in

Ilang Pilipino, biktima ng “budol-budol” sa Firenze

Aktibo na naman ang mga miyembro ng budol-budol” gang partikular sa lungsod ng Firenze kung saan ilan sa ating mga kababayan ang naging biktima kumakailan ng modus operandi na ito na hindi na bago sa ating pandinig.  Ayon sa mga natanggap na impormasyon, ilan din ang nailathalang  pinoy na naging biktima ng budol-budol na mga residente sa mga probinsya ng Firenze, Prato, at Lucca. Ang mga suspek ay hinihinalaang mula sa mga bansa ng South America.

Halos pare-pareho ang paraan ng panggagantso batay sa salaysay ng mga biktima. Ang mga kawatan ay karaniwang magpapakita ng isa o higit pang bundle ng pera upang maakit ang pinupuntiryang biktima. Ang modus operandi na ito ay karaniwang sinasabayan ng hipnotismo. Kuwento ng kaibigan  ng isa sa mga nabiktima, ang kanyang kaibigang babae ay naglalakad sa sentro ng Firenze nang biglang may lumapit sa kanyang mag-asawa na nagpanggap na nawawala at nagtanong kung saan matatagpuan ang kanilang hotel. Naging mabilis ang mga pangyayari. Hinawakan ang kamay ng biktima at mula sa pagkakahawak na iyon ay naging sunod-sunuran na umano ito sa lahat ng kanilang iutos. Nilimas ng mga ito ang kanyang dalang pera at nagawa pa ng mga itong utusan siyang magwithdraw sa ATM. Pati ang kaniyang wedding ring ay natangay din ng mga ito. Huli na ang lahat ng siya ay matauhan at madiskubreng siya ay naging biktima.

Isang kakambal na episodyo ang nangyari pa rin sa Firenze. Sa pagkakataong  ito ay bentahan naman ng pabango ang eksena. Nakasakay sa kotse at pinaamoy umano ng pabango ang biktima. Wari ng biktima ay pumailalim siya sa kapangyarihan ng kanyang kausap at biktima ng hipnotismo. Binili niya ang pabango at habang siya ay pauwi ng bahay ay nakaramdam siya ng pagkahilo na sinundan ng pagsusuka. Pagdating sa bahay ay saka lamang niya narealize na siya ay naging biktima ng isang modus. Ang laman ng bag ay dalawang kilong asin na kanyang binayaran ng halagang 450 euro.

Sa Firenze pa rin, dalawang may edad na babae, isang taga Lucca at isang taga Prato ang naman ang naging biktima. Batay sa kanilang salaysay, sila ay huminto dahil may mag-asawang nangangailangan umano ng impormasyon. Mula sa sandaling iyon ay wala na halos silang maalala at wari nila ay naging biktima sila ng hipnotismo at sila ay napasunod na magbigay ng pera, alahas, at iba pang mga mahahalagang bagay na kanilang dala. Sa ilang sandaling iyon  ay wala daw silang lakas na kontrahin ang anumang iutos ng mga kawatan.

Sa paglapit ng mga biktima sa mga awtoridad, kanilang napag-alaman na marami na pala ang naging biktima sa panahong ito ng budol-budol gang, at karamihang mga biktima ay mga dayuhan, kasali na sa mga ito ang mga pilipino na ayon na rin sa mga pulis ay popolasyon ng mga matulunging tao, maunawain at madaling mag tiwala.

May ilang tips na ibinibigay ang mga awtoridad upang maiwasan na maging biktima ng modus-operandi na ito.

1.Huwag magdadala ng malaking halaga sa pampublikong lugar lalo na kung  nagiisa at kung hindi naman kailangan.

2. Iwasang makipagusap sa mga hindi kakilala, lalo na sa madidilim na lugar at huwag makipagtitigan sa mga ito

3. Huwag tatanggap ng kahit na ano mula sa mga estranghero. Malimit na dito nagsisimula ang pambibiktima ng mga budol-budol gang.

4. Oras na maging biktima agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang buong pangyayari

Laging tatandaan na sa panahong ito ay mahirap magtiwala kahit kanino lalong-lalo na kung pera na ang pinaguusapan. Iniimbitahan ang lahat na maging mapanuri, at higit sa lahat ay maging alisto. May taglay pa ring katotohanan ang kasabihang “walang manloloko kung walang magpapaloko”.

 

ni: Quintin Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Antas o lebel sa domestic job ayon sa CCNL

Naaksidente ang colf, ano ang dapat gawin ng employer?