento ng limang (5) uri ng cells ng puting dugo sa katawan: neutrophils, lymphocytes, monocytes, eosinophils at basophils. Ang bawat isa nito ay katulong sa iba’t ibang paraan sa paghadlang at paglaban sa mga impeksiyon. Ang T-cells (CD4 cells), na nagsasaayos ng immune system, ay isang kaibang anyo ng puting cells na tinatawag na lymphocytes.

Platelets. Ang platelets ang bahagi ng dugo na kinakailangan sa pamumuo. Ang mababang bilang ng platelet ay maaaring sanhi ng HIV o ng mga gamot. Ang panganib na duguin ay nadadagdagan kapag ang bilang ng mga platelet ay mas mababa kaysa normal na hanay (range).

Ang Pangsala o Pantabing sa Kimika. Ang mga pagsusuring ito ang bumibilang sa iba’t ibang kemikal sa dugo upang mapag-alaman kung maayos ang takbo ng katawan.

Electrolytes. Ang electrolytes ang bumibilang sa antas ng mineral ng katawan, katulad ng sodium, potassium, chlorides at bicarbonates. Ang electrolytes ay tumutukoy sa pagpapantay ng fluid sa mga cells. Kapag may hindi pagkakapantay ang mga ito, maaring mangahulugan na may problema sa puso o sa bato.

Pagsubok sa Kalagayan ng Bato. Ang pinaka-pangkaraniwang pagsusuring ginagamit para sa kalagayan ng bato ay ang creatinine. Ito ay dumi na nagmumula sa pagtunaw ng protina at panghihina ng kalamnan. Ang mataas na bilang nito ay nangangahulugang hindi naisasagawa ng bato ang pagtatanggal ng mga dumi mula sa katawan.

Pagsubok sa Lagay ng Atay. Kasama sa pagsubok sa lagay ng atay ang ilang mga pagsusuri na bumibilang sa iba’t ibang enzymes o protina sa atay, puso at kalamnan. Kasama rin dito ang ALT (alanine aminotransferase o tinatawag na SGPT), AST (aspartate aminotransferase o tinatawag na SGOT), LDH (lactic dehydrogenase), alkaline phosphatase at bilirubin. Ang antas ng mga enzymes na ito ay tumataas kapag may kapansanan ang atay. Ang pangkaraniwang pinagmumulan nito ay pagkasira dahilan sa alcohol, hepatitis, mga gamot o iba pang kagamutan.

Amylase. Ang amylase ay enzyme na nailalabas ng salivary glands at ng pancreas. Kapag mataas ang antas ng amylase, maaring may panganib na magka-pancreatitis o pamamaga ng pancreas. Ito’y maaaring side effect ng mga sumusunod na gamot laban sa HIV ddI (Videx), ddC (Hivid) at d4T (Zerit).

Glucose. Ang glucose ay asukal na nasa dugo. Ang mataas na antas ng glucose ay maaaring dahilan ng diabetes mellitus. Ang impeksiyong HIV o ibang mga gamot laban sa HIV (gaya ng ddI, ddC, d4T at protease inhibitors) ay maaaring maging dahilan ng abnormal na antas ng glucose sa pamamagitan ng pagsira sa pancreas, na siyang pinagmumulan ng insulin na nagkokontrol sa sugar sa dugo, o sa pamamagitan ng pagpapawalang bisa sa insulin (insulin resistance).

Cholesterol at Triglycerides. Ang cholesterol at triglycerides ay iba’t ibang bilang ng taba o lipid na nasa dugo at siyang ginagamit na panukat ng kalagayan ng nutrisyon o ang panganib ng sakit sa puso. Ang hindi wastong antas ng taba sa katawan ay maaaring sanhi ng katagalan ng impeksiyong HIV, gayundin ang pag-inum ng gamot laban dito, lalo na ang protease inhibitors.

May ibang mga pagsusuri na nagbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa kalusugan, kalagayan ng mga organ o bahagi ng katawan, at kaayusan ng sustansiya, gaya ng protina, albumin, calcium, vitamin B12, lagay ng thyroid at free testosterone sa kalalakihan.

Ang mga pagsusuring ito, kasama ng pagbilang ng T-cell (CD4) at viral load, ay nagbibigay ng mas buong larawan ng kalusugan at kalagayan at takbo ng katawan. Ang pagsubaybay sa mga resulta ng mga pagsusuri ay makatutulong sa iyong pagsubaybay sa kalusugan at nang higit na makasali sa pagpapasiya at pagsasagawa ng mga desisyon tungkol sa iyong paggagamot.

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

ni: Loralaine R. 

Sources:

www.acas.org, www.health.wikipilipinas.org

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Sino ang magbabayad sa mga gastusin ng pinauupahang apartment? Ang umuupa ba o ang may-ari?

Philippine driver’s license, maaaring gamitin sa pagmamaneho sa Italya? Kailan ito dapat i-convert?