Sabi ng marami, “Ang aso ang pinaka-loyal na hayop sa balat ng lupa”, minsan higit pang mas matapat kaysa tao”.
Totoo nga naman. Ang aso hindi ka itsitsismis. Hindi ka sasagut-sagutin. Ipagtatanggol ka. Magbabantay sayo ng may kasiyahan. Sasalubungin ka na kumakawag ang buntot. Lulundag sayo. Hahalikan ka na animo buto sa kanyang harapan. Sa madaling salita, kahit paluin mo, LOYAL siya sa iyo!
Kaya sa mga walang anak, mas mainam pang mag-alaga ng aso, kaysa umampon ng tao!
Trabaho.
Ng mag-aplay ako ng trabaho sa isang mayaman pamilya sa Montelupo, unang itinanong sa akin, “Mahilig ka ba sa aso?”Marahil kung nagkamali ako ng sagot sa araw na ‘yon, naghahanap parin ako ng trabaho hanggang sa ngayon.
“Lima kami sa bahay”, ang patuloy na pagpapakilala ng aking future employer. “Ako, si Carolina ang aking kabiyak, Lorenzo, Filippo at si PONGO”..Pongo”, naisip ko, pangalan ba yun ng tao? At kanyang tinawag.. POONGGOOOO!!tumatakbong lumapit ang isang Golden Retriever na kumakawag ang buntot. Parang nakangiti at tila kinikilatis kung may kakaibang amoy sa aming paanan. Sinisinghot ang dala naming hangin, ang bitbit namin na anak. Parang sinisugurong kung nagsasabi ba ako ng totoo na mahilig ako sa aso.
Destino.
Si Pongo ay halos kasing edad ng aking anak na si Alexandria. Oktubre 2009 ng magsimula akong magtrabaho sa pamilya Bartolozzi. Di pa lumalabas ang aking dokumento ng panahon na iyon. Kaya kahit all around ang trabaho, todo kudkod, walang puknat na pasipsip.
Lunes hanggang Sabado, sinasalubong ako ng masangsang na amoy ng tae ni Pongo na siya kong nililinis tuwing umaga. Ang nakasusulasok na amoy ng magkahalong dumi at ihi. Nagliligpit ng mga nginatngat na laruan na nagkalat. Hinga ng malalim. Iniipon ko ang pinakamaraming oksiheno (oxygen) sa aking baga. Dahan-dahan ko ito inilalabas habang nililinis ang tulugan ni Pongo. Ganito nagsisimula at nagtatapos ang aking maghapon. Kung may kasabihan na bawal magkasakit, ito naman – “BAWAL MAGSAWA”!, piryud!
Ito lang naman ang parte na hindi ko ikinatutuwa kay Pongo.
Ang unang dalawang taon ng kanyang pagiging tuta. Ganyan daw lahat ng aso. Tinutuklas ang lahat kaya napakakalat. Na kalaunan ay natutunan ko ng ituring na parte talaga ng trabaho.
Ang maliligayang araw ay biglang naunsyami. Akala ko maluwag na. Yun pala biglaang natapos. Masayang ipinakilala ng amo kong babae si Peggy. Nalulungkot daw kasi si Pongo. Walang kasama. Walang kalaro kaya nag-desisiyon sila na ihanap ng ka-partner. Kaya balik ulit sa dati. Nagkalat na naman ang ihi at dumi. Nakasabog na naman ang mga nginangatngat na laruan. Lahat ng maaapuhap ng makating gilagid ng aso. Kaya si Pongo na nadisiplina ko na! Edukado na! Hayun at kasama ng tutang si Peggy sa paggawa ng dagdag na trabaho!
2016 ng madiskubreng may kanser si Pongo. Tila sumaklob ang langit at lupa sa loob ng 490 metro kwadradong Villa. Nanahimik ang hardin na ginagawang maliit na Park ni Pongo at Peggy. Nahinto ang paghuhukay sa mga sulok. Natigil ang pagkakalat ng mga laruan. Pati ako, nabawasan ng sinisigawan para tumigil ang dalawang aso sa pagsira sa mga malalaking Vase ng Rose at Bongabilya.
Sa halip na 2 bata lang ang inihahatid ko sa iskwelahan, nadagdagan ng isa. Dalawang beses isang lingo ay pinapa-chemotherapy si Pongo sa Bologna. “Pati pala aso”, wika ko. Medyo nakaramdam pa nga ako ng pagkalungkot. Una, naisip ko na mabuti pa ang aso dito sa Italya nagagawang maipagamot. Kahit mahal! Pangalawa, pitong taon pa lamang si Pongo. Ano’t napakaikli naman ng kanyang magiging pag-iral sa mundo. Maging si Peggy, ng madiskubring maysakit si Pongo ay tila nakaramdam ng panghihina. Siguro, sadyang malakas ang kanilang pandama. May napapansin sila na di kayang makita ng ating hubad na mata, o ng syensya.
Pasko ng 2017, mahigit 15 tipo ng cake ang inihanda ng aking Employer. Lima dito ay tsokolate. Alas-siyete ng umaga, may sumisigaw… “Ibarra, Ibarraaaaa!! si Peggy, si Peggy..” Nakita namin na nakahandusay sa tabi ng hagdan sa labas. Lawit ang dila. Iba na ang kulay. Wala ng itim sa mata. Nalaman ko na lamang kinain ni Peggy ang halos limang kilong Chocolate Cake na natira. Laking sisi ng aking employer sa sarili. Siya daw kasi ang nag-iwan niyon sa lamesa. Sana daw ay dinala na nila sa doktor ng gabi rin iyon. Para maiba ang atmospera, sinikap ko na magpatawa. ”Wag na kayong malungkot, masaya naman na namatay si Peggy”, biglang umaliwalas ang mga mukha at napatango ang lahat. Kung alam lang siguro ni Peggy na ang sobrang tsokolate at cake ay kanyang ikamamatay, baka hindi niya kainin lahat. O hinatian niya si Pongo. Naisip ko, ito ang kanyang destino.
Pangungulila.
Subalit hindi ang lalaking Bartolozzi.Nasa kalagitnaan ng meeting na kanyang dagling iniwan matapos mabalitaan ang sitwasyon ni Peggy. Nangingilid na antimano ang kanyang luha bumababa pa lamang ng kanyang kotse. Parang bata na humahagulgol ng makita niya si Peggy. Sumambulat ang nakabukol na takot. Di mo kakayanin mapag-iba ang luha at sipon na magkasabay na tumutulo sa kanyang mukha. At para sa kaalaman ng mundo, 3 linggong nagluksa ang amo kong lalaki! Oo, tatlong linggong singkad! Sabi ko sa sarili, “ganito pala sila dito sa Europa”. Kung sa Pinas ‘yan, baka pulutanin pa yan.
Naging madalas na rin ang paroon at parito ni Pongo sa espesyalista. Di ko na mabilang ang gamot na ipinapainom sa kanya. Sinubukan na rin namin ipa acupuncture. Lahat ng igiginhawa ni Pongo, ibinibigay. Pero, sa kabila ng lahat ng kanyang nararamdaman, walang nagbago kay Pongo. Sumasalubong sa tarangkahan. Ihahatid ka niya sa garahe. Aabangan ka sa pagbukas ng pintuan ng iyong kotse. Kahit bumagal, kinakampay pa rin ang kaniyang buntot. Kahit kapansin-pansin ang pagbabago ng dati’y makislap na mata, tila nangungusap ito at nagpapahiwatig ng kagalakan sa iyong pagdating. Ito’y sa kabila na siya’y nangayayat na. Nawala ang tulin sa pagtakbo. Mahina ng kumain.
Diliryo
“Magkapareho kaya ang nararamdaman ng tao at isang aso na parehong may kanser?”
Naiisip ko ito tuwing pinapakain ko si Pongo. Kasi, ni minsan di ko siya narinig na dumaing. O lumikha ng kapansin-pansin ingay para sabihin na may masakit sa kanyang katawan. Minsan nga inaaninag kong mabuti kung ang basa sa kanyang pisngi ay luhang pumapatak sa gabi bago siya matulog. Na di tulad ng tao, oo ng rasyonal na nilalang ng Diyos – ay pumapalahaw, namimilipit at sadyang dumaraing kahit sa simpleng sila ay may lagnat o masakit ang ulo.
“Alexandria, tara na. Ihahatid na kita sa iskwela, tawag ko“. Isinukbit ko na ang mabigat na bagpack, nagsuot na ako ng somblero. Samantalang nagmamadali naman isinusuot ni Alexandria ang kanyang uniporme. “Halika, tignan muna natin si Pongo”, aya ko. Sa garahe, kung saan siya pinapatulog, nakita namin si Pongo na nakahiga sa tapat ng pintuan ng kotse ng aking employer. “Pongo, Pongo”.., di siya gumagalaw. “Pongo, yooohhooo, pongo” Walang kaluskos. Di kumakampay ang kanyang buntot. “Patay na si Pongo, kaba ng aking dibdib, dikta ng aking natunghayan”. Di na ako nagtaka sa pwesto at posisyon, bago malagot ang kanyang hininga. Siguro, nais niyang ipaalam, na hanggang sa huli – ang aking employer ang pinili niyang “padrone”. Kahit ako ang nagpapakain sa kanya araw-araw. Kahit sa loob ng mahabang panahon, sa aking pag-babantay siya lumaki.
Sereno.
“Mapayapa ang naging pamamaalam ni Pongo”. Ito ang unang salitang namutawi sa bibig ng aking Employer na lalaki. Noon ko lang siya nakita na tahimik. Tila pinipili ang sasabihin. Para bang pinaghandaan na niya ang araw na ito. Darating ng walang paabiso. Lahat ay nagluluksa. Walang tigil ang tawag sa lokal na linya ng aming telepono. Lahat ng kapamilya at kaibigan ay nagpapahayag ng pakikiramay. Lahat ay nagsasabi ng magandang ala-ala ni Pongo. Sa Crematory, kung saan pinagpasyahan ng pamilya na dalhin ang kanyang bangkay. Napansin ko na di magkandatuto ang receptionist sa pagpapaliwanag at pagpeprisinta kung saan kahon at bakit ang kahon na iyon ang maganda. Palagay ko ay naiipit siya sa mga pangyayari. Nabuo ang aking pagtingin na napakahirap ng ganuong klase ng trabaho. Manimbang sa damdamin ng kliyente at kagustuhan makapagbigay ng pinaka-angkop na serbisyo.
Ibarra Banaag