Abril 13, 2013 – Ang Overseas Voting para sa 2013 National and Local Elections ay nakatakda sa April 13 hanggang May 13.
Batay na naunang ipinahagay, ang Embahada ng Pilipinas ay sumusunod sa pamamaraang Postal Voting, kung saan ang electoral mails na nagtataglay ng mga official ballots at ilang gamit sa pagboto ay ipinapadala sa tirahan ng botante sa pamamagitan ng koreo, ang Embahada ng Pilipinas ay naglabas ng maigsing gabay para sa mga Overseas Absentee Voters.
Matapos matanggap ang Electoral Mails, ay dapat sundin ang sumusunod na paraan sa pagboto:
1. Isulat ang mga pangalan ng mga kandidato (12 Senador) at ang pangalan, o acronym ng sectoral na partido/samahan o koalisyon na kalahok sa Party-List System (1) sa inyong balota;
2. Ilagay ang inyong right thumbmark sa Ballot Coupon na matatagpuan sa ibabang bahagi ng inyong balota;
3. Baklasin ang Ballot Coupon at ilagay ito sa loob ng Ballot Envelope;
4. Itiklop ang inyong balota sa paraang ang mga nilalaman nito ay hindi makikita at i-seal ito na gamit ang Paper Seal;
5. Ilagay ang inyong balota sa loob ng Ballot Envelope at i-seal ito;
6. Isulat ang inyong pangalan at lagda sa itaas na kaliwang sulok ng Ballot Envelope;
Ang Ballot Envelope na walang lagda ng botante ay magiging Invalid Ballot.
7. Ibalik ang selyadong Ballot Envelope sa Philippine Embassy Rome o sa pamamagitan ng mail bago ang May 13, 2013. Dapat matanggap ang balota sa o bago ang 01:00 o'clock nga hapon dito sa Italya, ng 13 Mayo 2013.
Tandaan na kapag ipadadala sa mail ang balota, lagyan ito ng stamp o selyo at dapat maihulog sa Poste Italiane bago ang May 10, 2013 upang umabot ito sa Philippine Embassy Rome ng 01:00 ng hapon dito sa Italya, ng 13 May 2013.
Samantala, narito rin ang munting paalala sa ating mga kababayan na kasalukuyang nababahala sa kanilang estado at nangangambang hindi makaboto.
Mangyaring tiyakin na ang inyong pangalan ay nakatala bilang certified overseas voters. Upang masuri ito, mag-log on lamang sa website ng Comelec:
http://www.comelec.gov.ph/oav/?r=tpl/find_registration_-_individual_search
Kung sakaling hindi matagpuan ang inyong pangalan, at natatandaan ang pagpaparehgistro sa nakaraan, mangyaring hanapin lamang sa panibagong talaan o listahan na nagtataglay ng mga rehistradong ofws na hindi bumoto sa huling dalawang nakaraang eleksyon. Ngunit hindi dapat mag-alala dahil sa pamamagitan ng Resolution 9653 noong Marso 5, 2013 ay makakaboto ang mga rehistradong ofws na hindi bumoto sa nakaraang 2007 at 2010 elections.
Kung sakaling sa ikalawang listahan ay matatagpuan ang inyong pangalan ay walang ibang dapat gawin kundi ang magtungo sa Philippine Embassy sa Roma o sa Philippine Consulate General sa Milan (kung saan rehistrado), upang personal na ipahayag ang ‘intent to vote’ at pirmahan ang blank OAVF no. 2A.