Ang sinumang nagpa-planong magbakasyon sa Pilipinas sa nalalapit na Pasko ay pinapayuhang silipin muna ang sitwasyon ng sariling permit to stay. Narito ang mahahalagang tips.
Ang mga Pilipino na balido ang permit to stay o EC long term residence permit (dating carta di soggiorno) ay panatag na makaka-pagbakasyon sa Pilipinas at makakapiling ang mga mahal sa buhay sa pagdiriwang ng Pasko. Sila ay makakabalik din sa Italya nang walang anumang alalahanin. Siguraduhing dala lamang ang orihinal na permit to stay.
Maaari ring mag bakasyon ng hindi nangangailangan ng entry visa sa Schengen countries tulad ng Belgium, France, Germany, Luxembourg, Netherlands, Portugal, Spain, Austria, Greece, Denmark, Finland, Sweden, Iceland, Norway, Slovenia, Estonia, Latvia, Lithuania; Poland, Czech Republic, Slovakia, Hungary, Malta, Switzerland, Liechtenstein.
Samantala kung non-Schengen country naman ang napili, ay dapat alamin kung batay sa international agreement ng bansang Pilipinas ay kinakailangan ito o hindi. Halimbawa, sa mga nagnanais bisitahin ang mga bansang hindi sakop ng Schengen tulad ng Great Britain, ay kakailanganin ng entry visa o transit visa.
Para naman sa mga naghihintay ng renewal ng permit to stay ay maaaring magbiyahe mula Italya at Pilipinas lamang. Ang paglabas at pagbalik sa bansang Italya ay hindi dapat magkaroon ng kahit stop-over sa anumang bansa ng Schengen. Kailangang dala ang pasaporte, ang expired na permit to stay at ang postal receipt na tinatawag na cedolino o tagliandino na hihingin sa immigration.
Gayunpaman, ipinapayo na siguraduhing lakip sa postal kit ang lahat ng mga kinakailangang dokumentasyon at requirements ng renewal. Ugaliing alamin rin ang status ng renewal sa pamamagitan ng mga official website o anumang updates o komunikasyon mula sa awtoridad bago tuluyang magbakasyon sa Pilipinas.
Ipinapayo rin na ugaliing magdala ng kopya ng mga dokumento na ipinadala sa Questura upang maipakita ang patunay ng dahilan ng pananatili sa bansa, sa paglabas ng Italya
Samantala, ang mga naghihintay ng first issuance ng permit to stay para sa subordinate job, gayun din ang para sa self-employment at para sa family reason, ay maaaring magbakasyon sa anumang bansa sa Schengen kung ang entry visa ay “Schengen uniforme” at nananatiling balido sa panahon ng pagbabakasyon at muling pagbalik sa Italya.
.