Unti-unting nagbabago, Unti-unting nadarama
Pati simoy nitong hangin, Unti-unting nag-iiba
Sa himaymay ng balat ko, May mensaheng dinadala
Bawat dampi ng amihan, Ang hatid ay libong saya
Papaanong hindi gayon, Paparating na ang Pasko
May ligayang gumagapang, Humahaplos sa puso ko
Labindalwang buwan itong, Matiyagang hinintay ko
Binalot ng pananabik, Ang paglipas ng segundo
Ngayo’y ating binibilang, Ilang araw na lamang ba
Ilang tulog,ilang gising, Ilang bukas at pasko na
Ang dahon ng kalendaryo, Sa tingin ko’y nag-iisa
Ang araw na nalalabi, Kung pwede lang tanggalin na
Habang aking hinihintay, Ang araw ng kapaskuhan
Ang patas ng regalo ko, Patuloy kong binibilang
Akong ito’y nangangambang, Baka meron malimutan
Baka meron akong mahal, Na hindi ko mabibigyan
Pilit ko rin iniisip, Alin ba ang mas maganda
Ang regalong ibibigay, Ito kaya ay gusto nya
Sa puso ko’y nakatago, Ang magandang alaala
Sa regalong ibibigay, Siya’y aking mapasaya
Bakit nga ba itong pasko, Sa kristyano’y mahalaga
Bakit tayo’y nananabik, Na ito ay dumating na
Ang pagsilang ng Mesiyas , Na siyang sasakop sa sala
Ay kung bakit may kiliti, Sa puso ng bawat isa
Isisilang na ang Hari, Kaya tayo ay magsaya
Ang araw ng kapaskuhan, Ito’y sadyang araw Niya
Ang mundo ay nagdiriwang, Ang lahat ay maligaya
Umaawit ng papuri, Nalilimot ang problema
Kung sakaling bubuksan ko, Ang laman ng aking puso
Larawan ng batang paslit, Ang doon ay nakatago
Isang Niniong walang muwang, Isang batang naglalaro
Ang dakilang manunubos, Sa Krus ay ipapako
Maswerte ka kaibigan, Kung sa araw nitong pasko
Kasama mong magdiriwang, Mga mahal sa buhay
Ang araw ng kapaskuhan, Isang sibat sa puso ko
Pagkat ako’y nag-iisa, Malayo sa pamilya ko
Ang buhay ng mga tao,Sa ibabaw ng daigdig
Kung bagamat mayroon tamis , Siguradong mayrong pait
Ang mabuti nating gawin, Kapag pasko ay sumapit
Puso nating nag-iisa, Ay punuin ng pag-ibig,
ni : Letty Manigbas Manalo