Patuloy ang panawagan at paghahanap sa halos isang buwan nang nawawalang si Nanay Doring.
Roma, Marso 23, 2012 – Ika- 29 ng Pebrero ng huling makita si Nanay Teodora Dinglasan, kilala sa tawag na ‘Doring‘, 74 anyos at may taas na 158 cm., residente sa Via Francesco Soave 15, zona ng Monte Mario.
Araw-araw sinusundo ni Nanay Doring ang kanyang apo mula sa paaralan na di kalayuan ang distansya mula sa kanilang tirahan. Sa kasamaang palad, hindi na nakuhang sunduin pa ni Nanay Doring ang kanyang apo ng araw ng Miyerkules nang huling namataan ang matanda na malapit sa eskwelahan ng apo.
Hindi nag-atubili ang anak at kamag-anak, kakilala, asosasyon at institusyon sa balitang nawawala si Nanay Teodora. Maging ang local media tulad ng Akoaypilipino.eu at Rai 3 ‘Chi l’ha visto?’ ay kumilos din sa pagpapalaganap ng balita.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring balita ukol sa kundisyon at kinaroronan ng matanda.
“Hanggang sa araw pong ito, March 23, ay hindi pa rin po namin alam ang kundisyon ng aking ina. Hindi po totoo ang napabalitang naglayas, nakita na o sumakabilang buhay na ang aking ina”, ayon kay Gina Marasigan, ang anak ni Nanay Doring.
Nagtungo na rin ang anak at kamag-anak ni Nanay sa mga ospital sa Roma tulad ng Policlinico, Gemelli, San Camillo, Santo Spiritu at marami pang iba ngunit bigo maging ang Questura sa paghahanap.
Ilang araw mula sa pagkawala ni Nanay ay isang anonymous text ang natanggap ni Gina na nagsasabing namataan si Nanay sa Campo Nomadi. Isang bagay na walang basihan at kasalukuyang iniimbistigahan ng awtoridad.
“Sa sinumang makakakita sa aking Nanay, ipagbigay alam lamang po sa pinaka malapit na police station o tumawag sa akin sa numero 3895542796”, pagtatapos pa ni Gina.
Samantala sa nalalapit na ika-isang buwan ng pagkawala ni Nanay, isang prayer rally at prusisyon (fiaccolata) ang inihahanda ng buong komunidad sa Roma sa Our Lady of Guadalupe Parish sa Monte Mario sa ganap na ika-5 ng hapon.