Ang mga non-Europeans na ‘undocumented’ o hindi regular sa mga alituntunin ng pagpasok at pananatili sa bansa at walang permit to stay o permesso di soggiorno ay may karapatan sa pangangalagang pang-kalusugan at malapatan ng lunas na kinakailangan. Sila ay maaaring mabigyan ng tinatawag na STP o Straniero Temporaneamente Presente. Ang mga Europeans naman ay maaaring bigyan ng ENI o Europeo Non Iscritto.
Ang STP ay literal na nangangahulugan na dayuhang pansamantalang nasa bansang Italya. Ngunit ito ay ang health code na ibinibigay sa mga undocumented sa Italya para matanggap ang mga serbisyong pang-kalusugan. Ito ay isang code na binubuo ng 16 digits: ang unang tatlong letra ay tumutukoy sa STP, ang sumunod na tatlong numero ay ang ISTAT identifier code, ang sumunod na 3 naman ay ang code ng Asl na nag-isyu ng STP at ang sumunod na 7 numero ay nakatalaga naman sa bilang na iniisyung code.
Ang STP code ay kinikilala sa buong bansa at kumakatawan sa nagmamay-ari nito para sa lahat ng uri medical check-ups, emergencies sa mga ospital, sa mga pangunahin at follow-up check-ups para sa sakit at karamdaman sa pampublikong pasilidad o authorized private clinic man.Ito rin ang ginagamit sa pagbibigay ng mga kinakailangang riseta.
Sa pamamagitan ng STP na ipinagkakaloob sa alinmang tanggapan ng ASL o ospital gamit ang angkop na form ay balido ng anim na buwan at renewable.
Ginagarantiya din ng STP ang maayos na pagbubuntis ng mga kababaihan, ang kalusugan ng sanggol at ang mga bakuna nito. Sakop din ng STP ang prebensyon at paggamot sa mga drug addict.
Upang magkaroon ng STP ay kinakailangang ihayag ang mga personal datas, o sa pamamagitan ng pasaporte. Maaaring magkaroon ng maliit na kabayaran o ang pagbabayad ng ticket sa mga serbisyo, ayon sa deklarasyon na ginagawa sa paghingi ng STP code. Ito ay nasasaad sa application form kung saan matatagpuang nakalakip din ang Circular n. 5/2000 ng 24/03/2000.
Sa panahon ng pandemya, ang STP code ang magpapahintulot sa mga walang permesso di soggiorno ang mabakunahan kontra Covid19 sa Italya.
Ipinapaalala na walang anumang pagrereport sa awtoridad ng dayuhang undocumented. (PGA)