Mga araw ay kay bilis dumaraan
Lumalapit ang isang kapistahan
Damang dama na ito't pinaghahandaan
Amoy pinipig langhap na buhat sa kabukiran
Simoy ng hangin sumasabay, nakikipag-unahan
Sa puso'y humahaplos at dumuduyan
Ang tumangap ay 'di masama
Ngunit ang magbigay ay mas maganda
Lalo' t sa mga tunay na sa buhay ay dukha
Magbigaya't magmahalan tayo tulad ng turo niya
Siya na nagbigay ng buhay at pinagpala
Unahin nating magpasalamat sa kanya
Nagagandahang mga parol ngayo'y nakabitin
Sa mga bintana't puno sa mga hardin
Nagpapaalala sa mga mahal na 'di kapiling
Kaligtasa't kabutihan nila'y ating idalangin
Pasko o hindi'y ating isapuso't isipin
Ang panginoon ay kasama lagi natin
Karamiha'y magiging masaya
Sa luntian kabukiran o sa aplaya
Pagsasaluhan ma'y payak at 'di masagana
Basta't buong pamilya'y magkakasama
Isip at kalooba'y tiyak na mapayapa
Kahit hapag kaina'y walang wala
Poong Maykapal nama' y nasa kanilang gitna
Magmahalan ngayong araw ng kapaskuhan
Umasa't mangarap ng walang hangang kapayapaan
Ng isang mundong naghahari'y pag-ibig at kabutihan
Kumanta ng mga awit na naggagandahan
Pagpapasalamat sa glorya ng Diyos na kataastaasan
Sa handog niyang anak na buod nitong kapaskuhan
Sa simbang gabi pagtunog ng kampana
Sabayan natin ng paghingi ng kanyang biyaya
Sana'y mapagtibay muli nawawalang paniniwala
At sa pagtingin sa kalangitan ng ating mga mata
Liwanag at karunungan sana'y ating makita
Nang mapagtantong pasko'y kaligtasan
Pagkat sa araw na ito si Kristo ay isinilang
ni: Demetrio 'Bong' Rafanan