“Wow! another flowers!”masayang panunukso ng kanyang senyora nang mapansin nito ang walang tigil na pagdating ng mga bulaklak. Maganda ang samahan ni Teresa at ng kanyang amo na si Sra. Brambilla. Hindi nagkakalayo ang kanilang mga edad at para silang magkapatid lamang na nagkakatuksuhan.
“By noontime, you can open a flowershop Hahahah! “ tuloy na panunukso ng senyora.
“Dont worry madam, Dr Brambilla will take you out for dinner tonight so i will prepare your red dress, hahaha” nakangiting sagot ni Teresa sa biro ng batang amo. Totoo ang sinabi ng senyora, alas onse pa lamang ng umaga ay tatlong pumpon ng bulaklak na ang natanggap ng katulong buhat sa kanyang mga manliligaw. Maganda si Teresa. Sa edad na 32 anyos ay parang kolehiyala pa rin ang kanyang balingkinitang katawan, matangkad at maayos manamit, palaging suklay ang maitim na buhok na lampas balikat at higit na kapansin pansin ang matamis niyang ngiti. Si Teresa ay larawan ng isang Filipina beauty. Isang Filipinang maid sa Italya.
IF I SPEND MY MONEY ON FLOWERS IS BECAUSE I WANT TO SPEND MY LIFE WITH YOU….Chris.
Ito ang naka sulat sa papel na kasama ng unang bouquet na kanyang natanggap. Bagong dating pa lamang si Teresa sa Milan nang una niyang makilala si Chris, binata at kasama sa trabaho sa hotel ni ate Vicky, ang nakatatandang kapatid ni Teresa. Sa pamamagitan ng decreto flussi ay nakiusap si Vicky na kunin si Teresa ng may ari ng hotel. Inayunan naman ito ng may ari at nang dumating si Teresa ay minabuting magtrabaho ito sa kanyang bahay bilang katulong at hindi bilang staff ng hotel. Isa pang patunay ng kabaitan ni Sra Brambilla, ang may ari ng hotel na pinapasukan ni Chris at ilan pang mga Pilipino at ngayon ay kanyang kabiruang amo. Magandang lalaki si Chris subalit hindi ito pansin ni Teresa , masyadong bata at parang walang paghahanda sa kinabukasan, ayon pa kay Teresa. Makikita nga sa handog na bulaklak ng binata ang sapantaha ni Teresa, pinaka marami, pinaka mahal at pinaka maganda ang pagkakaayos ng mga alay na bulaklak ng binatilyo.
GOD CREATED FLOWERS TO HELP ME SAY…I LOVE YOU!- Danilo
Ito naman ang nakasulat sa card ng ikalawang pumpon. Simple lamang ito, 12 red roses ngunit maayos na binalot sa setang pula. Sa loob ng dalawang taon na pagtigil ni Teresa sa Milan ay agad siyang sumali sa church choir. Doon niya nakilala si Danilo, ang first tenor ng koro. Dati itong seminarista na lumabas dahil sa isa ding Filipina subalit hindi sila nagkatuluyan. Tuwing Huwebes at Linggo ay nagkikita sila sa practice at church services. Lumalabas sila subalit kasama lagi ang mga ilang miyembro ng koro. Minabuti ni Teresa na huwag itigil ang pag awit bilang soprano sa choir. Sa Pilipinas pa lamang ay kasama na siya sa choir ng simbahan sa Quezon City. Sadyang hinihingi ng posisyon ng kanilang mga tinig kaya madalas silang mag duet at dahil dito ay mas higit na panahon silang magkasama. Hindi rin makaabot sa puso ni Teresa ang awit ng pagibig ni Danilo. Bagamat kaedad niya ito at parang mas matino sa binatilyo ay parang kaibigan lamang ang maibibigay niyang pagtingin sa dating seminarista. “ Si Lord nga tinalikuran mo eh… ako pa kaya !” ang minsan ay pabirong sinabi ni Teresa kay Danilo.
HAPPY VALENTINE’S DAY SWEETHEART!!- JUN JUN.
Gusot na halos ang card na nakasingit sa ikatlong bulaklak na natanggap ni Teresa. Si Jun Jun mismo ang nagdala ng mga bulaklak sakay ng kanyang Harley Davidson. Ang harurot ng mamahaling motor ang unang napuna ni Teresa sa ikatlong manliligaw. Pinaka pogi sa tatlo, magaganda at mamahaling damit ang laging suot habang sakay ng magarang motor si Jun jun, ang playboy ng bayan. Balita sa community na may anak ito sa unang girlfriend na pinilit ng mga magulang na sumunod sa kapatid na nasa U.S. Balita rin na marami itong nililigawan mula ng umalis ang kanyang kasintahan. Barman si Jun jun sa isang sikat na disco pub ng siyudad kaya’t sadyang marami din ang sa kanya ay nakapapansin. Naging magkumpare sila sa isang binyagan at mula noon ay ginawa ng binata ang lahat upang mapalapit kay Teresa. Nag apply at natanggap si Jun Jun na part time gardener sa villa ng pamilya Brambilla. Natawa pa si Teresa nang aminin ng binata na wala siyang alam sa paghahalaman. Naglakas loob lamang ito upang makita ng madalas ang kababayang katulong ng mga Brambilla. Minsang nagkakape ang dalawa sa kusina ay biglang hinagkan ni Jun Jun si Teresa. Pangyayaring nagbigay ng lakas ng loob sa lalaki na tawagin itong sweetheart mula noon. Pangyayaring nagpahina ng katatagan ng loob ni Teresa. Hindi niya nagawang tumutol at lumayo sa mahigpit na pagyakap ng binata. Ang kinatatakutan ni Teresa ay naganap na, unti unti ay nahuhulog ang kalooban nito kay Jun Jun na dama niyang may tapat na hangarin sa kanya. Kabaligtaran sa pagkakaalam ng lahat, si Jun Jun, ang playboy ng bayan.
“I won’t be here for lunch Teresa so you can go as you finish”, wika ng senyora habang palabas ito ng pintuan ng villa.
“Madam I really have to go I have an appointment today”, ang paalam naman ni Teresa.
“Oh yes ! Today is Valentine’s day and you have to go out with one of these three lovers” pabirong wika ni Sra Brambilla habang sabay turo sa tatlong pumpon ng mga bulaklak.
“Madam, the immigration office will give me today the nulla aosta of my husband, Ramon”, paalalang sagot ni Teresa.
“I know. Im sorry for Jun jun but Ramon will be our gardener when he arrive. “ May kasamang kindat ang paalam ng kaibigang amo. Bilang kaibigang babae ay halos naintindihan ng senyora ang bawat tibok ng puso ni Teresa. Ilang saglit pa ay mabilis din lumabas ng villa si Teresa , upang kunin ang pinakamagandang regalo na natanggap niya sa araw ng mga puso, ang visa ng kanyang asawa.
Ang may akda,
Tomasino De Roma
Feb 14,2012