Umabot na sa 112 families ang mga natugunan sa Roma ng Fukyo Protezione Civile sa pamamagitan ng mga food supplies na dinadala mismo sa tahanan ng mga Ofws na apektado ng kasalukuyang krisis.
Bukod dito, may 12 pamilya pa sa Marche at Abruzzo ang nakasama sa listahan. At inaasahan pa ang higit sa 40 pamilya na dadalhan ng relief goods ng Protezione Civile na humingi ng ayuda. Inaasahan din ang pagbibigay ng relief goods sa ilang pamilyang Pilipino sa ibang bahagi ng Italya.
“Sa mga request po ay inuuna namin ang mga pamilya na may nawalan ng trabaho sa miyembro nito, may menor de edad o di kaya’y matanda o may karamdaman. Ipagpaumanhin po kung hindi mapagbibigyan ang lahat”, ayon kay Kali Miranda Jr ng KP DDS Italy, na sa pakikipagtulungan ni Gianluca Senna, ang presidente ng Sparta 300 A.S. ay naisakatuparan ang pagbibigay tulong sa mga Pilipino partikular sa Roma sa pamamagitan ng Fukyo Protezione Civile.
Ang Fukyo Protezione Civile ay isang organisasyon ng mga bolontaryo (odv) na itinatag noong 2013. Ang Fukyo association, ay nakikipagtulungan sa ibang asosasyon ng Protezione Civile at mga social association na aktibo sa Roma at buong Lazio region tulad ng Banco Alimentare at Salvamamme. (PGA)