in

Christian Rontini, lumipad mula Firenze. Pasok sa Philippine Azkals!

Isang 20 anyos na may dugong pinoy ang nagbigay karangalan sa komunidad ng mga pilipino sa Italya. Si Christian ay anak ng isang pilipina, si Aida Saturinas Mangaron at ng isang italyano, si Massimo Rontini, na walang humpay ang saya at pasasalamat nang mapili ang anak na isa sa mga manlalaro ng Philippine Football Team U-22, o mas kilala sa tawag na AZKALS, ang soccer team na magwawagayway ng bandila ng Pilipinas sa 30th SEA Games.

Sa murang edad pa lamang ay nakitaan na ng potensyal sa larong football si Christian. Ang kanyang ama ay isa ring manlalaro kung kaya’t namana nito ang pagkakahilig sa nasabing isport. Naging official player siya ng iba’t-ibang soccer teams sa Probinsya ng Firenze. Naglaro siya sa A.S.D. Belmonte Antella Grassina, napunta sa Floria 99, hanggang sa kanyang Team ngayon na San Giovannese kung saan sya ay gumaganap na Center Midfield. Ang kanyang kontrata sa nasabing “Associazione Sportiva”  ay mawawalang bisa  sa buwan ng hunyo sa taong 2020.

Matagal na binantayan at pinanood at pinag-aralan ng maraming talent scouts ang pride na ito ng Firenze. Buwan ng Marso ay naanyayahan si Christian na magensayo ng halos labinlimang araw sa Manila. Makalipas ang tatlong buwan ay sinubukan ang kanyang galing sa isang friendly match kalaban ang China.

Matapos ang paunang karanasan na ito sa Azkals ay bumalik siya sa Italya at muling itinuon ang konsentrasyon sa mga torneo ng kanyang sariling team sa Firenze, hanggang sa kanyang matanggap ang tawag ng Philippine National Team at opisyal na ngang mapabilang sa AZKALS na sasabak sa 30th SEA Games 2019.

Inaasahang malaki ang magiging kontribusyon ni Christian sa koponang ito ng Pilipinas. Sa kanyang mga posts sa social media ay kanyang ipinahayag ang kasiyahan sa naguumapaw na blessings na kanyang naibabahagi sa bansang sinilangan ng kanyang mahal na ina. Taos-puso din ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumusuporta sa kanyang bagong sibol na career sa Pilipinas. Siguradong aabangan ng lahat ang mga laro ng Azkals at aasahang magniningning ang bagong star na ito mula sa rehiyon ng Toskana. (Quintin Kentz Cavite Jr.)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Libretto famiglia: halaga, paraan at panahon ng pagtanggap nito

72 medals at 5 trophies, hinakot ng Philippine Team sa World Karate Championship sa Toskana