Ang Batas blg. 76/2016 ng 20/05/2016 o ang tinatawag na batas Cirinnà, bukod sa kumikilala sa pagsasama ng mga homosexuals ay ang nagbibigay regulasyon sa tinatawag na ‘convivenza di fatto’ o de facto relationships. Ito ay tumutukoy sa pagsasama o pagli-live in ng mga couples – parehong homosexual at heterosexual – na ‘tila’ nagbubuklod ng isang tunay na kasal.
Ang artikulo 1, talata 36 ng parehong batas ay tinutukoy ang ‘convivenza di fatto’ bilang dalawang tao na nasa tamang gulang, na nagsasama at nagmamahalan bilang mag-asawa at nagtutulungan morally at materially, ngunit hindi nabubuklod ng kasal o kahit civil union.
Paano nagiging opisyal ang de facto relationships
Ayon sa ulat ng Info Immigrazione, ang convivenza di fatto o de facto relationships ay nagiging opisyal sa pamamagitan ng isang partikular na deklarasyon sa Ufficio Anagrafe ng Comune kung saan naninirahan.
Ang deklarasyong ito ay kailangang lagdaan sa harap ng opisyal ng anagrafe.
Sa ganitong paraan ay posibleng magkaroon ng Stato di Famiglia na magpapatunay ng pagsasama o paninirahang magkasama. Ang dichiarazione anagrafica ay isang pagpapatunay ng pagsasama, ayon sa Batas Cirinnà.
Ngunit tandaan na ang isang undocumented na dayuhan ay hindi maaaring lumagda sa nabanggit na deklarasyon sa Anagrafe.
Para opisyal na mapatunayan ang pagsasama, ng isang undocumented at isang Italyano (o isang regular na dayuhan) ay sa pamamagitan ng isang abogado, na sa presensya ng de facto couple, ay gagawin ang kasunduan o patto di convivenza. Sa pamamagitan ng kasunduang nabanggit, na itinakda alinsunod sa talata 50 at pagsunod sa batas n. 76/2016, ang dayuhan ay maaaring magparehistro sa Anagrafe kahit walang permesso di soggiorno.
Mga dokumentong kinakailangan para sa contratto di convivenza
- pasaporte ng dayuhan;
- balidong dokumento ng Italyano (o regular na dayuhan);
- may Comune na posibleng humingi ng “Nulla osta” o ang dokumentong magpapatunya sa civil status ng dayuhan. Ito ay maaaring hingin sa Embahada / Konsulado sa Italya ng dayuhan.
Kung ang proseso ay maging positibo at ang contratto di convivenza ay regular na i-transcribe sa Comune kung saan naninirahan ang partner, ang permesso di soggiorno per convivenza/coppie di fatto ay iisyu ng Questura.
Paano magkakaroon ng permesso di soggiorno ang dayuhan?
Kinikilala ng batas ang karapatan ng paninirahan sa mga EU Member States ng mga de facto relationships, kasama ang isang partner na Italyano, alinsunod sa artikulo 3 ng Batas no. 30/2007.
Bukod dito, ayon sa mga Korte ng Italya, ang mga tanging requirement para sa pagkilala sa coesione familiare, batay sa Artikulo 3 talata 2 liham. b) at 7 talata 2 ng Batas n. 30/2007, ay ang mga:
- pagkakaroon ng opisyal na dokumentasyon na nagpapatunay ng sapat na mapagkukunang pinansyal;
- pagkakaroon ng angkop na tahanan,
- pagkakaroon ng isang kasunduan ng pagsasama o contratto di convivenza na nilagdaan sa harap ng abogado bilang isang pampublikong opisyal.
Samakatwid, lahat ng mga de facto couples o coppie di fatto na tunay nanagsasama, mayroon o wala mang regular na permesso di soggiorno ay maaaring mag-aplay ng permesso di soggiorno per motivi familiari. Ito ay dahil ang mga nabanggit ay itinuturing din na isang pamilya at may karapatang ipagkaloob sa kanila ang karapatang magkasama-sama.
Ang nabanggit na permesso di soggiorno ay balido ng 2 taon at renewable. Bukod dito, ay may karapatan ding magkaroon ng carta di soggiorno per familiare di cittadino dell’Unione na balido ng 5 taon (kung naturalized Italian o Italian ang partner) .
TANDAAN: Kahit sa pagkakaroon ng contratto di convivenza, ang Comune ay posibleng hindi magpatuloy sa pagtatala sa Anagrafe o ang Questura ay posible ring hindi mag-isyu ng permesso di soggiorno. Kadalasan ay kinakailangang mag-apela sa awtoridad na, sa bisa ng kasunduan, ay magpapasya kung kilalanin o hindi ang pagiging regular ng dayuhan sa bansa.