in

Khriencel Faszion, ang patok na online store sa Roma

Rome, Enero 30, 2013 – Sa Pilipinas, bukod sa Facebook ay isa ang online shopping sa nangungunang pinagkakaabalahan ng mga Pinoy  sa Internet. Hit na hit ang ganitong business ngayon lalong lalo na sa mga taong wala nang oras para pumunta sa mga malls. Pumunta ka lang sa mga websites katulad ng Multiply, Sulit.com at kahit sa Facebook at makikita mo ang maraming ‘online store’. Madali lang ang pag-order: mamili ka lang sa mga naka-‘display’ na gamit at sabihin mo sa ‘tindera’ na ito ang gusto mong bilhin sa pamamagitan ng private message o pag-‘comment’ sa ibaba ng larawan ng produkto. Dito nagsimula ang Khriencel Faszion na ngayon ay maituturing na kauna-unahang Pinoy boutique sa buong Italya.

Pagmamay-ari ng mag-asawang  Pinoy na sina Charlie (23) at Jen (24) Dimaano-Senicolas, ang Khriencel Faszion ay ipinagdiwang kamakailan ang kanilang kauna-unahang anibersaryo dito sa Roma. Mga damit mula sa Bangkok ang binebenta ng Khriencel Faszion. Best sellers din nila ang mga gowns na ginagamit sa mga debut at kasalan.  Mapa-Filipino, Italiano at iba pa mang lahi, patok na patok ang Khriencel Faszion lalong lalo na sa mga edad 13-27. Halos wala silang inilabas na puhunan sa pagsisimula ng negosyong ito. Konting sugal at tiwala sa kliyente ang kanilang naging panimula. Matapos lamang ng dalawang buwan, bawing bawi na sila sa kanilang inilabas na kakarampot na puhunan kaya nang sumapit ang Disyembre 2011 ay nagdesisyon silang kumuha ng ‘physical store’ para sa kanilang negosyo.

Hindi biro ang pagtatrabaho sa abroad. Sa batang edad nila, puro full-time ang kanilang mga oras sa pagtatrabaho bagama’t hindi ito naging hadlang sa kanila upang mangarap na sila naman ang maging ‘amo’. Bagama’t magkasintahan pa lang ng mga panahong iyon, noong ika-15 ng Enero 2012 ay opisyal na binuksan nila ang Khriencel Faszion sa may Valle Aurelia. Kasama ng suporta ng pamilya at mga kaibigan, hinde alintana ng mag-asawa ang mga problema at hirap sa kanilang sinimulang negosyo. Sa ngayon, si Jen ang tumatayong utak ng negosyo at si Charlie naman ang katawan ngunit nakakatulong din nila kahit papano ang kanilang pamilya sa pagdedeliver ng mga order para sa mga kliyente.

Matapos ang nagdaang isang taon, pinaplano ng mag-asawa na i-expand ang kanilang negosyo sa larangan ng ‘event planning’.  Sa bansang katulad ng Italya na kakaunti lamang ang mga Pinoy na sumusubok sa pagnenegosyo, hangad ng mag-asawang patunayan na kaya ring makipagsabayan sa pagnenegosyo ang mga Pinoy at maging ehemplo sa kabataan na hinde hadlang ang edad para magtayo ng negosyo. (ulat at larawan ni Jacke De Vega)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Faqs ukol sa UNCLOS Arbitral Tribunal Proceedings Laban Sa Tsina

Citizenship, ipinagpaliban ng 6 na buwan