Ang kasalukuyan ay kayo. Di nag-iisang ikaw.
Buhok
Habang sinusuklay ng mga daliri ang makintab at kulot niyang buhok. Naka-agaw pansin ang mala-abo na hibla na nakasingit sa milyong himaymay ng dati ay itim-na itim na kulay. Marahil natupok na ng araw at ng lamig. O kaya, ang di litaw na nagkikimpingang tunggalian sa kaibuturan ng kanyang dating malusog na buhok.
Sa gitna ng marahas at di mapipigilang pagpapalit ng kulay at pagkawala ng kislap at sustansya ng nakakabighaning bagsak ng kanyang buhok. Tila may nangungusap na kwento ang bawat pagkupas sa bawat taon ng pagsasama. Nakapagpunyagi man ang mala-abo o ang puting kulay sa dati ay itim na itim at kulot niyang buhok – may parte ng siklo na nakapananaig.
Ang patuloy na pagyabong ng pagmamahalan. Ang kapasyahang sumalungat sa pagbabago ng panahon. Ang di mapigilang pagnanasa na ipagpatuloy ang sinumpaang pag-ibig. Simula ng mangusap ang kanilang mata, ang bawat pisil sa kamay at ang unang dampi ng kanilang mga labi.
At lukso ng bawat sandaling magkaniig.
Bato balaning hanggang sa ngayon ay nakapamamayani.
Balat
Mabilis na nagbabago ang panahon. Kasingbilis ng tikatik ng ulan sa bubungang yero. Tila baga hinihila pababa. Di kayang pigilan ng mga pinapahid na krema. Lumilitaw ang mga gatla sa noo. Nakukulubot ang mala-sutla na balat. Animo bulaklak na nalalanta. Parang tubig sa sangka sa gitna ng malawak na tumana. Natutuyo. Namamatay ang mga liwalo at mga talangka.
Ang kabataan ay bukal ng yaman. Kagandahan, kisig, kapanghasan at talino. Hitik ng karanasan. Lawa ng katotohanan. Mistulang labirinto na dadaanan o dinaanan ng ngayon ay nagbabalik tanaw na anino. Nagsasalaysay nang bakit at saan umusbong ang unawaan na nababalutan ng hiwaga. Hanggang sa ngayon, bulag ito. At umid sa mga kataga. Bingi sa udyok ng iba.
Tulad ng marami. Hindi maamin na bago iusal ang salitang “mahal kita”, sinuyod muna ng mata ang iyong katauhan. Ang noo na bukal ng karunungan. Ang banat na banat na pisngi tulad ng rosas. Labi na singlambot ng bulak. Malakandilang daliri na yumayapos sa balikat. Maging ang binti at hita na pilit sinisilip sa lilim ng kasuutang bumabalot sa katawan. Inaaninag. Hinuhulaan ang hugis. Lahat ng ito. OO, LAHAT ng ito ang simula ng lahat ng batayan ng pagsinta.
Batayan na hinahamon ngayon ng panahon. Na kung naglaho na ang mga ito, apailanlang na rin ba sa hangin? Ang lahat ng mga ipinangako. Lahat ng mga sinabi. Lahat ng mga tinalikdan..
O mananaig ang tunay na kabuluhan ng pagmamahal?
Kasalukuyan
Ang ngayon ang magtatakda ng nakaraan. Matarik man o madulas ang tinalunton na landas. Ang mahalaga ay ang ngayon. Ang nagdaan ay salaysay na masarap na lamang pakinggan. Sa entablado ng buhay – ang bida ay laging duguan, palaging nasasaktan. Sa huli, ang bida ay bida. Nagtatagumpay. Kadalasan inaagaw ng manunood ang kongklusyon. Ipinagpapalagay na sila ang gumanap sa kwento. Husga ng mga matatabil na dila. ‘Singbilis ng balahibong nilipad ng hangin sa lansangan.
Kung ang kwento ay nakapanulay na sa mapanghusgang mga daliri. Naglilisik na mga mata. Naninilang mga dila. At nakahulagpos na sa dusa. Natuyo na ang luha sa pisngi. Bahagi na ito ng kasalukuyan. Bakas man ang mga latay, aninag man ang pinagdaanan. Ang tunay na aktor ay ikaw. Taas ang noo, walang kabog sa diddib. Walang pag-aalinlangan. Matining ang mga salitang lumalabas sa labi. Hindi nilulubid ang mga pangungusap. Dahil totoo. May buhay. Walang hiwaga.
Kung nakaligtas sa unos ng marahas na mundo. Marahil, kalong kalong sa ngayon ang pinakahuling supling. Yapos yapos ang mandaragit na bumihag sa kamusmusan. Magkaakbay na isinasalin ang bawat himaymay ng pinagkasunduang sumpa. Sandata na ginamit para abutin ang kasalukyan. Kahit sa simula ito ay magkahalong rosas at abo. Na ang tanging puhunan ay pinagtagni-tagning parte ng kwento na pinulot sa komiks. O sa nagpasali-salin obra ng mga manunulat. Kongklusyon na ang Eba at Adan ay maaring mabago. Hindi tadhana.
Ang kasalukuyan ay kayo. Di nag-iisang ikaw.
ni: Ibarra Banaag