Matapos ang conversion ng aking driver’s license sa italian driver’s license ay nais kong malaman ang ukol sa ‘patente a punti’. Ano po ba ito? At kung sakaling maubos ito dahil sa aking violations, paano po muling magkakaroon ng mga ‘punti’?
Simula 2003, ay ipinatutupad sa Italya ang tinatawag na ‘patente a punti’. Ito ay ang merit/demerit system at nangangahulugan na anumang paglabag sa Highway Code ay nagdudulot ng kabawasan ng mga puntos at karagdagang puntos naman kung walang anumang paglabag.
Sa pagi-isyu ng lisensya ay awtomatikong mayroong dalawampung (20) puntos ito. Ngunit sa paglabag sa ilang probisyon na nasasaad sa talaan 14 ng artikulo 126bis ng highway code o sa probisyon na dahilan ng suspensyon ng lisensya, ang puntos ay nababawasn mula isa (1) hanggang sampung (10) puntos.
Samantala, kung ang lisensya ay mayroong 20 puntos at sa susunod na dalawang taon ay walang anumang paglabag sa highway code ay bibigyan ng dalawang (2) puntos bilang kredito. Ang kredito ay maaaring matanggap hanggang maximum ng sampung (10) puntos at maaring matanggap tuwing dalawang taon.
Paano malalaman ang aktwal na bilang ng puntos sa lisensya?
Ang italian driver’s license holder ay maaaring kontrolin ang katayuan ng sariling lisensya online sa pamamagitan ng website ilportaledellautomobilista.it. Ito ay ang portal ng Ministry of Transportation na inilaan sa mga mobilista upang malaman ang kanilang mga puntos. Kinakailangan lamang ang mag-register muna sa nabanggit na website.
Maaari ring tumawag mula landline sa 848782782, sa pamamagitan ng pagbibigay ng date of birth at plate number ng sasakyan. Ipinapaalala na ito ay hindi isang toll free number.
Matapos ang anumang paglabag sa highway code, isang notification ang matatanggap kung saan makikita kung anong uri ng violation at ilang puntos ang tinaggal sa lisensya.
Kung ang lisensya ay nabawasan ng mga puntos ngunit hindi tuluyang naubos ang mga ito, ay maaaring mabawi ang nabawas na puntos kung sa susunod na dalawang (2) taon ay hindi muling lalabag sa highway code.
Kung ang mga puntos ay tuluyang mauubos, ang driver ay kailangan muling sumailalim sa pagsusulit. Kung hindi gagawin ang pagsusulit sa loob ng 30 araw mula sa araw na natanggap ang notification mula sa Ufficio per il Dipartimento dei Trasporti Terrestri, ay masususpinde ang lisensya.
Naglaan din ang batas ng mga kundisyon upang maibalik ang mga puntos kung sakaling ang mga ito ay tuluyang mauubos dahil sa maraming paglabag. Ito ay sa pamamagitan ng mga partikular ng kurso sa mga driving school o autoscuole at ibang authorized offices.
Ang mga holders ng patente A at B, sa pag-attend ng refresher course ng 12 hrs sa loob ng 2 linggong magkasunod ay makakabawi ng 6 na puntos
Samantala, ang mga professional drivers na mayroong patente C, C+E, D, D+E, sa pag-attend ng refresher course ng 18 oras sa loob ng 4 na linggong sunod-sunod ay maaaring makabawi hanggang 9 na puntos.
Sa pagtatapos ng mga kurso ay ibibigay ang isang sertipiko sa dalawang kopya, ang isa ay ipapadala sa Department of Land Transport para sa updates ng mga puntos.