Ang piyo o gout ay isang uri ng rayuma. Nangyayari ito kapag ang uric acid ay nabuo sa dugo at nagsasanhi ng pamamaga ng kasukasuan. Ang uric acid ay produkto ng purines na makikita sa maraming pagkain at inumin tulad ng atay, bagoong, mackerel, dried beans, gisantes, serbesa at alak. Ang piyo ay karaniwan para sa mga lalaking may edad na 40 hanggang 50.
Ang acute gout ay masakit na kondisyon na karaniwang nakakaapekto sa isang kasukasuan. Ang chronic gout ay ang paulit-ulit na pananakit at pamamaga sa isa o higit pang mga kasukasuan.
Sa karaniwan, ang uric acid ay kayang mabuwag sa dugo na ipinapasa sa pamamagitan ng bato sa loob ng ihi. Ngunit ang katawan ay gumagawa ng labis-labis na uric acid o kung minsa’y sobrang kaunti ang uric acid na inilalabas ng bato. Kapag nangyari ito, maaaring mabuo ang matulis at tila karayom na urate crystalis sa kasukasuan na sanhi ng sakit, pamamaga at pamumula nito. Gayunpaman, ang eksaktong dahilan ng pagkakaroon ng piyo ay hindi pa kilala.
Palatandaan at sintomas
Ang acute gout ay bigla-biglang nangyayari na malimit ay sa gabi at walang babala. Kabilang sa mga palatandaan at sintomas ay: i) matinding pananakit ng kasukasuan sa loob ng unang 12 hanggang 24 oras pagkatapos na ito ay magsimula. Ang sintomas ay karaniwang nasasangkot ng isa o ilang mga kasukasuan, kabilang ang malaking daliri sa paa (hallux), bukong-bukong, tuhod, kamay at galanggalangan (wrist); ii) biglaang pananakit na madalas ay inilalarawan bilang mabilis o malakas na pagtibok , pagdurog o masakit na masakit na pakiramdam; iii) ang kasukasuan ay lumilitaw na maiinit at mapula at karaniwang malambot; iv) ang pag-atake ay maaaring mawala pagkatapos ng ilang araw ngunit maaari ring magbalik kung minsan; at v) maaaring may lagnat.
Mas malaki ang tsansa na mabuo ang piyo kung may mataas na antas ng uric acid sa katawan. Ilan sa mga kadahilanan ng pagtaas ng uric acid ay ang: i) mga babaeng katatapos lang mag-menopause; ii) mga umiinom ng alak o labis na pag-inom ng alak; iii) mga uminom ng gamot tulad ng hydrochlorothiazide, thiazide diuretics, mababang doses ng aspirin, anti-rejection drugs (mga pang-araw-araw na gamot na iniinom ng mga pasyenteng nagpa-transplant upang maiwasan ang pagtanggi ng organ) at iba pang water pills; at iv) mga may kasaysayan ng sakit na piyo sa pamilya.
Maari ring mabuo ang piyo sa mga taong may karamdaman tulad ng may sakit na diabetes, altapresyon, labis na katabaan, sakit sa bato, hyperlipidemia (mataas na antas ng taba at kolesterol sa dugo), sakit na sickle cell anemia at iba pang anemia, at may arteriosclerosis (pagkitid ng malaking ugat)
Posibleng komplikasyon:
Ang mga pasyenteng may piyo ay maaaring bumuo ng mas malubhang kondisyon tulad ng TOPHI (bukol sa ilalim ng balat sa paligid ng kasukasuan o sa iba pang mga lugar tulad ng daliri sa kamay, paa, siko at Achilles’ tendon). Ang piyo na hindi pa ginagamot ay maaaring magsanhi ng pagdeposito ng urate crystals dahilan upang mabuo ang TOPHI. Ang urate crystals ay maaaring magtipon sa urinary tract ng mga taong may piyo na nagiging sanhi ng Kidney stones. Ang mga pasyenteng may talamak na sakit sa buto ay maaaring magkaroon ng pinsala at tuluyang pagkaparalisa ng mga kasukasuan.
Kabilang sa mga pagsusuri na maaaring gawin ay ang mga sumusunod: i) Joint fluid analysis. Isang paraan upang makita kung mayroong uric acid crystals. ii) Arthrocentesis. Maaaring makatulong na paginhawain ang namamaga at masakit na mga kasukasuan. Dito gumagamit ng sterile needle at syringe upang ubusin ang fluid sa kasukasuan. Kilala rin sa tawag na Joint Aspiration. iii) X-ray. Minsang kapaki-pakinabang sa huling yugto ng sakit na piyo.
Paalala:
Agad na humingi ng medical na pangangalaga kung may lagnat at ang kasukasuan ay mainit at namamaga na maaaring palatandaan ng impeksiyon.
Upang maiwasan ang pag-atake ng sakit na piyo, gawin ang mga sumusunod: uminom ng maraming tubig (mahigit 8 baso araw-araw lalo na kung tag-init); bawasan ang timbang; iwasan ang mga pagkaing nagdudulot ng pagtaas ng uric acid; iwasan ang pag-inom ng alak; uminom ng mga gamot upang mabawasan ang sakit at siguraduhing walang ‘allergy’ sa mga gamot na ito.(ni: Loralaine Ragunjan – Source: http://health.wikipilipinas.org , http://jeepney.dot5hosting.com)
Ang Gabay Kalusugan na aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaari makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan. FNA Rome
Sa mga nais tumulong at sumuporta sa mga programa ng FNA-Rome, o magpa-schedule ng medical outreach pakitawagan lamang si Bb. Nenette Vecinal, FNA Secretary, sa numerong 3295371278 o si Bb. Erle Abalos, FNA Assistant Secretary, sa numerong 3285597506. Maraming salamat po!