Kaugnay ng ika-121 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong araw na ito, na ipinagdiriwang ng bawat Pilipino sa bawat sulok ng mundo, ay mahalagang gunitain ang makasaysayang kaganapan noong 1898.
Ang makasaysayang pagpapahayag ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ay naganap noong Hunyo 12, 1898 kung kailan idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang pagsasarili ng Pilipinas hinggil sa pananakop ng Espanya matapos itong magapi sa naganap na Sagupaan sa Manila Bay noong panahon ng digmaan sa pagitan ng Espanya at Amerika.
Samantalang ipinagdiriwang ng Pilipinas ang Araw ng Kalayaan tuwing ika-12 ng Hunyo, ang sinasabing tunay na kalayaan ay kinilala lamang ng bansang Amerika noong ika-4 ng Hulyo, 1946. Magmula noon, ang Araw ng Kalayaan ay ipinagdiriwang tuwing Hulyo 4, alang-alang sa nasyonalismo o pagkamakabansa at ayon na rin sa sangguni ng mga mananalaysay.
Ang Republic Act.No. 4166 ay nilagdaan upang maging batas ni Pangulong Diosdado Macapagal noong 1964. Isinasaad sa nasabing batas na ang petsang Hunyo 12, ay kinikilala bilang Araw ng Watawat at siya ring Araw ng Kalayaan.
Ang deklarasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng paghahayag sa gitna ng pulutong ng mga tao noong Hunyo 12, 1898 sa pagitan ng alas kuwatro at alas singko ng hapon. Ginanap ang makasaysayang kaganapan sa ansestral na tahanan ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa Caviete el Viejo (na ngayon ay Kawit, Cavite) tatlumpung kilometro sa katimugan ng Manila. Isa sa naging tampok na pangyayari ay ang paglaladlad sa Pambansang Watawat ng Pilipinas na ginawa sa Hongkong nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza at ang pagtatanghal ng Marcha Filipina Magdalo, ang tinaguriang pambansang awit ng Pilipinas na ngayon ay naging Lupang Hinirang, na isinulat ni Julian Felipe at tinugtog ng San Francisco de Malabon Marching band.
Pinangunahan ni Emilio Aguinaldo ang pormal na proklamasyon ng Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898. Siyamnapu at walong tao ang lumagda sa naturang proklamasyon kabilang na ang isang opisyal na amerikano, si L.M.Johnson.
Kilala bilang Acta de la proclamacion de independencia del pueblo Filipino, ang proklamasyon ng Araw ng Kalayaan ay ginawan ng balangkas at binasa sa naturang pagdiriwang ni Ambrosio Rianzares Bautista. Isinasaad sa Acta na ang Pilipinas ay malaya na mula sa pang-aalipin ng Espanya. Ang bansang Espanya ay dumating sa Pilipinas noong 1521 at itinuring ang Pilipinas na lupang kanyang nasasakupan sa loob halos ng apat na siglo.