in

Ang Pasko’y Parating

May liwanag na sumikat sa may dakong silanganin,
Nagdadala ng balitang itong Pasko’y paparating.

Sa madilim na karimlan
may gumuhit na liwanag,
May tinig na naririnig
sa likod ng mga ulap,
Ang amihan sakdal lamig
sumanib sa alapaap,
Nagbibigay kasiyahan
sa himalang magaganap,

Ang huni ng mga ibon
ay tila ba isang awit,
Sa lupa ay nagmumula

umaabot hanggang langit,
Makikita sa bulwagan
mga parol na nagsabit,
Naghahatid ng balita
na ang pasko’y nalalapit,

Ang paligid ay handa na
sa pagdating ng Mesias,
Meron talang nagniningning
makikita sa Itaas,
Haring Magong magigiting
sinundan ang mga bakas,
Magsisilbing bantay sila
sa sanggol na ilalabas,

Mga parol sa liwasan
ang kulay ay iba’t-iba,
Merong berde merong puti
at meron ding kulay pula,
Pati huni ng kuliglig
may mensaheng dala-dala,
Sumasabay sa tugtugin
at sa tunog ng trumpheta,

Sa mesa ay makikita
ang regalong nakapatas,
Ang merkato’y punong-punong
ng sariwang mga prutas,
Ang lahat ay nananabik
sa pagsilang ng Mesias,
Ang sanggol na magbibigay
ligayang walang kupas,

Ilang tulog ilang gising
ilang bukas na lamang ba,
itong ating hihintayin
upang tayo ay sumaya,
Sa likod ng kadiliman
merong talang makikita,
oh kay inip ng magdamag
oh kay tagal ng umaga,

Ang inip na namumungad
sa puso ko at damdamin,
Unti-unting nawawala
natatangay na ng hangin,
May liwanag na sumikat
Sa may dakong silanganin,
Nagdadala ng balitang
itong Pasko’y paparating.

Ms.Letty M. Manalo

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Dalawang Pinay, timbog sa sugal sa Roma

Ano ang required salary sa pag-aaplay ng Italian citizenship at paano ito kinakalkula?