in

Mga dapat malaman ukol sa Shabu at ang epekto nito sa katawan ng tao

Ating kilalanin at alamin ang mga epekto ng shabu sa buhay ng tao. Sapat na dahilan upang hindi ito ay kalulungan!

Nitong mga nakaraang araw ay palaging laman ng mga pahayagan ang Filipino community sa Italya dahil sa pagkakasangkot sa ipinagbabawal na gamot o shabu. Ito ay halos ang nangungunang krimen sa kasalukuyan na sanhi ng pagkaka-aresto sa mga Pilipino at samakatwid, ay marahil na maging dahilan ng pagkakasira sa pangalang iningatan ng mga Pilipinong nauna nang nanirahan at nag-trabaho sa bansa. Huwag nating hayaang masira ang ating imahe at lalong higit huwag nating hayaang mapasok at masira nito ang ating mga pamilya, mga anak at ang mga kabataan.

Ating kilalanin at alamin ang pangmatagalang epekto ng shabu sa buhay ng tao. Sapat na dahilan upang hindi ito ay kalulungan!

Ang shabu ay itinuturing na pinaka-sikat na uri ng bawal na gamot sa Pilipinas. Ayon sa pinakabagong ulat ng United Nations, ang Pilipinas kasama na ang Burma and China – ay ang mga bansang itinuturing na pinagmumulan ng methamphetamine hydrochloride (shabu) sa nakalipas na mga dekada.

Ang karaniwang anyo ng shabu ay kulay puting pulbos na tila pinong asin o tawas. Ito ay ginagamit sa pamamagitan ng paghithit sa usok nito na para bang naninigarilyo. Pero ang ilan, sinisinghot nila ang mismong pulbos o tinutunaw sa tubig para inumin.

Ang shabu ay nakaka “high” dahil pinapakawalan nito ang Dopamine sa utak ng tao. Ang Dopamine ay syang umaaksyon sa iba’t ibang bahagi ng utak at ng katawan ng tao na siyang dahilan ng “high” na tinatawag. Ang epekto nito ay nagtatagal sa katawan ng user mula 6 hanggang 18 oras. Ang shabu, habang patuloy na ginagamit ay mas dumarami ang shabung hinihingi ng katawan para malango sa drogang ito.

Mapaminsala ang paggamit ng shabu. Narito ang ilan sa mga epekto ng paggamit nito:

  • Ito ay lubhang nakaka-adik;
  • Pagkabalisa, tensyon, pagiging magagalitin at kahinaang mag-isip
  • Pagkawala ng gana sa pagkain
  • Kahirapan sa pagtulog
  • Panandaliang napakasayang pakiramdam
  • Pagbabago-bago ng mood at pagiging nakakabigla ng mga pag-uugali
  • Biglaang pagbaba ng timbang, pagkabulok at pagkasira ng ngipin
  • Nakakasira ng isip
  • Unti-unting pagbagsak ng pangangatawan
  • Maagang kamatayan
  • Nag-uudyok na maging bayolente ang isang tao
  • Nakapagpapabilis ng pagtibok ng puso at nagpapalakas ng presyon ng dugo, na pwedeng pagmulan ng stroke at kamatayan
  • Nagpapataas ng kombulsyon, problema sa paghinga, hindi normal na pintig ng puso, at matinding anorexia.

Pangmatagalang epekto ng shabu sa buhay ng isang tao

Ang adiksyon ang pinaka masamang epekto ng paggamit ng shabu sa buhay ng isang tao. Ito ay ang pabalik-balik na sakit, na kung saan, pilit na hinahanap hanap ng isang adik ang droga. Ito ay isang sakit dahil kasangkot dito ang utak at katawan ng isang tao.

Ang kaligayahan na dala ng paggamit ng shabu ay unti-unting humihina sa katagalan ng paggamit. Kaya naman, ang mga taong lulong dito ay nangangailangan ng karagdagang doses o kaya naman ay nangangailangan ng maya’t mayang paggamit para makuha ang inaasam na sarap. Ang mga taong lulong sa shabu ay malamang na nahihirapang makaranas ng iba pang uri ng sarap o kaligayahan maliban na lamang kung ito ay galing sa paggamit ng droga, kaya para bang mas umaabuso ang isa sa paggamit ng shabu habang tumatagal.

Nararanasan ang tinatawag ng mga dalubhasa na withdrawal syndrome, o isang uri ng sakit na kung saan, nahihirapan ang katawan na mag-adjust sa pagkawala ng droga sa sistema. Ang kasama sa mga sintomas ng withdrawal ay ang dipresyon, kabalisahan, pagkahapo, at matinding pagnanasa na makagamit ng shabu.

Karagdagan sa adiksyon, ang mga taong matagal nang gumagamit ng shabu at adik na dito ay pinahihirapan ng mga sintomas na tulad ng dipresyon, kabalisahan, matinding pagkalito, di-makatulog o insomnia, pagbabago-bago ng mood at bayolenteng pag-uugali. Ang mga adik sa shabu ay maaari ring kakitaan ng ilang sintomas na tulad ng sa baliw, tulad ng paranoia, nakaririnig at nakakakita ng mga bagay na hindi naman talaga totoong nagaganap at dilusyon. Ang ganitong mga sintomas ay maaaring magtagal ng ilang buwan o taon kahit na huminto na ang isang tao sa paggamit ng shabu. Ang stress na dala ng adiksyon dito ay sinasabing pabalik-balik sa mga taong dating gumamit ng shabu.

Karagdagan sa epekto nito sa utak, ang paggamit ng shabu ay maaaring dahilan ng mga pagbabago sa pisikal. Kasama dito ang biglaang pagbagsak ng timbang, malalang pagkabulok ng ngipin o pagkawala nito at mga paltos sa balat. Ang problema sa bibig ay maaaring dulot ng kawalan ng tamang nutrisyon at tamang kalinisan sa bibig at pagkatuyo ng bibig na dulot ng droga. Ang sakit sa balat tulad ng pamamaltos ay dulot ng pagkamot para mapaalis ang mga insektong sa totoo ay hindi naman talaga umiiral.

Sa pangkalahatan, ang mga sumusunod ay ang pangmatagalang epekto ng shabu sa sinumang gagamit nito:

  • Adiksyon
  • Pagkabaliw
  • Pagiging tuliro
  • Halusinasyon
  • Pagkawala ng kontrol sa paggalaw
  • Pagbabago sa itsura ng utak
  • Kakapusan sa kakayahang mag-isip ng maayos
  • Mabilis madistorbo
  • Paghina ng memorya
  • Matinding sakit sa bibig
  • Mabilis na pagbagsak ng timbang
  • Pagkalagas ng buhok
  • Pagde-deform ng hitsura ng mukha

Bukod dito, maaari rin itong magbigay ng sensasyon ng pagpapakamatay o ang nais pumatay ng tao.

Tinatawag na methampetamine toxicity ang nao-overdose dito.

 

Basahin rin:

Paalala ukol sa Kampanya laban sa Ilegal na Droga, inilabas ng PE Rome

Isyu ng paglaganap ng droga sa North Italy, haharapin ng AGAD

Dalawang Pinoy, arestado dahil sa shabu

9 na Pinoy sa Roma, arestado dahil sa shabu

Click to rate this post!
[Total: 4 Average: 3.8]

Salvini kakasuhan!

regularization-2020

Decreto Salvini, nalalapit na!