Ang pagtatanggal sa trabaho o lay off
Ang pagtatanggal sa trabaho ay itinuturing na lehitimo lamang kung may mga kalagayan tulad ng:
“tamang sanhi ” (giusta causa) o “tanggap na sanhi” (giustificato motivo). Isang mabigat na dahilan o malubhang motibo ukol sa pag-uugali ng trabahador.
Ang “tamang sanhi ng pagtanggal sa trabaho” o “giusta causa”
Ang tamang sanhi ng pagtatanggal sa manggagawa ay ang pag-uugali mismo ng trabahador na nagiging dahilan ng hindi pagpapatuloy, kahit pansamantala, ng pananatili sa trabaho. Ito ay maaaring isang malubhang paglabag ng mga empleyado na nagtatanggal ng tiwala ng employer. Maaaring dahilan ng tamang sanhi ng pagkakatanggal sa trabaho ay ang walang katwirang pagliban sa trabaho, ang mga insulto at banta laban sa amo o mga kasamahan, ang krimen sa pagganap ng gawain (hal. isang pagnanakaw) o pagkakasala na, kahit na naganap sa labas ng trabaho ay nagiging sanhi ng pagkawala ng tiwala sa pagitan ng empleyado at employer. Ang tamang sanhi ng pagtatanggal sa trabaho ay nagbibigay-daan sa pagpapaalis ng mga empleyado, nang walang paunang abiso.
Ang “tanggap na sanhi ng pagtanggal sa trabaho” o ang “giustificato motivo”
Ang pagpapaalis sa trabaho para sa isang tanggap na sanhi ay maaaring subjective o objective.
Ang ibig sabihin ng subjective ay ang paglabag sa nilalaman ng kontrata ng manggagawa, ngunit ito ay hindi mabigat na sanhi upang hindi maging dahilan ng pagpapaalis at samakatuwid, ang mga employer ay obligadong magbigay ng abiso. Maaring maging sanhi lamang para sa pagpapaalis ang mga kasong subjective tulad ng hindi sapat na resulta ng trabaho ng manggagawa, kung ang isang empleyado ay nagkasala sa pag-uugali, o paglabag sa tungkuling ng pangangalaga, pagkamasunurin at katapatan sa bawa’t dapat sundin bilang mga trabahador.
Ang ibig namang sabihin ng objective ay ang aksyon mula sa employer na tanggalin sa trabaho o ang tanggalin mula sa pwesto o department ang empleyado dahil sa account ng productivity, sa organisasyon ng trabaho at sa hindi maayos na pamamalakad nito. Sa ganitong mga kaso ang employer ay obligadong magbigay ng abiso (o magbayad ng kaukulang multa kapalit nito) sa mga empleyado.
Sa ilang mga kaso, gayunpaman, ang mga employer ay maaaring tanggalin ang mga manggagawa ng walang wastong dahilan o tamang sanhi. Ito ay ang tinatawag na “ad nutum”. Ito ay maaari sa mga colf, manggagawa na may edad na labis sa 65 anyos o maaaring umabot na sa edad ng pagreretiro, para sa mga propesyonal na ATLETA, para sa mga apprentices at manggagawa nasa ilalim pa lamang ng test o proba. Sa mga kasong ito, ang employer ay obligado na magbigay ng abiso. Sa pagpapaalis ng walang abiso, ang employer ay dapat magbayad ng isang compensation o kaukulang multa sa empleyado.
Ang employer, kapag nais na mag- terminate ng empleyado, ay dapat sundin ang mga pamamaraan upang mapangangalagaan ang posibilidad ng manggagawa na tanggihan ang pagpapaalis. Ang mga employer ay nagbibigay ng kasulatan bilang abiso ng pagtatanggal sa trabaho.
Ang uri ng pagpapaalis sa trabaho
Ang wastong pagpapaalis sa trabaho ay ang pagbibigay sa empleyado ng abiso sa pamamagitan ng isang sulat o liham. Ang berbal na pagpapaalis ay walang anumang halaga. Kung ang employer ay nagtanggal sa trabaho at ito ay berbal lamang, ang manggagawa ay dapat na pumasok pa rin at magtrabaho upang maiwasan itong maging sanhi ng tuluyang pagpapaalis. Ang mga dahilan ng pagpapaalis ay maaaring hindi ibigay agad ng employer, ngunit kung hinihingi ito ng empleyado, ang employer ay maaring ibigay ang mga dahilan sa pamamgitan ng isang sulat o liham.
Ang employer ay dapat magbigay ng abiso sa panahon at sa paraang nakasaad sa kontrata. Ang panahon ng abiso ay magsisimula mula sa petsa ng pagtanggap ng abiso ng pagpapaalis at sa panahong ito ay hindi maaaring ibilang ang araw ng bakasyon. Sa kawalan ng abiso, ang employer ay dapat magbayad ng isang kabayaran sa pinsala katumbas ng halaga ng suweldo sa panahon ng dapat ibigay ang abiso. Ang abiso, gayunpaman, ay maaaring hindi ibigay sa mga kaso ng pagpapaalis na may tamang sanhi o “giusta causa”.
Reklamo sa pagpapaalis o pagtatanggal sa trabaho
Kung para sa empleyado ay hindi makatarungan ang pagpapaalis ay maaaring tutulan ito sa loob ng 60 araw ng abiso o ng komunikasyon ng mga dahilan ng pagtanggal sa trabahp, (kung ito ay ipinadala matapos ang abiso). Ang reklamo ay dapat na gawin sa pamamagitan ng isang sulat. Nararapat na gumamit ng mga ebidensya upang maipakita na tunay na natanggap ang sulat, maaaring sa pamamagitan ng registered mail with return card. Matapos ang apila sa abiso ng pagpapaalis, ang empleyado ay may 270 na araw simula sa pagkakatanggap ng sulat ng employer upang pumili sa pagitan ng isang pagkikipag-kasundo sa employer (o magkaroon ng kasunduan) o ang pagtatanghal ng isang aksyon sa hukuman. Kung ang empleyado ay magpasiya para sa isang pakikipag-kasundo na hindi hahantong sa isang kasunduan, ang empleyado ay maaari pa ring lumapit sa hukom ng trabaho (Giudice del lavoro). Sa kasong ito ang deadline sa pagpa-file ng apila ay 60 araw matapos ang nabigong pagtatangka ng pakikipagkasundo. Sa kasong di-makatarun ang pagpapaalis ay palaging ipinapayo ang agad na makipag-ugnayan sa isang abogadong eksperto sa mga karapatan sa trabaho.