Ama, ikaw ang haligi ng tahanan
Ama, haligi ka ng tahanan
mahinahon, matibay at may paninindigan
ang dangal ng pamilya’y binabantayan
mga anak ay inihahanda’t tinuturuan
upang maging mabuting mga mamamayan
na huhubog sa isang magandang lipunan
Ama, braso ka ng pamilya
malakas,masigla at laging handa
pulot pukyutan ay hanap sa tuwina
upang sa hapag kaina’y mayroong madala
mga kama’y lagi mang nakahawak sa lupa
kung para sa pamilya ika’y masaya
Ama, tanglaw ka ng tahanan
lalo na sa mga araw ng kagipitan
para makahinga’y gumagawa ng paraan
sa panahong naghahari ang kadiliman
akay ang pamilya sa maliwanag na daan
at kailan ma’y hindi iniiwa’t pinapabayaan
Ama,ikaw ang siyang gabay
sa tahanan ikaw ang tagasubaybay
kinabukasan ng mga mahal sa’yo nakasalalay
ang iyong pagmamahal ay banal at tunay
para sa pamilya’y magtitiis at ilalaan kahit buhay
upang bawat isa’y maging matagumpay
Ama, tunay ka ngang isang ama
sa mga kalalakiha’y talagang pinagpala
sa mga anak ay isang halimbawa’t pag-asa
kahalagahan sa lipuna’y walang hihigit pa
isang bagay hiling mo sa poong lumikha
sa pagtataguyod sa pamilya’y patnubayan ka
(ni: Demetrio ‘Bong’ Rafanan)