in

ANG PAGDALAW NG CARITAS ITALIA SA LEMERY BATANGAS

Rome – Ginanap sa Maynila, mula 16 hanggang 20 Enero, ang ika-apat na study tour ng Dossier Statistico Immigrazione Caritas/Migrantes upang suriin ang tema ‘Migrasyon: Asya-Italya’. Ang mga unang edisyon ng nasabing pag-aaral ay ginanap sa Europa (Romania, Polonia, Hungary, Ukrania at France) Latin America (Buenos Aires) at Africa (Capo Verde).

Ang central at regional editor ng Dossier, sa pangunguna ni Mons. Enrico Feroci, ang head ng Caritas Diocese of Rome, mga miyembro ng Presidential Committe ng Dossier, kasama ang isang grupo ng mga imigrante (Filipino at mga Pakistan), kasama ang Konsehal ng mga Imigrante sa Roma upang harapin ang mga usapin ukol sa remittances at entrepreneurship. Kabilang din ang Confederazione Nazionale dell’Artigiana e della Piccola e Media Impresa (CNA) para sa mahahalagang tema ng pag-iipon at pagpupundar bilang paghahanda sa muling pag-uwi sa Inang bayan.

altNakapaloob sa limang araw na programa ng study tour ng Caritas ang pagdalaw sa Lemery Batangas . Layunin nito ang makapanayam ang dalawang grupo ng mga taga Lemery. Una ay ang grupo ng mga kabataang naghihintay ng approval ng kanilang petition papers. Nais malaman ng mga researchers kung mayroon at anu-ano ang mga paghahanda upang maging ganap na mabilis ang integrasyon sa bansang Italya. Ang ikalawang grupo naman ay ang mga ofws na umuwi na ng bansa upang doon ay mamahinga at mag-retire. Buhat sa kanila ay nais malaman ng mga researchers kung naging sapat ang ipon nila sa pagbabalik-bayan at kung naging possible ang magkaroon ng investment o gawaing pangkabuhayan sa kanilang pagbabalik.

Walang masabi ang mga Italian researchers sa pamumuno ni Mons. Feroci at ni Dr. Franco Pittau ng makita nila ang police escorts na naghihintay sa tourist bus na sumalubong sa buong grupo, na binubuo ng 26 katao.
Sa luntiang mga bundok ng Batangas ay mabilis na tinahak ang landas patungo sa Lemery. Isang drums and lyre high school band ang masayang tumutugtog sa harapan ng municipal hall habang nakahilera sina Mayor Larry Alilio, Vice Mayor Norlito Solis  at lahat ng mga konsehales, kagawad at mga empleyado ng pamahalaang lokal.  

altMatapos ang pormal na pagpapakilala ay nagtungo ang lahat sa municipal gym kung saan naghihintay ang libo libong mga mamamayan sa pangunguna ng 46 na mga barangay captains. Nagpakitang gilas ang mga High School students sa kanilang mga ethnic dances.
Bilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ay nagbigay ng ala-ala si Dr. Franco Pittau sa Alkalde matapos ay ang Konsehal naman ng Roma ang naghandog ng isang  commemorative coin buhat sa Roma Capitale.

Bilang pagtatapos ng cultural program ay ipinakita sa mga bisitang Italyano ang Siblayan Festival Dance. Ito ay isang well choreographed dance na naglalahad ng storya ng Lemery, ang kanyang pangunahing industriya, ang agrikultura, pangingisda at ang likas na yaman ng Lemery.
Matapos ang programa ay agad na nagtuloy ang grupo sa loob ng munisipyo upang simulan ang mga pagsisiyasat sa dalawang grupong nabanggit. Ito ay nilahukan ng mga kababayang umuwi na for good sa Pilipinas na nanirahan, namuhay at nakipagsapalaran sa Roma, Parma, Firenze at Napoli.

altMatapos ang interview ay isang mayabong na hapunan naman ang inilahad. Hindi magkamayaw ang tuwa at pagkamangha ng mga bisitang italyano sa init ng pagtanggap, galing ng mga nagsayaw, sarap at dami ng pagkain at galing ng pamunuang lokal sa paghahanda ng importanteng panayam na siyang pangunahing dahilan ng pagbisita sa Lemery. Gayon pa man ay, mababang-loob pa rin na humingi ng paumanhin si Mayor sa anumang maaring pagkukulang.

Sa tanggapan naman ng Alkalde ay pormal na nagharap sina Mayor Aliloio at Vice Mayor Solis at Konsehal Salvador upang buoin ang isang programang lulutas sa ilang mga  suliranin  sa tulong ng dalawang pamunuan . Sa mahigit na 30 minutong paguusap ay nagkaisa ang dalawang panig na sa tulong ng Lemery Association sa Roma, ang Roma Capitale at ang pamahalang lokal ng Lemery ay ilulunsad sa takdang panahon ang isang proyektong maghahanda sa mga batang pinipitisyon ng mga magulang sa Italya upang matutunan ang wika at kulturang Italyano. Idadagdag pa dito ang counselling service upang matulungan ang mga batang lumalaki ng malayo sa piling ng mga magulang.

Pagod man sa maghapong biyahe ang research team ng IDOS Caritas ay nakuha pa rin nilang dalawin ang beach resort na pag-aari ng mag-asawang ofws na 16 na taong nagtrabaho sa Parma. Ito ay may 11 bahay kubo at bbq area , multi-purpose hall at malawak na beach front. Sinamantala ng grupo ang magpahinga at buong sayang inikot ang buong resort na pag aari ng mga dating naninilbihang Filipino sa Italya .Ang positibo at matagumpay na pagbabalik ng mag asawang taga Lemery ay mga kuwentong nais nilang matuklasan upang mailahad ito sa gagawing libro .

altAng coaster bus ay puno ng mga pagod na bisitang Italyano subalit banaag sa kanilang mga mukha ang saya at tuwang dulot ng karanasan sa Lemery Batangas at ang kanyang mga mamayan sa pamumuno ng masipag na Alkalde. Higit na mas masaya at taas noo, ako, bilang Konsehal ng Roma, dahil sa naganap na pagdalaw sa Lemery ay naipakita natin at naipadama sa mga kaibigang Italyano ng IDOS Caritas ang init at tunay na hospitalidad ng mga Filipino, ang ating kaugaliang handang pagtulong sa kapwa at higit sa lahat ang nagkakaisang mamamayan ng Lemery Batangas, kasama na ang mga nasa Roma na nakipag tulungan din sa paghahanda sa araw ng pagdalaw ng mga bisitang Italyano. Sa lahat ng mga taga Lemery Batangas , sa ngalan ng lahat ng miyembro ng research team, maraming salamat po at Mabuhay kayong lahat!!!

(Romulo S. Salvador – Consigliere Aggiunto Roma Capitale)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Iza Calzado magiging host ng Biggest Loser second season

Mambabasa ng mga web site sa iba’t ibang wika, patuloy sa pagdami