Rome, Hunyo 5, 2012 – Kabuuan ng 58 taon ang hatol ng pagkakabilanggo sa anim na kabataang Pinoy sa panggagahasa sa isang menor de edad na Italyana noong nakaraang Abril 30 sa Pineta Sacchetti, Roma.
Ang biktima, isang 17 taong gulang na Italyana, na salitang ginahasa ng anim na Pilipino, may edad sa pagitan ng 20 at 22 taon, na hinatulan ng salang sexual assault at kidnapping.
Lima ang hinatulan ng sampung taon at 8 taon naman sa isa sa mga ito na naglahad ng mga impormasyon upang makilala ang ibang kasabwat sa krimen. DNA test sa damit ng biktima ang naging matibay na basihan ng ginawang hatol.
Bukod sa naging hatol, ang mga salarin ay dapat magbayad ng halagang 50,000 euros danyos sa lungsod ng Roma (Roma Capitale). Ayon sa hukom, ito ay mapupunta sa anti-violence fund ng Department of Equal Opportunity.
Ang krimen ay naganap hatinggabi ng Abril 30 matapos ang tawag sa telepono sa 113 buhat sa isang kabataang diumano’y biktima ng pambubugbog ng mga di kilalang tao sa abandonadong lugar sa Pineta Sacchetti. Mabilis na tumugon ang 113 at natagpuan ang lalaki at 3 kaibigan nito, 2 lalaki at 1 babae. Ang apat ay naglahad ng mga pangyayari at sinabing ang isa pa nilang kasamang babae ay sapilitang tinangay ng grupo sa isang isolated place. Ang dalagita ay salitang ginahasa ng grupo. “Ang hustisya ay iginawad na sa biktima – ayon sa mga abugadong sina Giampiero Fantozzi at Giorgia Luchi – kahit pa ang danyos ng krimen ay hindi kayang bayaran kaylan man. Ang psycological damage nito ay hindi maglilihom kaylan man”.