GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
Ang malaking bituka (large intestine o large bowel) ay isang organ na hugis tubo na kumukumpleto sa proseso ng panunaw. Ito ay may habang 1.5 metro at binubuo ng caecum, appendix, colon at rectum na nakapalibot sa abdominal cavity. Ito ay nakakatulong sa pagsipsip ng tubig at tumutulong sa pagbalanse ng likido sa katawan.
Sa colon nagsisimula mabuo ang dumi ng tao na nagmula sa halo ngfiber, kaunting tubig, bitamina at iba pa na humalo sa mucus at bakterya na matatagpuan sa malaking bituka. Sa pagdaloy ng dumi sa colon, sinisipsip ng lining ngcolon ang tubig at ilang fiber para gumawa ng sarili nitong nutrients upang gumana at tumulong sa pag-aalaga ng cells sa lining ngcolon. Ang paggalaw ng muscles ng colon ay nagreresulta sa pagtulak nito sa dumi hanggang sa mag-contract ang sigmoid colon at mapunta ang dumi sa rectum. Ang rectum ang huling parte ng malaking bituka kung saan naiimbak ang dumi bago ito lumabas bilang bowel motion.
Angpagtitibi (constipation) ay ang pagdumi nang hindi kasing dalas ng karaniwan o mas matagal kaysa sa pagitan ng pagdumi. Ang dumi ay matigas at tuyo, at nagiging napakahirap upang ilabas. Maaari itong mauwi sa pananakit at paglaki ng tiyan. Maaari rin itong magsanhi ng masakit o hindi komportable na pagdumi.
May mga komplikasyon din na maaaring maranasan kung ito ay papabayaan lamang. Kabilang dito ang almuranas, anal fissures, rectal collapsed, fecal impaction at iba pa. Maaari itong magpalala ng sakit sa puso, luslos at hemorrhoids ng mga buntis.
Nangangailangan ng atensiyong medikal o higit pang mga pagsusuri kung nakakaranas ng lagnat na higit sa 38°C; pagkabigong ipagpatuloy ang normal na pagdumi; tumitinding pananakit ng tiyan o likod; pagkaduwal o pagsusuka; pamamaga ng tiyan; dugo sa dumi; panghihina, pagkahilo o pagkahimatay; at hindi inaasahang pagdurugo ng puwerta.
Ang pagtitibi ay maaaring sanhi ng diyetang mababa sa fiber; kakulangan ng tubig sa katawan o hindi umiinom ng sapat na likido; ang hindi pagbanyo kaagad tuwing makaramdam na kailangan mo nang dumumi; kakulangan sa pagkilos (sedentary lifestyle); pwede ring sanhi ito ng ilang gamot, lalo na ang mga gamot sa pananakit; mga gamot na may side effects na pagtitibi tulad ng mga pildoras na Iron, antidepressant, o gamot sa altapresyon; at mga kondisyong medikal tulad ng hypothyroidism, diyabetis, sakit na Parkinson, pelvic dysfunctions, o maging kanser ng malaking bituka, neurologic na sakit, depresyon o stress; pagbubuntis; at mga kababaihang may edad na.
Tumutulong ang isang diyetang mayaman sa fiber upang mapanatili ang regular, malambot na pagdumi. Tulad ng cereals, oat meal at mga tinapay; mga gulay; at mga prutas. Subukan niyo ang apat na prutas na nag-uumpisa sa “P”: pakwan, papaya, peras at prunes (ayon kay Dr. Willie Ong).
Ang pakwan ay may taglay na 92% alkaline water. Mataas ito sa Vitamin A, Vit. B, Vit. C, lycopene at potassium. Ang pagkain ng 2 hiwa ng pakwan sa maghapon ay pwede nang magpalambot ng dumi. May benepisyo rin ang pakwan para sa bibig, sikmura at bituka. Makakatulong ito sa may singaw at mabaho ang hininga. Ang papaya ay napakabisang prutas para sa hindi makarumi. Kumain ng 1 o 2 hiwa ng papaya ay siguradong lalambot ang iyong dumi. Kapag matamis ang papaya ay mas mabisa ito. May sangkap na papain ang papaya, isang enzyme na nakatutulong sa paglambot ng dumi. Mataas din sa Vitamin C ang papaya kaya masustansiya ito. Ang peras ay mayaman sa fiber at sorbitol na makatutulong sa pagdumi. Ang fiber ay nagbibigay ng hugis (o bulk) sa dumi. Ang sorbitol ay nagbibigay ng tamis sa peras at naghahatak ng tubig sa loob ng bituka para lumambot ang dumi. Maaaring makatulong ang 2 hanggat 4 ounces ng katas ng peras sa mga sanggol at bata na hindi makarumi. Ang prunes ay matagal nang lunas para sa pagtitibi. Tulad ng peras, may taglay na fiber, sorbitol at antioxidants ang prunes. Ayon sa mga eksperto, may tulong din ang prunes sa buto at sa pag-iwas sa osteoporosis.
Uminom ng maraming tubigo sapat na likido araw-araw kapag dinadamihan ang fiber na kinakain at para panatilihing maputlang dilaw ang kulay ng iyong ihi. Mag-ehersisyo. Maglakad kahit 30 minuto araw-araw. Huwag maghintay magbanyo kung makaramdam ng kailangan mong dumumi. Maaaring magamot ang pagtitibi ng mga labatiba, suppository, laxative o pampalambot ng dumi.
Bulk laxative, tulad ng mga suplemento ng fiber. Ang sobrang tubig sa bituka ay ginagawang mas malaki, mas malambot, at mas madaling padaanin ang dumi. Lubricant laxative, tulad ng mineral oil, ay pinapanatili ang tubig sa bituka na ginagawang mas malambot at mas madaling padaanin ang dumi. Stimulant laxative, tulad ng milk of magnesia, at iba pang pampurga, ay tinutulungan ang mga kalamnan ng bituka na itulak ang dumi hanggang sa dulo ng bituka.
Magpatingin sa iyong doctor kung hindi bumuti ang mga sintomas sa mga sumusunod na ilang araw. Maaring kailanganin mo ang higit pang mga pagsusuri o referral sa isang espesyalista. Natutukoy ang pagtitibi sa pamamagitan ng: i) Digital examination. Karaniwang ang pagkapa sa loob ng puwit sa pamamagitan ng daliri ang una at pinakasimpleng hakbang na maaaring magbigay ng mga pahiwatig sa kalakip na sanhi ng problema. ii) Colonscopy. Gamit ang instrumentong may kamera, ito ay ipinapasok sa puwit at loob ng malaking bituka (colon) upang matukoy kung may bukol o masa na nagiging sanhi ng pagbabara sa daraanan ng dumi. iii) Barium enema. Isang radiographic study kung saan may pangkulay (dye) ang ipinapasok sa puwitan at ang imahe ng malaking bituka makikita sa x-ray. iv) Colonic transit study. Isinasagawa sa pamamagitan ng paglunok ng pasyente ng radiopaque marker at sumasailalim sa isang x-ray upang makita kung nasaan ang mga marker. Maaaring makita ang mga bahagi ng malaking bituka na may mabagal na pagkilos.
Ang paggamot ay depende sa mga posibleng dahilan na natukoy mula sa mga ginagawang eksaminasyon. Ang operasyon ay maaaring irekomenda kung mayroong problema tulad ng bukol o pagbabara ang bituka na nagiging sanhi ng pagtitibi.
ni: Loralaine R. – FNA-ROME
Sources: www.health.wikipilipinas.org, www.eheandme.com, www.philstar.com, www.uofmmedicalcenter.org, http://colonandrectalspecialists.wordpress.com