Ano ang Tuberculosis, ang sanhi nito at paano ito maiiwasan?
Ang tuberkulosis, MTB, o TB o tuberculosis sa Ingles (dulot ng tubercle bacillus) ay impeksyon sa baga at isang nakakahawang sakit na kadalasan ay nakamamatay. Ang sakit na ito ay dulot ng isang bacteria, ang Mycobacterium tuberculosis, kung saan unti-unti nitong sinisira ang laman ng ating baga, ngunit maaari ring makaapekto sa ibang mga bahagi ng katawan.
Ang sakit na TB ay may dalawang klase. Ang latent at active. Ang latent, ay naimpeksyonan na ang tao ng TB ngunit hindi ito nakakahawa at hindi nakakaranas ng mga sintomas na tulad sa taong aktibo ang TB. Ang active, ang baga ng tao ay apekto at nakararanas ng mga sintomas ng may TB tulad ng paguubo na may kasama ng dugo. Ang mga taong mahina ang immune system ay mabilis mahawaan ng TB. Nakakahawa ang sakit na ito lalo pa kung pumasok sa baga ng isang taong walang sakit ang hanging nagmula sa katawan ng may TB.
Ang sakit na ito ay karaniwang nagsisimula sa ubo ngunit kapag ito ay di gumagaling at lampas mahigit dalawang linggo na, may kasabay na pagsuka ng dugo na kasama sa plema, may kasamang pangangayayat at walang ganang kumain, nilalalagnat lalo na sa bandang hapon o gabi, hirap sa paghinga, sumasakit ang dibdib at madaling mapagod ay kailangang komunsulta agad sa doktor. Kung sakaling ito ay TB nga, mangangailangan ito ng anim na buwang gamutan upang tuluyang magamot ang sakit.
Ang sakit na ito ay maaaring malipat sa iba sa pamamagitan ng tumalsik na laway dahil sa pag-ubo o sa pagbahing ng taong may sakit na TB, o kahit sa simpleng pakikipag-usap lang. Kaya makakabuti na sa tuwing uubo o babahing, kailangang takpan ang bibig o magsuot ng mask para di makahawa. Nirerekomenda rin na patingnan ang mga kamag-anak ng taong may TB para makasigurong hindi sila nahawaan ng sakit.
Ang sakit na TB ay pwedeng malunasan at mapagaling kung ito ay naagapan at kung ang pasyente ay sumunod sa tinakdang gamutan ng doktor. Kung hindi, ang TB ay maaaring kumalat hindi lamang sa baga pati na rin sa ibang parte ng katawan tulad ng mga buto, bituka, at iba pa. Ito ay maaaring mauwi sa komplikasyon.
Karamihan sa mga impeksiyon ay asymptomatic o walang sintomas at hindi aktibo. Ngunit ang halos isa sa sampung hindi aktibong impeksiyon sa kalaunan ay nagiging aktibong sakit. Kung hindi gagamutin ang tuberkulosis, ito ay ikakamatay ng mahigit sa 50% ng mga taong mayroon nito.
Paano maiiwasan magkaroon ng tuberculosis?
1. Huwag manigarilyo.
2. Umiwas din sa usok ng naninigarilyo.
3. Magtakip ng panyo o tissue sa ilong at bibig kung nasa mausok at malikabok na lugar.
4. Kumain ng tama at masusustansiyang pagkain tulad ng prutas at gulay.
5. Mag-take ng mga multivitamins.
6. Iwasan ang sobrang pagpupuyat o night life. Nakakahina kasi ito sa resistensiya ng katawan.
7. Iwasan ang sobrang pag-inom ng alak.
8. Iwasan ang sobrang pagpapagod. Lagyan ng pamunas sa likod kung pawis.
9. Regular na mag-ehersisyo.
10. Magkaroon din ng regular check-up sa doktor.
Isa sa mga paraan para maiwasan ang tuberculosis ay ang pagpapabakuna ng mga sanggol at naaangkop na paggamot ng mga aktibong kaso.
BAKUNA
Simula 2011 ang ginagamit na bakuna ay ang bacillus Calmette–Guérin (BCG). Ang BCG ay mabisa laban sa pagkahawa ng sakit sa bata, ngunit ito ay nagbibigay ng pabagu-bagong proteksiyon laban sa pagkakahawa ng TB sa baga. Gayunpaman, ito ay malawakang ginagamit na bakuna sa buong mundo, na may mahigit sa 90% ng lahat ng mga bata ang nabakunahan. Ang resistensiya ay humihina pagkalipas ng mga sampung taon.
PARAAN NG PAGSUSURI O DIYAGNOSIS:
Sa diyagnosis ng aktibong TB ay ginagamit ang radiology (na karaniwang kilala bilang mga chest X-ray) pati na rin ang mikroskopikong pagsusuri at microbiological ng mga likido ng katawan. Ang diyagnosis ng hindi aktibong TB ay umaasa sa tuberculin na pagsuri sa balat (tuberculin skin test o TST) at mga pagsusuri sa dugo.
PARAAN NG PAGGAMOT
Maaaring magamot o gumaling ang TB kung ang taong may sakit nito ay regular na iinom ng gamot.
May kahirapan at nangangailangan ng maraming antibyotiko sa mahabang panahon.
Ang mga nakakasalamuha ng maysakit ay sinusuri at ginagamot rin kung kinakailangan. Ang paglaban sa antibyotiko ay patuloy na lumalaking problema sa tuberkulosis na hindi tinatablan ng maraming gamot (multiple drug-resistant tuberculosis o MDR-TB) na mga impeksiyon.
ni: Mona Liza Dadis
Wikihealth, Med Online Plus, Ritemed,Wikipedia, Kalusugan.ph