in

Ang paglilibing ng Panitikan Pilipino sa Kolehiyo

Walumpong dekada na ang nakalipas matapos itakda ng Konstitusyong 1935, Artikulo XIII, Seksyon 3 ang pagbubuo ng isang Pambansang Wika, tila matutuldukan na ang pag-iral ng Panitikan Pilipino. Mismong ang Korte Suprema ng Pilipinas ang nagawad ng sintensya na tanggalin na sa kurikulum sa Kolehiyo ang pagtuturo ng wikang Pilipino ng paboran nito ang CHED Memorndum #20, 2013.

Bagama’t napagkaisahan ng Pambansang Asembliya ang pagpapaunlad at adapsyon ng isang wika na gagamitin, ang Pilipino bilang wikang panturo sa mga paaralan ay napabayaan. Naging pabalat-bunga lamang ito o palamuti ng mga umaastang patriyotiko. Sa halip, sa ilalim mismo ng batas, sinasabi na ang Ingles at Espanyol ay mananatiling opisyal na bernakular.

Masalimuot na pag-inog ng ating Wika

Kung susuriin ang kasaysayan, Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Asya na may pinakahabang taon sa ilalim ng Kolonyalismo. Tatlong kolonisador na bansa (Espanyol, Amerika, Hapon) ang naging dahilan kung bakit nabansot ang ekonomiya, politika, kultura ng bansa. Sa esensya maging ang pagyabong ng panitikan.

Ayon sa mga dalubhasa, maari sanang di sumiklab ang Rebolusyong 1896 kung naging malawakan agad ang pagtuturo ng Espanyol sa noon ay nabubuong bansa – ang Pilipinas. Noong una ay sadyang may pagbabawal na matutunan ng mga Pilipino ang wikang Espanyol. Pinangunahan ng mga ilustrado tulad nina Dr. Jose Rizal, del Pilar at G. Lopez Jaena ang pagigiit na ituro ang wikang espanyol sa mga Pilipino. Dahil nakapag-aral sa Espanya, namulat sa mga liberal na ideya at pananaw, hinangad nila na maibahagi ang kanilang natutunan sa iba pang Pilipino.

Nag-iba ang anyo ng problema sa wika ng mapasailalim sa kolonyalistang Amerikano ang Pilipinas noong 1901. Isinabatas ang pagtuturo ng Ingles. Lumabas na pagmamagandang loob ito. Pero sa katunayan ay naging simula ng pagkabansot ng wikang Pilipino at pagyabong ng kolonyal na paghahari. Itinuring na “kaibigan” ang kolonisador sa halip na ituring bilang mananakop.

Gaano kahalaga ang Wikang Pilipino sa Bansa?

Kung walang Wikang Pambansa, walang magbubuklod sa pitong-libo at isandaang isla. Sa bansang may 9 na mayor na lengwahe at at halos isangdaang diyalekto, naging tulay ang paggamit ng isang bernakular o salita sa pagsilang ng bayan Perlas ng Silangan.

Sa isang bansa na may napakahabang kasaysayan ng pagkasakop ang diskurso sa wika, panitikan, identidad, lipunan, kultura at pagaka-Pilipino ay susing kawing sa pagkakaisa. Kung paano hinuhubog ang isang karakter ay nakaugnay kung anong wika ang ginagamit sa pakikipagtalastasan, pakikipag-ugnayan maging sa pakikipag-tungali o paglalahad ng protesta. Sa madaling salita, kasangkapang pampolitika ang wika. Kung wala ito, walang armas na gagamitin para pagkaisahin ang sambayanan.

May gamit pa ba ito sa kasalukuyang panahon?

Ang di magmahal sa sariling wika ay daig pa sa mabaho at malansang isda”.

Marahil sa mata ng mga burukrata, politiko, bisnesman at kolonyal mag-isip na indibidwal, ang wikang pambansa – ay wala ng silbi o gamit. Hanggang sa kasalukuyan, isa pa rin itong usapin, paano gagamitin bilang instruksyon sa mga manwal , nakakagaling ba sa negosyo?, ano nga ba dapat ang anyo nito at paano gagamitin sa pakikipagkalakalan at pakikipag-ugnayan sa labas ng bansa.

Pero sa mga makabayan, akademiko at simpleng mamamayan ng bansa, ang tagalog o wikang pilipino na ngayon o “Filipino” ay nananatiling makabuluhang instrumento sa komunikasyon, pag-aaral at mga usaping pampolitika hanggang sa paglikha ng mga tula at awitin, drama at patalastas sa radyo at telebisyon. Mabilis itong nakakaugnay sa kamalayan. Patuloy itong nagbibigay ng pagkakakilanlan. At sa larangan ng edukasyon – behikulo ang paggamit ng wikang Pilipino para sa paghahangad ng panlipunang pagbabago at pag-unlad.

Ang mga bansa tulad ng Hapon, Singapore at Tsina sa Asya ay di tinalikdan ang kani-kanilang sariling Wika. Sa katunayan, ginamit nila ito sa pagpapayabong ng kanilang kultura at edukasyon, syensya, inhinyeriya, arkitektura, medisina, pisika, robotika at sa iba pang larangan. Masasalamin na iginaod ng kanilang pagmamahal sa sariling wika ang inabot na pag-unlad ng kanilang bansa.

Epekto ng pag-alis sa Kurikulum ng Panitikan Pilipino

Sa halip na palawigin ang pagtuturo ng wika at panitikang Pilipino sa Unibersidad, kinitil ng Korte Suprema ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan na proteksyonan ang wikang pilipino laban sa kapital, tubo, kita at interes ng dayuhan.

Inabandona nito ang obligasyon na magtitiyak sa patuloy na pagsasalin ng kasaysayan sa mga susunod na henerasyon. Pinalalaki nito ang malaon ng pagitan ng mayaman at mahirap. Initsapwera na ang karaniwang tao na dapat sana ay benipisyaryo ng mga makabagong kaalaman, tuklas at mahahalagang impormasyon. Kapag wala ng guro o Propesor sa Kolehiyo ang panitikan pilipino, sino pa ang mangangalaga at magsasalin sa yaman ng wikang pambansa ?

Nanganganib na mawalan ng trabaho ang humigit-kumulang na 10,000 libong guro sa kolehiyo. Higit sa mga ito, tila inihuhulog sa kumunoy ang patriotismo, pagkamakabayan sa gagawing paglilibing ng wikang patuloy na nagsisilbing daluyan ng mga taong nasa kabilang pader ng paaralan. Hindi gramatika, balarila, sintaksis o bokabularyo ang nakasalang na usapin. Kundi ang tahasang paglapastangan sa wikang ginagisnan at niyakap ng sambayanan.

At pag nagkaganito, lalaganap ang kolonyal na kaisipan, mamamayang walang kamalayang pangwika at bansang nangangayupapa sa dayuhan. Walang dignidad. Bulag sa hinaharap.

Ibarra Banaag

Mga tala: Kung paano nilulutas ang problema sa wika, Bienvenido Lumbera.

What is nationalism, Letizia constantino.

PUP creative writing.Dr. David Michael San Juan.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Kanser sa Bituka

Cessione fabbricato, isa bang obligasyon?