A Dream Come True na ang pangarap nina Jemarie at Claidel na magsasama habang buhay sa hirap at ginhawa matapos opisyal na kilalanin ang pagsasama ng dalawa.
Milano, Disyembre 7, 2016 – Sina Jemarie Jamonil at Claidel Galas ay nagsumpaan sa Comune di Milano sa pangunguna ni Clelia Frontini, isang opisyal ng lokal na gobyerno sa siyudad ng Milan.
Saksi ang mga napiling maging ikalawang mga magulang na sina Robildo Gardose, Gloria Gardose, Angelina Valmez at Jefelyn Fernandez para gumabay sa kanilang bagong buhay. Saksi rin ang mga kamag-anak at mga kaibigang dumalo sa kanilang sumpaan.
Sa kasayasayan ng mga OFWs sa Italya, sina Jemarie at Claidel ang kauna-unahang pinoy couples na sumailalim sa same sex civil union.
Matatandaang ang same sex civil union ay simulang ipinatupad ng gobyerno ng Italya noong buwan ng Hunyo 2016. Inaprubahan ng senado noong February 2016 at ng Chamber of Deputies noong May 2016at naisabatas sa pamamagitan ni Italian President na si Sergio Mattarella.
Labing-isang taong magkasintahan sina Jemarie at Claidel.
“Noong nagbakasyon ako sa Pilipinas ay nakilala ko si Claidel sa school nila sa Balian Community College sa Pangil Laguna,” ani Jemarie.
Naging mabilis umano ang mga pangyayari at naging magkasintahan agad ang dalawa. Dagdag pa ni Jemarie, kinuha niya mula sa Pilipinas si Claidel at ngayon ay mahigit 3 tatlong taon nang naninirahan sa Italya.
“Para sa akin siya na talaga, palagi ko siya iniisip at ayaw ko na rin mawalay sa kanya,” wika naman ni Claidel.
Noong mga unang taon na sila ay magkasintahan ay mayroon din, ani Claidel, na lumigaw sa kanyang lalake subalit ang puso niya ay nabihag ni Jemarie. Gayun din si Jemarie na nagtangkang manligaw sa iba subalit nahulog na rin ang kanyang damdamin kay Claidel.
Hindi lingid sa kaalaman ng dalawa na hindi pinapahintulutan ang same sex civil union sa Pilipinas. Ngunit hindi nawalan ng pag-asa ang magkasintahan at nagpatuloy magmahalan. Hanggang dumating ang araw na opisyal na kinilala ang same sex civil union sa Italya, kung saan sila kasalukuyang residente.
Sa kabila ng kanilang matibay na pagmamahalan, inamin ng bagong ‘basbas’ na nahirapan silang kumpletuhin ang mga requirements para sa pinakahihintay na araw.
Subalit laking pasasalamat nila sa pinsan ni Jemarie, na si Luisa na tumulong sa kanila upang makamit ang kanilang pangarap.
“Nag-research yung pinsan ni Jemarie kung puwede i-legalized sa prefecture dito sa Milan dahil sa kakulangan ng aking dokumento at sa awa ng Diyos ay inaprubahan naman. Si Jemarie ang nagpasok ng aking mga dokumento sa prefecture, siya rin ang kumuha, kaya talagang nakatakda kami sa isa’t-isa,” masayang salaysay ni Claidel sa Ako Ay Pilipino.
Bukod sa lipunan, ay tanggap naman ng bawat partido ang kanilang pagsasama. Sa katunayan ay binasbasan pa ng ina ni Jemarie na si Gng Raymunda Jamonil ang dalawa sa kanilang pag-uusap sa Video Chat sa Facebook noong araw ng ‘kasal’.
“Sila sana ay magtagumpay at magsama ng habang buhay, tagumpay sa lahat ng pagsasama,” masayang pagbati ng ina ni Jemarie.
“Sa akin nung una, parang ayaw ng mga magulang ko dahil nag-iisa akong anak na babae, mas gusto nila ang opposite sex, pero sa kalaunan ay pumayag na din ang mga magulang ko,” kuwento ni Claidel.
Kung kaya’t namanhikan si Jemarie kina Claidel at nagkasundo din ang kanilang mga magulang.
Isang mensahe ang ipina-aabot ng bagong ’kasal’, na tulad nila noon ay magkasintahan sa kasalukuyan.
“Para sa amin, kung anuman kasarian ng bawat isa, igalang nila kasi may kanya-kanya naman tayong pananaw sa buhay. Nagmamahalan naman kayo at wala naman kayong nasisirang pamilya o natatapakan, ipagpatuloy na lang ang pagmamahalan niyo,” ani ni Claidel. Sinabi naman ni Jemarie na huwag umano ikahiya kung ano ang tunay na pagkatao at kung ano ang tunay na kayo dahil ito ay isang karapatan.
Kasama rin sa plano ng dalawa ang magbuo ng pamilya na hindi aampon ng bata kundi ang sumailalim sa same-sex reproduction. Mas nais ng dalawa na sa sariling dugo nila manggagaling ang kanilang magiging anak.
“Pero medyo konting ipon muna dahil may kamahalan yun,” ayon kay Jemarie.
Gayunpaman, patuloy silang nagre-research sa web tungkol sa ganitong paraan ng pagbubuntis.
“Pero kung hindi ito mangyari, hindi na baleng kaming dalawa na lang ang magsama habang buhay,” pagtatapos nina Jemarie at Caidel.
ni: Chet de Castro Valencia
larawan ni: Jesica Bautista