in

Pamaskong Handog 2012, hatid ng CSP

Para sa nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan, ang mga kabataan ng ikalawang henerasyon sa Roma, sa pangunguna ng CSP o Center Stage Production ay magsasagawa ng Christmas Concert na pinamagatang “Pamaskong Handog 2012”, sa linggo ika 23- ng Disyembre sa Teatro delle Emozioni, Roma.

Bukod sa isang pamaskong pagpapalabas, ang nasabing pagdiriwang ay isang paraan ng mga kabataan upang makatulong sa mga napinsala ng bagyong ‘Pablo’ na tumama sa ating bansa kamakailan kung saan higit sa 1,000 ang mga nasawi at nagdulot ng pinsalang tinatayang aabot sa 25 bilyong piso.

 “Ang inyong kontribusyon ay malaki ang maitutulong sa ating mga kababayang nangangailangan. Ang malilikom na halaga ay ipagkakaloob ng buong-buo sa ating mga kababayan sa Pilipinas na naghihintay ng tulong, malaki man o maliit buhat sa libu-libong ofws sa buong mundo”, ayon kay Arman Noma, ang director-founder ng nasabing grupo.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng ating mga kabataan sa Roma ang kalamidad na tumama sa bansang Pilipinas. “Ito po ang paraan naming mga kabataan, bukod sa paghahandog ng aming talento, awitin at sayaw, upang makiisa sa pagtulong sa mga nangangailangan”, komento ng mga kabataan sa akoaypilipino.eu

Sa pakikipagtulungan ng Comune di Roma, sa pamamagitan ni Romulo Salvador, ay maisasakatuparan ang kanilang paghahandog ng mga sayaw at awitin para sa araw ng Kapaskuhan gayun din ang makabuluhang pagtulong sa ating bayan.

Kabilang ang grupong Loved flock, Kreways, New Collection, Pinoy Teens, Lucky 7, The M & M, Jenny & Dun Hill at Filipinay; mga singers na sina Angelo Magmanlac, Kathy Castillo, Keile Soriano, Marco Mari, Argie Alviar, John Michael, Jasmine at Angela Flamini, Reanna at Gainmarco Mallillin, Kevin & Kitkat, Kim & John Michael, Melisse & Father, Kathy & Keile. Hindi mawawala sa pagdiriwang ang kilalang rapper na si Tahjack.

Ikinatuwa naman ng lubos ni Fr. Romeo Velos, buhat sa Sentro Filipino Chaplaincy ang paghahandang ginagawa ng mga kabataan at sinabing kaagapay siya ng mga kabataang ito sa kanilang magandang hangarin.

Kaugnay nito, ang ilan sa mga community leader ay boluntaryong nakikiisa sa inisyatiba at nagpakalat ng mga ‘lata’ sa ilang Pinoy local business at mga remittance center para sa karagdagang kontribusyon buhat sa ating mga kababayan.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pilipinas, suspendido ang pag-e-export ng saging

Azkals, ika-147 sa FIFA ranking