Milan – Ang Explosion ay isang grupo sa Milan na naglalayong mapagbuti ang mga talento sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa mga kabataan, ang sanaying magkaroon ng oras sa paggamit ng mga musical instruments, pagkanta’t pagsayaw at turuang tahakin ang tamang landas na malayo sa mga masasamang bisyo.
Sina Jonathan at Melanie Gardose, Zandro at Sally Lagrana ,Edwin at Marife Catabay ay ang mga magulang na kinikilalang founders at humahawak sa naturang grupo hanggang sa kasalukuyan, ayon kay Jonathan Gardose sa panayam ng Ako Ay Pilipino.
Taong 2006 ang kanilang naging simula, itinatag ang grupo at pinangalanang “EXPLOSION” Group of Filipino Talents sa Milan.
Nag-umpisa ang grupo sa tatlo hanggang apat na talents na pawang kanilang mga anak. Sila ay nag-sasanay sa iba’t ibang multi-purpose hall hanggang sa nagkaroon ng permanenteng lugar na maaring gamitin o pag-dausan ng kanilang pagsasanay.
Isa sa mga kilalang talents ay si Zendryll Lagrana na sumali sa sikat na show sa Italya, ang “Io Canto” kung saan host si Gerry Scotti, isang kilalang italian artist. Buong pagmamalaki ni Jonathan ang pagpasok ni Zendryll sa finals sa naturang singing contest.
Walong taon na ang “EXPLOSION” aniya, at unti-unting dumadami ang mga miyembro sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga magulang upang isali ang kanilang mga anak.
“Dito ay aming hinuhubog ang mga kabataan hanggang sila ay maging teenagers”. Hinalimbawa din ni Jonathan ang mga kabataan na natutong sumayaw dahil sa kanilang pagsali sa grupo. Sa kasalukuyan, ay mayroon na ding sariling dance choreographer at voice choreographer ang naturang grupo.
Ang mga talents ay kadalasang nag-uumpisa sa pitong taong gulang pataas; kabilang sa kids dancers ang mula walo hanggang labindalawang taong gulang, kabilang sa teens ang may edad 13 hanggang 15 taong gulang. Ang mga singers naman ay nagsisimula 8 hanggang 18 anyos, samantala ang kids band naman ay mula 12 hanggang 15 taon gulang.
Sa patuloy na pag-eensayo ng grupo ay nagkaroon na rin ng mga concert, partesipasyon sa mga maliliit at malalaking events at maging sa mga karatig na rehiyon.
“Ang huling performance ng grupo ay sa ginanap na concert nina Coco Martin at Julia Montes, mga sikat na Filipino actors noong nakaraang taon”, masayang kwento ni Jonathan.
Sa kasalukuyan ay mayroong higit sa 36 talents na ang “EXPLOSION” at patuloy na sinsanay ang mga ito isa o dalawang beses kada buwan.
Tuwing sabado naman ang mga kabataan mismo ay nagkakaroon ng pagpupulong upang pag-usapan ang mga bagong istilo ng sayaw at pag awit, ngunit tinitiyak ng mga founders na hindi nakakaabala sa kanilang pag-aaral ang mga pagpupulong .
Isa sa mga plano ang crosscountry concert sa tulong ng kanilang mga sponsors subalit kasalukuyang hindi pa ito matiyak dahil sa iba’t iba schedule ng mga miyembro.
“Dahil halos puro kabataan ang mga talents ng Explosion, mahirap po i-decide agad na isama sila sa labas dahil hindi lang ang concert ang iniisp namin kundi ang pag aaral nila” wika pa ni Jonathan.
Pinasalamatan din ng grupo ang suporta ng kilalang banda sa Milan, ang “SUGARCANE JAM” na pinamumunuan ni Vengie Verano na sumusubaybay sa mga boses ng mga talentong singers. Pasasalamat din sa Don Pino Maccione Sta.Maria Asunta (Piazza Giacomo Anneli4, Turro Milan) na permanenteng ginagamit ng grupo sa tulong din ni kabayan Andres Magparangalan.
Hindi maiiwasan ang pangarap ng mga founders, magulang at talents na makilala ang grupo sa Pilipinas at ipakita na maraming grupo sa Italya, kabilang ang “Explosion” bilang katuwang ng pamahalaan sa pagtuturo sa mga kabataan ng tamang landas at pagkilala sa Diyos sa pamamagitan ng sining.
“Bukod sa pag-eensayo ay nagkakaroon din ng buwanang reunion o bonding ang grupo”, pagtatapos ni Jonathan.
Ang “EXPLOSION” Group of Filipino Talents ay rehistrado at nagtataglay ng codice fiscale. Kasalukuyan namang hinihintay na lumabas ang formal permit mula sa Comune ng Milan.
Samantala, maaaring bisitahin ang website ng grupo, www.xplosiongroup.com, upang higit na sila ay makilala at makita ang mga nakaraang activities at success performances.
Inaasahang marami pang matuturuan at mahahasang mga kabataan ang buong grupo para sa isang mas magandang kinabukasan. (ulat ni: Chet de Castro Valencia)