Ginanap kahapon ang prayer rally at banal na misa sa Our Lady of Guadalupe Parish sa Monte Mario alay sa kaluluwa ni Lola Doring.
Roma, Marso 30, 2012 – Sa pangunguna ng mga naulila ni Lola Doring at ilang leaders ng komunidad ay ginanap ang sana’y paggunita lamang sa ika-isang buwang pagkawala ni Lola Doring ngunit isang balita kahapon ng umaga ang nakagitla sa karamihan ng dumalo sa prayer rally, ang natagpuang bangkay ni Lola Doring sa isang napabayaang parko sa Monte Mario.
Ayon sa mga report, gabi ng araw ng Miyerkules ng makatanggap ng isang tawag buhat sa mga awtoridad ang anak na si Gina Marasigan sa natagpuang bangkay sa Parco dell’Insugherata, di kalayuan sa kanilang tinitirahan, na hinihinalang ang kanyang ina. Ang kahol diumano ng isang aso ang nakatawag pansin sa nagmamay-ari nito at nagtulak upang sundan ang aso. Sa kasamaang-palad ay isang bangkay ang natagpuan.
“Nakilala namin na si Nanay ang bangkay dahil sa hikaw at singsing na ibinigay ng pulis”, malungkot na kwento ng mga naulila sa Akoaypilipino.eu.
Higit sa isang daang katao ang nagtipon-tipon sa pagdarasal ng rosaryo, mga Filipino at mga Italyano, may dalang kandilang puti at mga lobong dilaw ang samang-samang nagtungo sa lugar kung saan mismo natagpuan ang bangkay. Panalangin sa katahimikan ng kaluluwa gayun din para sa katotohanan at katarungan.
“Isang 85 anyos, Italyano ang natagpuang bangkay na rin sa Parco dell’Insugherata matapos ang 40 araw ng pagkawala nito noong nakaraang Setyembre 2011”, paalala ng Konsehal ng Munisipyo Mauro Gallucci at responsabile sa grupo ng protezione civile, sa mga dumalo ng pagtitipon. “Katarungan, dahil kung ang parko ay nasa maayos na kundisyon, anuman ang naging dahilan ng pagkamatay ng dalawang grandparents (na sinusuri ng awtoridad), ay maaaring mayroong nakakita at nasagip ang dalawang matanda sa isang napakalungkot na kamatayan”, pagtatapos pa ng Konsehal.
“Lalo nating mahalin ang ating mga mahal sa buhay habang kasama pa natin sila”, paalala ni Father Elijio Suico sa kanyang homiliya sa pagdiriwang ng banal na misa matapos ang prayer rally. Pagdiriwang na dinaluhan ng higit na katao at nakapuno sa Our Lady of Guadalupe Church.
“Hiling po naming na samahan nyo kami sa panalangin upang malaman ang katotohanan at mangingibabaw ang katarungan”, pagtatapos ng mga naulila sa kanilang pasasalamat sa mga tumulong mula sa paghahanap hanggang sa mga nakiramay.